Ulat at kuha nina Patricia Denise C. Domine at Aliyah Dorelle Sabarre
Sa unang tingin, hindi aakalain na ang mabundok na daan sa Jamboree Road ng Barangay Timugan dito sa Los Baños ay may tinatagong mga lugar na mayaman sa kwento ng nakaraan– ang General Yamashita Shrine at ang General Homma Execution Shrine.
Ang mga ito ay bukas sa publiko nang libre, ngunit bibihira lang ang pumupunta dito.
Unang madadatnan sa kaliwa ng lansangan ang isang itim na trangkahan at bakod na gawa sa pinagtagping yero kung saan nakatayo ang memorial shrine ni Tomoyuki Yamashita, ang heneral ng hukbong-sandatahang Hapones na nanalo laban sa paglusob ng Britanya sa Malaya at Singapore noong World War II, taong 1941. Tinaguriang “Tiger of Malaya”, nakaukit ang kanyang pangalan mula sa arko hanggang sa plaka ng monumento.
Ilang metro lagpas dito, nakatayo naman ang kay Masaharu Homma o ang “Beast of Bataan” na siyang nagsilbing komandante sa pananakop sa Pilipinas at sa pagsasagawa ng Bataan Death March. Ang monumento ng heneral na hinalinhan ni Yamashita ay mararating lamang kapag nilakad ang isang masukal na parte ng bundok.
Si Heneral Yamashita ay binitay noong Pebrero 23, 1946 habang si Heneral Homma naman ay pinatay sa pamamagitan ng firing squad noong Abril 3, 1946. Ito ay parehong nangyari sa Los Baños, Laguna Prison Camp, malapit sa kinatatayuan ng Baker Hall, UPLB.
Sa kabila ng abandonadong itsura ng mga monumento, ito pa rin ay minsang sinasadya ng ilang tao. Kwento ni Efren Salangsang, isa sa mga caretaker, ang mga Hapon ay nagdadasal at nag-aalay sa kanilang pag bisita. Tila ang pagluhod nila na inaabot ng dalawang oras ay simbolo ng kanilang paggalang at pagbunyi sa minsang nagbigay ng tagumpay sakanila.
Nang tanungin kung dumadalaw ba ang mga Pilipino, kalimitan ay may mga kasamang Hapon na panauhin o kaibigan din nila.
“Alam ko maraming bumabatikos dyan,” bahagi niya.
Ayon naman kay Allan, isang residente, walang pakialamn ang mga Pilipino sa shrine sapagkat hindi naman bayani ng bansa ang dalawang heneral. Bagaman wala na sa mga residente sa lugar ang nakaabot sa masalimuot na panahon, ang mga napagpasahang kwento sa komunidad ay sapat na para malaman nila ang kalupitan na dinanas sa ilalim ng mga banyaga.
Sa katunayan, sa lupa ng lugar na iyon mismo minsang umulan ng dugo at bala. At ang presensya ng dalawang monumento ay tila bulong na lang ng kasaysayang nasaksihan ng lugar.
Marka ng Kakulangang Suporta
Sa entrada ng Yamashita Memorial Monument, nakapaskil ang pangalan ni Salangsang na siyang nagsisilbing tagapangalaga nito simula pa noong 2009. Ang kamay at pawis ng 46-anyos na residente ang dahilan kung bakit hindi pa rin tuluyang nababaon ang lugar sa talahib.
“Tayo ay wala ditong sweldo. Wala tayong allowance kahit singko. So ang nangyayari, kapag may dumadating na Hapon, so nagdo-donate sila,” panimula niya.
Maliban sa bihirang pagdalaw, malaking porsyento sa mga donasyong ito ay napupunta lang din sa pag sustento ng lugar. Aniya nakakatanggap siya buwan-buwan ng Php 500 mula sa isang regular na bisita kung kaya’y napapanatili niya pa rin ang pagtabas ng mga damo sa kabila ng kawalan ng pondo. Maliban sa buwanang panauhin, meron ding Hapon na taun-taong pumupunta at nag-aabot ng humigit-kumulang P5,000. Ito naman ay inilalaan sa pagpipintura ng kumukupas na pader.
Ayon sa isang pag-aaral sa International Conference on Tourism Research ni Mercado noong 2014, matatawag nang deteryorado ang heritage site dulot ng kakulangan sa pangangasiwa. Unang mungkahing inilatag ay ang importansya ng papel ng lokal na pamahalaan sa paghawak sa lugar. Isang dekada na ang nakalipas, makikita na ang mga rekomendasyong inilatag ng mga mananaliksik ay nanatili lamang sa papel.
