Ang Paghahanap (ng) Buhay ni Bantay: Epekto ng Irresponsible Breeding sa Kalusugan ng Aso

Ulat nina Ma Danjoemel Alonte, Aly Magno, Valerie Mae Policarpio, at Cel Andrei Singco

Hip dysplasia, cleft palate, scoliosis—mga karaniwang kondisyon na nakikita sa pisikal na katangian ng tao. Ngunit sinong mag-aakala na madalas din pala itong maging sitwasyon para sa mga alagang aso? Sa likod ng maamong mukha ni Bantay, madalas na nakakaligtaan ang tunay na kalagayan ng mga asong mula sa iresponsableng pagpaparami o inhumane dog breeding—isang sistema kung saan nakataya ang parehong kalusugan at kalidad ng buhay ng mga ito.

Ayon sa Philippine Animal Welfare Society (PAWS), isang halimbawa ng inhumane dog breeding ay ang mga tinatawag na puppy mills o puppy farm. Sa ganitong mga operasyon, hindi sakripisyo ng tao, ngunit sakripisyo ng aso kapalit ng pera ang nananaig. 

Sa mga eksena ng inhumane dog breeding, madalas na nakakulong ang mga ito sa maliliit na kulungan, walang sapat na pangangalaga mula sa propesyonal na beterinaryo, at nagpaparami nang walang pahinga. Ang mga asong naliligtas mula sa mga pasilidad na ito ay sumasailalim sa tinatawag na poor breeding standards—kabilang na rito ang extreme malnutrition, severe skin diseases, congenital deformities, hip dysplasia, cleft palate, scoliosis, at pati na rin ang psychological trauma.

Ngunit paano nga ba masasabing humane o inhumane ang isang sistema ng dog breeding

Ang Kalagayan ni Mommy Dog

Isa sa mga buzzword ngayon sa social media ay ang #DogLover habang isinasalarawan ang tipikal na fur parent – fur baby na relasyon, mapalitrato, bidyo, o e-diary. Ngunit, sa ilang mga pagkakataon, sa likod ng mga maamong mata ni fur baby, ay ang masaklap na nakaraan mula sa pinanggalingan nitong puppy mill

NASA LARAWAN: Dr. Aliza Jacinto kasama ang mga tuta noon sa Beterinaryo Sa Fort – South Animal Clinic and Grooming Center

Ayon kay Dr. Aliza Jacinto, isang lisensyadong beterinaryo ng mga maliliit na hayop sa Fur’s Life Veterinary Clinic, ang ilan daw sa mga halimbawa ng kondisyon sa isang inhumane dog breeding activity ay ang pagkakaroon ng hindi malinis na lugar, walang maayos na diyeta, hindi pagpapabakuna, at walang araw-araw na pagpapasuri sa mga beterinaryo. 

Bukod pa rito, nabanggit din niya na ang ilang mga pisikal na manipestasyon ng ganitong klaseng operasyon sa isang mommy dog ay ang pagkakaroon ng lawlaw na suso dahil sa kakulangan ng pahinga, malnutrisyon, at kakulangan ng tubig sa katawan o dehydration.  

Subalit ang pinakamalala ay kung minsan, ang mga asong edad anim na buwan pa lamang ay inihahanda na para sa “mating session.” Nakita rin sa pag-aaral ni Tanzeem noong 2024 na ang overbreeding sa isang mommy dog ay mataas ang tiyansang makapagdulot ng mastitis o ang pamamaga sa suso. Kadalasan ay pinipili na lamang idispatsa ng mga inhumane breeder ang mga asong may sakit upang makatakas sa paggastos para sa pagpapagamot. Dagdag din ni Dr. Jacinto na pagkatapos manganak ng mommy dog ay matinding inaabisuhan na dumaan muna siya sa isang serye ng pagiging in heat bago mag-studding o magbuntis ulit.

Bukod sa mga pisikal na epekto ng ganitong pamamaraan, nagkakaroon din ng mga problemang pangkalusugan ang mga mommy dog. Ayon sa pagpapaliwanag ni Dr. Jacinto, kapag hindi maayos ang breeding, nagkakaroon ng internal complications at posibleng makaranas ng kahirapan sa panganganak o dystocia ang mga ito at pwedeng mamatay ang mga tuta bago pa sila maisilang. 

