Ulat ni Clarence M. Ilao
Inilunsad ng Los Baños Municipal Health Office (LBMHO) ang unang Health Caravan para sa taong 2025 noong ika-14 ng Pebrero sa Brgy. Bambang Court, Los Baños, Laguna. Ang nasabing programa ay pinangunahan ng medical professionals at volunteers upang magbigay ng libreng serbisyong pangkalusugan sa mga residente ng Brgy. Bambang at iba pang karatig na lugar sa Los Baños.
Tinatayang higit sa 400 na residente ng Los Baños ang lumahok sa programa, ayon sa datos na ibinigay ng LBMHO. Karamihan sa mga lumahok ay mga senior citizens, kababaihan, at mga bata mula sa Brgy. Bambang Daycare Center.

Matapos ang pagrehistro at pagsuri ng vital signs, ang mga residente ng Brgy. Bambang ay nakatanggap ng libreng konsultasyon at check-up mula sa Health Caravan noong Pebrero 14, 2025. Kuha ni Clarence M. Ilao
Handog ng proyekto ang iba’t ibang serbisyo tulad ng screening services, medical check-up, dental services, laboratory test para sa diabetes, PhilHealth e-Konsulta, at in-person consultations. Nakatanggap din ng libreng gamot ang mga residente na may reseta mula sa LBHMO.
Mayroon ding screening test para sa tuberculosis (TB). Ayon kay Dr. Alvin Isidoro ng Rural Health Unit I (RHU) sa kanyang talumpati sa pagbubukas ng programa, isa ang Brgy. Bambang sa may pinakamataas na kaso ng TB sa buong Los Baños.
Bilang bahagi ng kampanya para sa reproductive health at kasabay ng Araw ng mga Puso, namahagi rin ang programa ng libreng condom, pregnancy test, at HIV test.
Ipinaliwanag ni Cristeta De Villa, isang midwife at ang Coordinator ng programa, na layunin ng Health Caravan na mailapit ang serbisyong pangkalusugan sa mga mamamayan ng Los Baños. Binanggit niya ang ilan sa mga isyung nararanasan sa Los Baños, kung saan marami sa mga residente nito ay may problema sa kakulangan ng doktor at gamot kaya ito’y kanilang patuloy na tinutugunan sa pamamagitan ng Health Caravan.
“Hindi [ko] na kailangang pumunta sa mga [tindahan] ng gamot kasi [laging] sarado. Ngayon, malaki ang naitutulong nito [Health Caravan] dahil libre ang gamot pati ang konsultasyon. Nagpapasalamat ako na may [ganitong] serbisyo,” ani Gloria Burgos, isang 73 taong gulang na residente ng Brgy. Bambang na lumahok sa isinagawang Health Caravan.

Namahagi ng libreng gamot ang Los Baños Municipal Health Office (LBHMO) sa mga residente ng Brgy. Bambang sa inilunsad na Health Caravan noong Pebrero 14, 2025. Kuha ni Clarence M. Ilao
Ayon kay Adora Reyes La Fuente, isang 62 taong gulang na residente ng Brgy. Bambang, madalas ay kulang ang kanyang budget para sa mga gamot. Bagamat kapos, pinipili pa rin nilang bumili at maglaan ng pera para sa gamot dahil mahalaga ito sa kanilang kalusugan. “Nagpapasalamat ako sa kanila [dahil] malaking tulong itong gamot para sa amin.” ani La Fuente.
Pahayag ni De Villa, ang Health Caravan ay isinasagawa tuwing ikalawang Biyernes ng buwan. Para sa karagdagang impormasyon at mga detalye tungkol sa mga susunod na Health Caravan, maaaring bisitahin ang kanilang opisyal na Facebook page sa https://www.facebook.com/LBMHO.