Ulat ni Shyenne Aliyah T. Noma
Upang mapangalagaan ang kalusugan ng mga mamamayan ng Calauan, Laguna, idinaos ng lokal na pamahalaan ang Project OSEL o Outreach to Secluded and Enclosed Localities sa Barangay Masiit noong Pebrero 19, 2025.
Tuwing Miyerkules ay nililibot ng Project OSEL ang mga baranggay sa nasabing bayan. Sinimulan ang proyektong ito noong Pebrero 5 at takdang matatapos ng Mayo 28.
Ang medical outreach ay pinangunahan ni Kgg. Roseller Caratihan at Vice Mayor Jun Allan Sanchez, kasabay ang siyam (9) nilang katuwang sa proyekto at ang kanilang pampublikong doktor na si Sevrich Glodoveza.
Kasama sa mga benepisyo ng programa ang libreng check-up, bakuna, radiologic services, dental services, at laboratory tests.

NASA LARAWAN: Nagsisimula ang serbisyo ng Project OSEL sa pagkuha ng temperatura at blood pressure (BP) ng mga residente. Kuha ni Shyenne Aliyah Noma
“Unang-una syempre yung nailalapit yung programa patungkol sa dental, medical sa mga mamamayan. Hindi na nila kailangan pumunta sa bayan upang makatikim ng serbisyong ito, bagamat ito’y dagdag sa itinutulong ng pamahalaang bayan,” ani Sanchez.
Ayon kay Glodoveza, namamahagi ng mga gamot at payo ang mga eksperto sa mga nakilahok sa proyekto upang mapanatili ang maayos na kalagayan ng mga mamamayan ng Calauan pagkatapos ng check-up.
Ganito rin ang sabi ni Sanchez na ang barangay ay nagbibigay lalo na sa mga senior citizen ng mahigit isang buwan na suplay ng gamot na kinakailangan nila pagkatapos ng programa.
“Maganda, marami siyang natutulungan, nagbibigay pa ng gamot, libre lahat. Ito na ang pagkakataon na makapagpatingin ang mga walang pera,” rason ng isang senior citizen mula Brgy. Masiit na nagpacheck-up.
Dagdag ni Sanchez, isa sa mga pagsubok nila ang hindi pa rin pagpunta ng mga tao kahit abot kaya na ang serbisyo. Saad pa nito, nahihirapan sila sa panghihikayat patungkol sa pagkalat ng balita ukol sa proyektong ito.
Nabanggit naman ni Glodoveza ang mga makikipot na kalsada kung saan nahihirapan ang pagpasok ng mga dental bus at iba pang malalaking sasakyan.
“Kulang sa tao, kulang sa funds, minsan facilities. Minsan facilities mismo ang kulang like yung mga primary facility, hindi lahat may emergency room,” hinanaing ni Gonzalvo patungkol sa kalagayan ng healthcare system sa Pilipinas.
Ipinangako ni Sanchez na patuloy na iikot ang Project OSEL sa bawat barangay ng Calauan kahit ito ay takdang matapos na sa Mayo.
Ibinahagi rin niya na sa paglipas ng panahon, ang bagong tayong Super Health Center sa Calauan ay magkakaroon ng kumpletong kagamitan kung saan hindi na kailangan ng mga residente na lumibot sa ibang bayan para lamang sa pagamutan.