Higit pa rito, ayon sa mga ilang pag-aaral gaya ng kay Maybruck noong 2021, ang hindi kaaya-ayang kapaligiran ay maaaring magdulot ng matinding stress at anxiety sa mga mommy dog na posibleng makaapekto sa pagbubuntis at lalo na sa kalusugan ng kanyang mga anak. 

Bukod pa rito, nabanggit din ni Morris noong 2013 na malaking bahagi rin sa stress ang social isolation at kakulangan sa human – animal interaction dahil unti-unti itong bumubuo ng takot na pwedeng mauwi sa paglitaw ng iba’t ibang stereotypes o repeated behavior patterns gaya na lamang ng walang tigil na pagtahol, hindi mapakali, self-biting, at iba pa.

Pagkasilang sa Paghihirap

Hindi makatao ang pagpaparami ng aso kung ang pangunahing layunin nito ay para lang kumita ng pera. 

Nabanggit ng Liberacia Kennel, isang breeder sa Los Baños, Laguna, na isa sa mga misyon dapat nila bilang breeders ay ang “breed to improve” na sa mas madaling salita, nagpapalahi o nagpaparami ang mga ito ng aso upang mabigyan ang mga magiging tuta ng mas mainam na klase ng buhay. 

Ani Liberacia Kennel, “Doon sa mga, yun nga, inhumane breeding, malamang siguro sa pera-pera lang, pero normal na dumadating yun [pera] pagka tama naman yung binibreed mo”. Ngunit para sa ilan, hindi ito serbisyo kundi isang negosyo. 

Mga tuta resulta ng true breeding ng dalawang Belgian Malinois mula sa Facebook Page ng Liberacia Kennel

Sa praktis ng inhumane dog breeding, dito talamak ang pagpapalahi sa hindi kaaya-ayang sitwasyon at kalagayan ng mga aso na walang sapat at maayos na pag-aasikaso. Ang madalas na kinahahantungan ng mga ganitong estilo ay ang deformities o mga depekto sa anyong pisikal, asal-gawi (behavioral), o  internal na mga komplikasyon. 

Ang inhumane dog breeding ay hindi lamang nakakaapekto sa nagdadalang-aso, ngunit pati na rin sa i-aanak nito. Ayon kay Dr. Jacinto, mayroong mga asong naipapanganak na sobra ang pagmumuta, may cleft palate o bingot, o di kaya ay baliko ang isa o higit pa sa isang paa. 

Mayroon namang mga deformity na makikita lamang kapag lumaki na ang isang aso tulad ng pagkakaroon ng iisang testicle na posibleng makaapekto sa pag-ihi o ‘di kaya nama’y kapag ito ay in-heat. Lahat ng ito ay maaari ring maipasa sa mga susunod pa nitong anak. 

Pagdating sa internal na komplikasyon, maaaring magkaroon ang mga ito ng mahinang immune system, kung kaya’t madalas silang magkasakit na maaaring makabuo ng iba pang mga komplikasyon tulad na lamang ng sakit sa puso at mga buto-buto. Sa usapin naman ng asal-gawi (behavioral), posibleng maging agresibo at may pagka-mainitin ang ulo ng mga ito dahil sa paghahalo-halo ng iba’t-ibang breed sa isang tuta. 

Ayon pa sa Liberacia Kennel,  bilang mga breeder, sila ay may responsibilidad na tiyaking ligtas at nasa maayos na kalagayan ang kanilang mga naibebentang tuta. Bago pa man maipagbili ang mga ito, parte pa rin ng responsibilidad ng mga breeder ang pag-aalaga sa mga tuta gaya ng pagsasagawa ng deworming at pagpapabakuna upang lumaki ang mga ito nang malusog. Hindi rin daw tumitigil ang kanilang pagbabantay sa mga tutang naipagbili na at madalas ay humihingi sila ng update mula sa mga bagong may-ari patungkol sa kalagayan ng aso.

“Kasi ano yan, lifetime commitment din yan sa mga nagtiwala sa’yo. Hindi mo naman sila para lokohin lang,” paliwanag nila. Kapag ang bagong may-ari ay may karagdagang katanungan, sila ay inaanyayahan mismo na lumapit sa Liberacia Kennel upang mabigyan ng nararapat na impormasyon para sa wastong pag-aalaga ng mga ito. 

