Ulat ni Whaine Tongol
Nakakita ka na ba ng isang musikerong tumutugtog sa kalye at nanghihingi ng donasyon? Ang tawag dito ay busking.
Ngunit ang mga lokal na musikero ng Los Baños ay mayroong sariling uri ng busking, kung saan sila ay naglalagay ng kakaibang pakulo at layunin.
Ang grupong Los Buskeros at si Andrea Bislig ay ilan sa mga lokal na buskers na ginagamit ang kanilang talento upang makatulong sa iba sa pamamagitan ng kanilang “Open Mic: Busk All You Can” at “Busk-for-a-Cause.”
Kadalasang nagtatanghal ang mga buskers sa gilid ng Cheesy Silog at sa Forward Cafe sa Raymundo o alinmang abalang kalye tuwing ikalawang linggo ng buwan.
Nagtatawag sila ng mga musikero sa kanilang Facebook page. Pagkatapos ay binibuksan ang entablado para sa kung sino mang nais magtanghal para sa ‘open mic’.
Dito ay nakikilala at nabibigyang pansin ang mga baguhang mga artista at malayang nilang naipapahayag ang kanilang sarili sa pamamagitan ng kanilang musika.
Musika Bilang Wika ng Kultura
Nagsimula ang busking o street performance bilang paggamit ng talento ng mga mang-aawit at musikero para sa kanilang pangangailangang pinansyal o pagpapakita ng kanilang sining sa musika upang manghikayat ng mga manonood at tagapakinig sa mga abalang kanto ng kalsada o pampublikong lugar sa maraming bahagi ng Pilipinas.
Walang tiyak na petsa kung kailan dumating ang busking sa Pilipinas, nagsilbi ito bilang daluyan ng iba’t ibang kultura at paraan, at naging bahagi na rin ito ng makulay na kultura ng musika sa bansa.
Sa paglipas ng panahon, habang dumarami ang mga buskers sa Pilipinas ay unti-unti ring nagbabago ang kahulugan nito.
“[Ang busking] maliban sa performance siya and yung sharing of art on the streets for the people, ito ay pag-eencourage ng participation ng mga local artist and community members na sumali and ishare yung talents and arts na meron sila,” ayon kay Chadwick Calica, Property Custodian ng Los Buskeros.
Ang Pilipinas ay tahanan ng libo-libong uri ng kultura, bawat isa ay may sariling natatanging pagkakakilanlan at paraan ng pagpapahayag. Kasama sa mga kulturang ito ang isang malawak na hanay ng mga artistikong at musikal na pagtatanghal na naipamana sa kasalukuyang henerasyon. Sa pamamagitan ng busking, napagsasama-sama ang iba’t ibang kultura at kanya-kanyang talento ng mga artist upang makabuo ng sariling tunay at orihinal na kultura, ayon kay Vincent Velasco sa The Social and Cultural Nature of Busking in the Philippines.
Isa sa mga nagsilbing patunay nito ay si Martin Riggs. Binuo niya ang Busking Community Ph sa hangad na makalikha ng isang kolektibo ng mga musikero na nagtutulungan at sumusuporta sa isa’t isa na dalhin ang kanilang musika sa lansangan.
Bilang isa sa mga sangay ng Busking Community Ph sa Los Baños, dala-dala ng Los Buskeros ang parehong adbokasiya.
“We aim to normalize busking and make it more inclusive to all art forms (Layunin naming normalisahin ang busking at gawin itong mas inklusibo sa lahat ng anyo ng sining),” batid ni Chadwick.
Mas pinalawak pa ng Los Buskeros ang saklaw ng kanilang pagba-busk dahil di natatapos sa mga mang-aawit ang talentong binabahagi nila, itinatampok din nila ang iba’t ibang uri ng merchants, tulad ng Henna at mga nagbebenta ng digital artworks at wood work.
“Wine-welcome namin ‘yung lahat ng mga tao to join and share yung art nila on the streets, for the people. Kumbaga ‘pag dumating din yung mga tao hindi lang music yung makikita nila don, kundi yung mga merchants din with their own art,” paliwanag ni Chadwick.
Musikang Mula sa Kalsada, Para sa Kalsada
“Busking, based sa experience ko, ay yung magpeperform ang mga different musicians and artists for the benefit of the people na pipiliin nila na pagtutuunan ng malilikom nila,” ayon naman kay Andrea Bislig.
Isang pangunahing aspeto ng kulturang Pilipino ay ang pagiging matulungin sa kapwa na naipapakita sa pamamagitan ng pagkakawang-gawa at bukas-palad na pagtulong. Ang halagang ito ay nanghihikayat sa mga Pilipino na tumulong sa mga nangangailangan upang magkaroon ng positibong epekto sa buhay ng iba.
Patunay dito si Andrea Bislig na ginamit ang busking upang makatulong sa mga nasalanta ng bagyong Paeng.