Kasabay ng pangakong allowance ng munisipyo kay Salangsang ay ang pagsasaayos ng lugar para ganap na maging tourist spot. Pero kwento ng tagapangalaga, walang naisakatuparang pangako sa labing limang taon niyang serbisyo.
“Ito na nga, magigiba na nga eh, wala pa ring nangyayari,” sambit niya.
Sa kabila ng kawalan sa suportang natatanggap, nananatili si Salangsang bilang caretaker dahil sa maliit na tulong na dala ng trabaho. Kasabay ng pagiging tricycle driver at pagbebenta ng mangga, nagpapasalamat parin aniya siya sa karampot na natatanggap mula sa mga bilang na panauhin. Bukod pa roon, ang malawak na lote ay nagsisilbi na ring bakuran ng bahay gawa ng mga personal na pananim na ilang taon nang naninirahan sa lupa.
Sa katunayan, tanging hiling niya na mapanatili ang mga inaalagaang punla kung sakaling mawala ang pangangalaga ng lugar sa kanyang kamay. Ngunit sa ngayon ay hindi niya nakikita ang sarili na bibitawan ang libreng trabaho, at aniya nasa pamilya niya pa rin ang susunod na maglalaan ng sakripisyo para rito.
Sagisag ng Kalayaan o ng Mapait na Nakaraan?
Makikita ang pangalan ng mga shrine sa social media page ng Laguna Tourism Culture Arts and Trade Office at Los Baños Tourism Office. Sa katunayan, idineklara rin ng Department of Tourism (DOT) ang mga ito bilang isa sa mga historical destinations ng lalawigan.
Ayon ulit sa pag-aaral ni Mercado noong 2014, ang pagpatay sa dalawang tanyag na heneral ay maituturing na simbolo ng kalayaan mula sa kamay ng mga manlulupig. At ang kapabayaan daw sa lugar ay nagpapakita ng pagkalimot sa kasaysayan at heritage conservation.
Ngunit sa kabila ng kahalagahang inisyal na iniuugnay sa mga memorial shrines na ito, malaking misteryong maituturing ang kakulangan ng sapat na suporta mula sa mga opisyal na institusyon sa pangangasiwa ng mga ito. Bakit nga ba isang mamamayang katulad ni Efren Salangsang ang punong-tagapangalaga nito, at nang walang pondo mula sa gobyerno?
Maaaring ang obligasyon ng mga Pilipino sa heritage site ay hindi mula sa katulad na lente at gawi ng lahing minsang nagpadanak ng dugo sa lugar kundi bilang tagapagpaalala ng mahalagang parte ng kasaysayan at tagapagpagunita ng tagumpay ng mga ninuno. At maaaring ang obligasyon ng pamahalaan ay ang bayaran ang sakripisyo ng mga tulad ni Efren at pangunahan ang pagsasabuhay ng kasaysayan.
REFERENCES:
American Experience, PBS. (2019, August 20). Masaharu homma and Japanese atrocities. American Experience | PBS. https://www.pbs.org/wgbh/americanexperience/features/bataan-masaharu-homma-and-japanese-atrocities/#:~:text=On%20April%203%2C%201946%2C%20Lt,life%3B%20her%20pleas%20were%20denied.&text=On%20December%2014%2C%201944%2C%20Japanese,into%20an%20air-raid%20shelter.
Britannica, T. Editors of Encyclopaedia (2024, March 30). Homma Masaharu. Encyclopedia Britannica. https://www.britannica.com/biography/Homma-Masaharu
Britannica, T. Editors of Encyclopaedia (2024, April 16). Yamashita Tomoyuki. Encyclopedia Britannica. https://www.britannica.com/biography/Yamashita-Tomoyuki
Gearlan, C.I. (2020, September 1). Liberation of the Philippines 1945. The National WWII Museum | New Orleans. https://www.nationalww2museum.org/war/articles/liberation-of-philippines-cecilia-gaerlan
Mercado, J. M. T. (2014). The Forgotten Shrines: General Masaharu Homma – General Tomoyuki Yamashita Execution Shrines Depicting History, Significance, and Deterioration as a Study for Heritage and Cultural Tourism Attraction Management and Development in Los Baños, Laguna. SHS Web of Conferences, 12, 01011. https://doi.org/10.1051/shsconf/20141201011
National Library Board Singapore. (n.d.). Tomoyuki Yamashita. https://www.nlb.gov.sg/main/article-detail?cmsuuid=d008076a-e51e-4df6-b4ea-804870d389a1