Responsible Breeding: Sa Mata ng Dalubhasa

Sa usapin ng pagiging responsable, ang tungkulin na ito ay hindi dapat lamang nakasalalay  sa mga breeder, nasa kamay rin ng isang nagnanais na maging fur parent ang pagiging mapanuri sa pagpili ng tamang breeder.

Mahalagang may malinaw na pamantayan sa pagpili ng isang breeder. Hindi sapat na basehan sa pagpili kung sosyal ang pangalan ng kennel o kung maraming likes ito sa kanilang Facebook page, hindi rin dapat maging basehan ang mga presyong iniaalok ng mga breeder o kung imported ang breed ng mga aso nito.

Batay kay Dr. Jacinto, dapat makitang maayos ang kalagayan ng parent dogs. Mas mainam kung may bukas at direktang komunikasyon sa pagitan ng breeder at ng aspiring fur parent tungkol sa kalusugan at kondisyon ng mga aso. 

Ibinahagi rin ni Dr. Jacinto  ang  tinatawag na Five Freedoms; (1) Freedom from Hunger or Thirst, (2) Freedom from Discomfort, (3) Freedom from Pain, Injury, or Disease, (4) Freedom to Express Normal Behavior, at (5) Freedom from Fear and Distress. Ito ay mga batayan na dapat garantisado lalo na sa mga asong ginagamit sa breeding. Dito, ang batayan ay dapat hindi masyadong payat, hindi sakitin, masigla, at nasa tamang edad ang mga aso, lalo na ang mommy dog na dapat hindi bababa sa dalawang (2) taong gulang. 

Dagdag pa rito, dapat ding may maipakitang malinaw na health records ang isang breeder bilang patunay na kumpleto ang bakuna at deworming ng parent dogs. Nabanggit na mahalaga  ang regular check-ups sa beterinaryo bago at pagkatapos ng breeding process para masigurong walang mga komplikasyon sa kalusugan ang mga aso. 

Kung kapansin-pansin na maayos ang pamamalakad at pangangalaga ng isang breeder sa parent dogs, hindi maikakaila na magiging maayos din ang kalagayan ng mga tuta. Ngunit bukod pa sa kondisyon ng parent dogs at ng kanilang breeding environment, mahalaga ring alamin kung rehistrado at fit to breed ba ang mga asong hawak ng mga breeder

Nabanggit din ni Dr. Jacinto na ang Philippine Canine Club, Inc. (PCCI) ay nagsasagawa ng health screening at rehistrasyon ng aso. Ang rehistro at health screening na galing dito ay kinikilala bilang lehitimo at nagtataglay na dumaan sa tamang pagsusuri ang mga aso—mula sa salinlahi o bloodline, sa kalusugan, hanggang sa pisikal at pag-uugali na mga katangian na maaaring maipasa sa lahi ng aso. Lalo na sa panahon ngayon, kung saan usong-uso ang crossbreeding para sa estetika o aesthetics, hindi laging isinasaalang-alang ang pangmatagalan na kahihinatnan ng mga ganitong klase ng  paraan at madalas ito ang sanhi ng respiratory problems, skeletal deformities, at iba pang genetic disorders habang lumalaki ang mga tuta.

Sa Lente ng Isang Breeder

Sa kwento naman ng Liberacia Kennel, maraming paraan upang masiguradong maayos ang kapakanan ng mommy dog at ng mga tuta sa kamay ng mga breeder. 

Sa pagkakataong maayos ang naging breeding at kumpirmado na ang pagbubuntis ni mommy dog, dito na papasok ang mga adjustment na dapat iangkop ng breeder sa pag-aalaga sa nagbubuntis na aso. Isa na riyan ang paglalaan ng mga bitamina na kailangan ni mommy dog tulad ng Papi OB Prenatal Vitamins at Moringa para naman sa produksyon ng gatas. Aniya, mas mapapadalas din ang pagbisita sa mga beterinaryo para sa mga ultrasound at general check-up upang malaman kung ilang tuta ang maipapanganak at kung magiging maselan ba ang pagbubuntis ni mommy dog.

