Kahalagahan ng serbisyong pampubliko, tampok sa symposium ng UPLB Pahinungód

Ulat ni Jhyanne Rae G. Almenanza

Binigyang-diin ang kahalagahan ng pagtutulungan ng iba’t ibang sektor sa pagpapatibay ng serbisyong pampubliko sa ginanap na symposium ng University of the Philippines Los Baños (UPLB) Ugnayan ng Pahinungód noong ika-10 ng Marso 2025 sa NCAS Auditorium. Ito ay may temang “Strengthening the Foundations of Public Service Initiatives Through Partnership.”

Dinaluhan ng 89 katao mula sa iba’t ibang grupo ng mga mag-aaral, guro, at kawani ng UPLB ang symposium na layuning talakayin ang importansiya ng serbisyong pampubliko mula sa iba’t ibang lente ng mga piling sektor ng lipunan.

Binuksan ni Dr. Agham C. Cuevas, UPLB Vice Chancellor for Academic Affairs, ang talakayan at sinundan naman ito ng pagbabahagi ng karanasan at pananaw ng tatlong panauhing tagapagsalita ukol sa pagbubuklod ng mga sektor upang mapatibay ang serbisyong pampubliko. Nagmula ang mga tagapagsalita mula sa sektor ng mataas na antas ng edukasyon, gobyerno, at pribadong institusyon.

Sa unang bahagi, tampok sa diskusyon ng Direktor ng Laguna University (LU) na si Tony Angelo C. Alvaran ang kahalagahan ng serbisyong pampubliko sa mga Local College and Universities (LCU). Binanggit ni Alvaran na malaki ang tulong na nagawa ng kanilang kasunduan katuwang ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa pagsasakatuparan ng kanilang mga programa para sa pagpapaunlad ng mga mag-aaral. Ayon sa kanya, ang serbisyo niya bilang kawani ng akademya ay nagsisilbing daan upang mabigyan ng oportunidad ang mga mag-aaral na may problemang pampinansyal na magkaroon ng dekalidad na edukasyon at suporta sa kanilang pag-aaral. 

“Kapag isa kang lingkod-bayan, dapat ang tenga mo ay bukas para sa mga mamamayan, ang kamay mo ay handang tumulong sa kapwa Pilipino, and your heart, hindi lang yan tumitibok, it listens,” ani Alvaran nang kanyang bigyang-diin ang tungkulin ng mga lingkod-bayan.

Bilang bahagi ng Public Service Symposium ng UPLB Ugnayan ng Pahinungód, isang open forum ang isinagawa kung saan sinagot nina Direktor Tony C. Alvaran ng Laguna University, School Division Superintendent Jaypee E. Lopo ng DepEd, at Associate Professor Joselito Florendo ng SEARCA ang mga karagdagang katanungan ng mga dumalo tungkol sa naging talakayan. (Larawang Kuha ni Jhyanne Rae G. Almenanza)

Tinalakay naman ni School Division Superintendent Jaypee E. Lopo, kinatawan ng ahensiyang pang-gobyerno na Department of Education (DepEd), ang mga pampublikong inisyatibo ng DepEd na nakapokus sa pagbibigay ng paraan sa mga mamamayan na makapag-aral anuman ang kanilang estado at kalagayan sa buhay. 

“Lahat ng bagay na ginagawa namin sa kagawaran ng edukasyon ay porma ng paglilingkod sa publiko, sa masa, sa kapwa natin Pilipino,” ani Lopo nang kanyang bigyang-diin ang papel ng DepEd sa pagsulong ng mas bukas at abot-kayang edukasyon.

Tulad ni Alvaran, ibinahagi rin ni Lopo ang kahalagahan ng pakikipag-ugnayan sa ibang organisasyon mula sa iba’t ibang sektor sa pagpapalawig ng mga programa na makakatulong sa mga benepisyaryo ng sektor na kanyang kinabibilangan. 

Sa parte ng ng pribadong institusyon, hinimok ni Associate Professor Joselito Florendo ang mga kawani ng gobyerno na isapubliko ang kanilang serbisyo sa pamamagitan ng paglahok sa Dangal ng Bayan Award. Tinalakay niya ang proseso ng aplikasyon, kung paano sinusuri ang mga kalahok, at ang mga benepisyong makukuha ng mga lingkod-bayan mula rito. Bukod pa rito, ibinahagi rin niya ang mga programa ng Southeast Asian Regional Center for Graduate Study and Research in Agriculture (SEARCA) na tumutulong rin sa pagbibigay ng libreng serbisyo sa mga mamamayan. 

Nagkaroon din ng open forum ang symposium at dito ay nabanggit ni Alvaran na kakulangan sa pondo ang pangunahing suliranin na kanilang kinakaharap sa kanilang mga pampublikong insyatibo. Ngunit idinagdag niya rin na ito ay nalulutas sa tulong ng iba pang mga kagawaran ng gobyerno na nagbibigay ng tulong na pinansyal upang maisulong ang kanilang mga proyekto. 

Samantala, sumang-ayon naman si Florendo nang banggitin ni Lopo na ang mataas na ekspektasyon ng kanilang mga benepisyaryo ang isa sa mga pangunahing suliranin na kinakaharap nila sa paglulunsad ng mga serbisyong pampubliko.

Bilang pangwakas, pinasalamatan ni Jose Limbay Lahi Espaldon, Direktor ng UPLB Ugnayan ng Pahinungód, ang mga panauhing tagapagsalita, mga boluntaryo, at mga lumahok sa symposium. Hinimok rin niya ang mga dumalo na isabuhay ang mga impormasyong nakuha sa symposium upang makabuo ng mga pangmatagalang insyatibo para sa serbisyong pampubliko.