“Bilang mga estudyante wala kaming enough money para makabili ng kung anumang kakailanganin ng mga nasa evacuation center. So naisip ko na parang what if magbusking na lang tayo since marami rin naman sa friend group ko na tumutugtog” hayag ni Andrea.
Sa pamamagitan ng kanyang Facebook page na Deng Oatmeal, patuloy na ginagamit ni Andrea at ng kanyang mga kaibigan ang busking upang makatulog sa mga nasalanta ng bagyo, mag-aaral na nangangailangan ng kagamitan sa pag-aaral, at sa cancer patients sa Los Baños.
Kasama si Andrea sa mga nagbago ng adhikain ng busking, kung saan binigyang diin na bukod sa pagbibigay aliw at pagpapakita ng talento, instrumento rin ito upang tumulong sa mga nangangailangan.
Busking bilang uri ng sining sa halip na plataporma
Iba’t iba ang kahulugan natin sa art o sining, di maikakaila ang pagkakahalintulad nito sa busking. Upang tunay na mas maintindihan ang ebolusyon ng busking bilang uri ng sining mula sa pagiging plataporma ay dapat nating suriin, base sa mga gawain ng mga tagapagtanghal nito, ang mga nangingibabaw na katangian nito.
Ang Art ay may Layunin. Nagsimula ang busking bilang platform dahil nagsisilbi itong paraan upang magbigay daan para emosyonal na makakonekta ang mga musikero sa ibang tao. Ngunit sa mga buskers tulad ng Los Buskeros at ni Andrea Bislig ay napatunayan na sinasagot na rin ng busking ang mga tanong na para saan at para kanino.
Ang Art ay Nangangailangan ng Oras at mga Kagamitan. Tulad ng ibang uri ng sining ay hinihingi na rin ng busking ang oras para sa preparasyon at kagamitan bago maipresenta. Kasama sa preparasyon na ito ay ang paghahanap ng mga musikero na may magkatulad na layunin, paglikom ng pera para sa mga instrumento at kagamitan para sa busking, at pagkuha ng permiso mula sa barangay upang magamit ang napiling lokasyon. Hindi katulad ng platform kung saan maari mo lamang ipakita ang iyong sining kung ito ay tapos na.
Ang Art ay Nagbibigay Inspirasyon. Lingid sa kaalaman ng iba, hindi madali ang pagba-busk. Tulad ng Los Buskeros at ni Andrea Bislig, marami silang hamon na hinaharap sa pagpeperform– kasama rito ang mga preparasyong binanggit. Ngunit tulad din ng musika sa pangkalahatan, sa kabila ng lahat ng ito ay patuloy pa rin silang nagpupursigi, makapukaw lang ng damdamin at makapagbigay inspirasyon sa mga dumaraan.
Ang Art ay Nangangailangan ng Husay at Galing. “Kasi sa busking, kahit na performance lang sya, iba yung approach mo talaga dahil wala ng stage, kailangan mag interact talaga sa mga tao and that is skill itself, that [differentiates] it from other types ng performance din talaga…kasi dumadaan lang sila e pano mo makukuha yung attention nila” paliwanag ni Jun de Leon, Presidente ng Los Buskeros.
Ang pag-iiba ng kahulugan ng busking ay patunay na patuloy na umuusbong at lumalalim ang koneksyon nito sa kultura ng Pilipino. Pinapakita rin nito ang pagbabago ng interpretasyon ng tao sa kung ano ang busking. Sa hinaharap, patuloy man ang pagtanggap ng publiko sa mga Pilipinong buskers ay patuloy pa rin ang paghahangad nila na magkaroon ng kalayaang maipahayag ang kanilang himig mapa sa kalye man o kahit saan.
Kung nais tumulong, magbigay donasyon o makipag-collaborate sa Los Buskeros ay maari silang kontakin sa kanilang Facebook page na Los Buskeros o iemail lamang sa [email protected]. Kung nais naman tumulong at magbigay donasyon kay Andrea Bislig ay maari bisitahin ang kanyang Facebook page na Deng Oatmeal.
References:
Blank, D. (2017, May 5). Craft vs. platform: which comes first? WeGrowMedia. https://wegrowmedia.com/craft-vs-platform-which-comes-first/
Caña, PJ. (2020, February 28). There’s a Small Busking Community in the Philippines, and Martin Riggs Wants to Make it Bigger. Esquire. https://www.esquiremag.ph/culture/music/martin-riggs-busking-in-the-philippines-a00289-20200228-lfrm
Lago, A.T. (2022, January 22). On the streets of Manila, Martin Riggs lost his wallet and found his voice. Rappler. https://www.rappler.com/entertainment/music/249801-how-martin-riggs-lost-wallet-found-voice/
Velasco, V. (2024). The Social and Cultural Nature of Busking in the Philippines [Dissertation, University of the Philippines Baguio]. ResearchGate.net. https://www.researchgate.net/publication/378400636_The_Social_and_Cultural_Nature_of_Busking_in_the_Philippines