Mahalaga rin ang pagtitiyak na nasa angkop na kapaligiran si mommy dog—malayo sa direktang sikat ng araw, nasa presko at may maayos na bentilasyon ang lugar, at may akses sa inuming tubig na laging napapalitan. 

Sa mga obserbasyon ng Liberacia Kennel, may mga pagkakataong nawawalan ng gana o tumatamlay ang mommy dog dahil sa mga pagbabagong nararamdaman niya sa kaniyang katawan, kaya mas mainam na mabigyan ng masusutansyang pagkain ang aso. Maiging mabantayan din ang timbang ni mommy dog at masiguradong hindi maging underweight para maiwasan nito  ang kung anumang komplikasyon.

Pagdating naman sa mga tuta o offspring, inirerekomenda ng Liberacia Kennel ang pagkakaroon ng whelping cage o isang kulungan na idinisenyo upang mapanatiling ligtas ang mga bagong silang na tuta. Sinisigurado rin dapat na may nakatalagang heat lamp para sa mga tuta upang mapanatiling komportable ang kalagayan nila at makaiwas sa posibilidad ng hypothermia o ang pagbaba ng temperatura kumpara sa normal.

NASA LARAWAN: Ang tao sa likod ng Liberacia Kennel na si Joshua, kasama ang kanyang mga aso na sina Baki at Red Dragon

Isa pang dagdag na hakbang na ginagawa ng Liberacia Kennel ay ang pagrerehistro ng mga tuta sa PCCI upang magkaroon ng opisyal na papeles ang mga tuta at madagdag sa tinatawag na lineage ng parent dogs.

Higit sa lahat, binigyang-diin din ng Liberacia Kennel na ang pinakamahalagang aspeto ng pag-aalaga sa mga aso ay ang pagbubuo ng malalim at tunay na relasyon sa kanila. Hindi dapat ituring ang mga aso bilang simpleng pinagkakakitaan lamang o parang produkto na binebenta matapos ang breeding. Sa halip, dapat silang ituring bilang mga kapamilya, mga buhay na may halaga, tulad lang rin ng buhay natin. 

Mga Batas na nagsusulong sa Karapatan ng mga Hayop

Sa pagsasabatas ng Republic Act No. 8485 o mas kilala bilang Animal Welfare Act noong 1998, naging hudyat ito sa kauna-unahang komprehensibong batas na nagtatakda sa wasto at maingat na pangangalaga sa mga hayop sa ating bansa. 

Layon ng RA 8485 na mapangalagaan at maitaguyod ang karapatan at kapakanan ng lahat ng mga hayop. Taong 2013 naman inamyendahan ang panukala na magkaroon ng mas mabigat na kaparusahan sa mga pinagmamalupitan ang mga hayop. Ilan sa mga probisyon ng batas ay ang pagbabawal sa anumang uri ng pagmamalupit sa mga hayop katulad ng pisikal na pananakit, pagpapabaya (neglect), pagpapahirap (torture), at ‘di pagbibigay ng sapat at pangunahing mga pangangailangan katulad ng tirahan, pagkain at tubig, atensyong medikal, at maayos na transportasyon kung kinakailangang ibyahe o dalhin sa malalayong lugar. 

Sa usapin ng humane breeding sa Pilipinas, partikular na sa mga aso, “Walang set na rules when it comes to breeding dogs but morally there [are] humane ways to respect the welfare of the animals,” ayon kay Dr. Jacinto. 

Ngunit kahit walang batas na direktang nagtatakda ng parusa sa mismong akto ng inhumane dog breeding, nakasaad naman sa probisyon ng Sec. 2 ng Animal Welfare Act na walang tao, asosasyon, korporasyon, kooperatiba, at maging ahensya ng pamahalaan ang maaaring magtayo, magpanatili, o magpatakbo ng anumang pet shop, kennel, o stud farm para sa pagpaparami ng hayop nang walang kaukulang papeles o certificate of registration mula sa Bureau of Animal Industry (BAI)

Kaugnay nito, upang maaprubahan ang pagpaparehistro, dapat ay nakasisiguro ang katibayan ng mga pasilidad na gagamitin para sa pagpaparami at pag-aalaga ng mga hayop at dapat ito’y angkop, malinis, at hindi gagamitin upang saktan o pahirapan ang mga ito.

