Ulat ni Christine Joyce Llamelo
Nasa Larawan: Nagtipon ang bawat pinuno at kinatawan ng mga opisyal na organisasyon at kagawaran upang ipakita ang kanilang pagkilala at pagpupugay sa pamamagitan ng pag aalay ng bulaklak sa dambana. (Kuha ni Christine Joyce Llamelo)
Kalayaan sa kasaysayan – ano ang kahalagahan ng mga ito sa Bayan?
Ika-80 na anibersaryo ng Liberation of Los Baños Internment Camp muling ipinagdiwang nitong Linggo, ika-23 ng Pebrero sa University of the Philippines Los Baños- Charles Fuller Baker Memorial Hall.
Sa pangunguna ng Los Baños Tourism Office, na dinaluhan ito ng Veterans Federation of the Philippines, Descendants of Hunters ROTC Guerillas Inc., ilang mga mamamayan at mag aaral sa mga malalapit na barangay, ang ilang mga opisyal at kapulisan.
Ang taunang selebrasyon ay upang bigyang pagkilala at pagpupugay ang mga Pilipinong guerilla at sundalong Amerikano na tumulong sa 2,147 bilanggo sa Baker Hall UPLB noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig o World War II, sa pamamagitan ng pag-aalay ng mga bulaklak sa dambana.
Sinimulan ang pormal na pagdiriwang sa pagbibigay ng mensahe ni Chancellor Jose V. Camacho Jr. ng UPLB kung saan ibinahagi niya ang kanyang saloobin ukol sa taunang selebrasyon na ito sa, aniya batay sa mga report at record, “Hindi lamang dito sa Pilipinas, kung hindi sa iba’t- ibang panig ng mundo ang raid on Los Baños… Ay itinuturing na pinakamahalagang pangyayari sa kasaysayan.”
Sa pambungad na mensahe naman ni Gng. Ma. Rosela De Ocampo, Presidente ng Descendants of Hunters ROTC Guerillas Inc. Nais niyang bigyang pagkilala ang mga “kabataan” edad 17-20 taong gulang na mga kalalakihang boluntaryong nagsanay ng walang sahod subalit patuloy na lumaban sa mga mananakop noong panahon ng digmaan.
Nagbigay naman ng mensahe si Punumbayan Anthony F. Genuino, sa pamamagitan ng kanyang kinatawan na si Konsehala Mec Dizon na nagbahagi rin ng kanyang saloobin at pagpapaunlak. Nagpaabot din ng mensahe sina Gobernador Ramil Hernandez at si Konggresista Ruth Mariano-Hernandez, upang iparating ang kanilang pasasalamat at pagbibigay pugay ukol sa selebrasyon.
Pinaunlakan naman ni Tagapangulo Jaime De Los Santos ng Board of Trustees of the Veterans of World War II, ang lahat ng mga opisyal, organisasyon, warriors, at mga veterans na naglingkod at patuloy na naglilingkod sa bansa. Inilahad niya rin ang naging parte ng mga Amerikano sa liberasyong ito, gayundin ang pagkilala partikular sa mga miyembro at parte ng ROTC.
Ayon kay Tagapangulo Roberto F. De Ocampo ng Philippines Veterans, “Not today, but last October. It was the beginning, we think, of our liberation.” Kasunod ay nagbahagi rin si Prof. Bernard Leo M. Karganilla ng UP Manila ng kanyang personal na mga mithiin at kagalakan, ayon sa kanya, sa rami ng henerasyong nagdaan ay tunay na marami na ang naganap sa ating kasaysayan.
Binigyan ng sertipiko at pagkilala ang mga miyembro ng Board of Trustees of the Veterans of World War II, at ang iba pang mga opisyal na dumalo at nagdiwang ng anibersaryo.
Sa pangwakas na mensahe ni Ginoong Jesus Terry F. Adevoso bilang kinatawan ni Tagapangulo Frisco San Juan ng Descendants of Hunters ROTC Guerillas Inc., ay taos puso silang nagpasalamat sa lahat ng dumalo upang ipagdiwang ang ika-80 anibersaryo ng Liberasyon sa Los Baños Internment Camp.
Binigyang pagkilala rin ang mga kabataang nagkamit ng karangalan sa isang On–the-Spot Painting Contest and Art Workshop na ginanap noong ika-19 ng Pebrero na may temang naaayon sa anibersaryo.
Inaasahang magpapatuloy at mananatili ang historya ng Liberasyon sa Los Baños sa darating na mga panahon.