Gayunpaman, isa sa mga isyu ng nasabing batas ay ang kakulangan sa maayos na implementasyon. Kahit na itinaas ang multa sa pamamagitan ng RA 10631, mula sa Php 50,000 hanggang Php 100,000 sa paglabag ng batas o ‘di kaya naman ay pagkakakulong na hindi bababa sa anim (6) na buwan, marami pa ring mga kaso ng karahasan sa mga hayop, kabilang na ang mga nagbebenta ng aso mula sa hindi wastong breeding

Sa konteksto naman ng ibang bansa, mayroong Goldie’s Act na kasalukuyang isinusulong upang maging isang pormal na batas. Ito ay naglalayong mas pagtibayin ang Animal Welfare Act (AWA) sa USA. Nabigyang diin ang batas na ito dahil sa kaso ni Daniel Gingerich patungkol sa inhumane dog breeding na nagresulta sa kaniyang pagkakakulong ng tatlumpung araw (30 days), dalawang taong probation, at multa na hindi bababa sa $60,000 o humigit kumulang tatlong milyong piso, at higit sa lahat, ang kawalan ng karapatan upang magparami ng mga aso.

Ang Huling Tahol ni Bantay

Ang usapin na inhumane dog breeding ay isa sa mga mailap na paksa na bihira lamang lumabas sa mga pampublikong diskurso, maging sa loob ng kongreso.  Datapwat napatunayan na ng mga beterinaryo tulad ni Dr. Jacinto at ng iba’t ibang pag-aaral na mayroong malalang epekto sa pisikal, mental, asal-gawi, at emosyonal na kalusugan ng isang ina na aso at sa mga anak na tuta nito ang inhumane dog breeding. At sa huling hantungan ng mga ito, madalas silang nauuwi sa mga dog pound o kaya nama’y napapabayaan sa kalsada. Ito ay dahil sa pagkawala ng kanilang monetary value at pag-iwas ng mga inhumane breeder sa kanilang maaaring gastusin sa mga ito. 

Sila ay isinilang sa mundo upang maging katuwang sa buhay at hindi dekorasyon sa bahay o maging hanapbuhay. Gaya na lang din ng pagpapaalala ni Dr. Jacinto, ang nais lang ng mga  beterinaryong tulad niya ay nasa iisang pahina sila ng mga breeder at laging unahin ang kapakanan ng mga hayop. 

Pahayag ni Dr. Jacinto, “Them being loyal to you should be enough to treat them humanely, if kaya nating maging responsible sa sarili natin kaya din natin maging responsible sa iba.” Dahil sa huli, aniya, ang pagiging tao ay hindi nasusukat sa kung ano ang kayang gawin bagkus, sa kung ano ang pipiliin nitong gawin.

Mga Sanggunian

Cortez, I. (2013, November 8). Mga batas na nangangalaga sa kapakanan ng mga hayop. GMA News Online. https://www.gmanetwork.com/news/publicaffairs/imbestigador/334614/mga-batas-na-nangangalaga-sa-kapakanan-ng-mga-hayop/story/

Gavin, T. (2023, August 11). Puppy Mills • The Philippine Animal Welfare Society. The Philippine Animal Welfare Society. https://paws.org.ph/puppy-mills/

Goldie’s Story | Goldie’s Act – H.R.349. (n.d.). https://www.goldiesact.org/goldies-story

Kauffman, C. (2022, March 22). Puppy mill operator faces 30 days in jail and two years of probation. Iowa Capital Dispatch. https://iowacapitaldispatch.com/2022/03/22/puppy-mill-operator-faces-30-days-in-jail-and-two-years-of-probation/

Maybruck, S. (2021). The Unethical Practices Behind Dog Breeding.

Morris, A. (2013). Policies to promote socialization and welfare in dog breeding.

Republic Act No. 8485. (n.d.). https://lawphil.net/statutes/repacts/ra1998/ra_8485_1998.html

Tanzeem, M. (2024). Regulating Small-Volume Dog Breeding: Exposing the Hidden Problem.

The PeT Trade – Issues – PETA Asia. (2023, March 28). PETA Asia. https://www.petaasia.com/issues/companion-animals/pet-trade/