Ulat ni Sofia Patria J. Benitez
Mahigit 300 na siklista ang matagumpay na bumagtas sa mga bayan ng Los Baños, Bay, Victoria, Pila, at Santa Cruz upang ipalaganap ang pagpapahalaga at pangangalaga sa Laguna de Bay sa pamamagitan ng ecotourism. Bahagi ito ng Anilag Fun Bike Ride 2025: Padyak Laguna Para sa Lawa 2.0 na ginanap noong Marso 15, 2025.
Isinagawa ang cycling event sa mungkahi ng School of Environmental Science and Management ng University of the Philippines Los Baños (UPLB SESAM) na muling idaos ang Padyak Laguna Para sa Lawa, isang aktibidad sa ilalim ng kanilang Project LEAD (Laguna Lake Ecotourism Advocacy for Development) na pinondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).
Katuwang sa pagtataguyod ng Anilag Fun Bike Ride 2025 ang Laguna Tourism, Culture, Arts, and Trade Office at Youth Development Affairs Office of Laguna.
Binigyang-diin ni Dr. Rico Ancog, Dekano ng UPLB SESAM, sa pagbubukas ng programa ang kahalagahan ng ecotourism hindi lamang sa pangangalaga ng Laguna de Bay kundi pati na rin sa pagpapabuti ng kabuhayan ng pamayanan sa paligid nito. “Kapag mayroon pong ecotourism activities at maayos ang pag-implement ng ganitong activities, pwede po tayong kumita at magkaroon ng source ng kabuhayan,” aniya.
Nagpasalamat naman si Chancellor Jose Camacho ng UPLB sa patuloy na suporta ng mga siklista sa pagpoprotekta at pagpepreserba ng Laguna de Bay. “Ang mga adbokasiyang ito, itong Padyak Laguna, ay napakahalaga at masaya kami dahil kabahagi kayo upang lalong mapalawak ang ating adbokasiya,” wika niya.

NASA LARAWAN: Ang mga siklista habang naghahanda sa pormal na pagsisimula ng cycling event. Larawang Kuha ni Sofia Patria J. Benitez
Bandang 6:20 ng umaga, nagsimula nang tahakin ng mga siklista ang lampas 33-kilometrong ruta para sa Anilag Fun Bike Ride. Mula sa Paciano Rizal Park sa Los Baños, pumadyak sila patungo sa Bay Town Plaza, ang unang checkpoint. Hindi nagtagal ay narating ng mga siklista ang ikalawang checkpoint sa Victoria Itik Park at ang ikatlong checkpoint sa Pila Heritage Site.
Pagkalipas ng halos isang oras na pagpadyak ay unti-unti nang nagsidatingan ang mga kalahok na siklista sa endpoint ng ruta sa Capitol Festival Grounds sa bayan ng Santa Cruz.

NASA LARAWAN: Matapos ang halos isang oras na pagpadyak, narating ng mga siklista ang endpoint ng ruta sa Capitol Festival Grounds sa bayan ng Santa. Cruz, Laguna. Larawang Kuha ni Sofia Patria J. Benitez
Sinundan ito ng pangwakas na programa kung saan tampok ang paggagawad ng iba’t-ibang gantimpala sa ilang mga siklista.
37 na siklista ang nanalo at nakatanggap ng PhP 1,000 na gantimpala, habang tatlong (3) kalahok naman ang nakatanggap ng mas malalaking halaga.
PhP 3,000 ang natanggap ni Von Liwanag, habang PhP 4,000 naman ang premyong nakuha ni Joan Salamat.
Si Jake Aquino mula sa grupo ng Batangueño Siklista ang nakatanggap ng PhP 5,000 halagang gantimpala mula sa mga tagapangasiwa ng programa. “Napakasaya po kasi may pangkain na kami. Maraming salamat po sa Anilag Festival 2025,” saad ni Aquino.
Ayon kay Glenn Ashley Grimaldo, isa sa mga kalahok na siklista, isang makabuluhang karanasan ang pakikiisa sa Anilag Fun Bike Ride 2025. “This is my first time na sumali dito sa Padyak Laguna, masaya pong experience ‘to. Marami po akong nakilala at ang ganda po ng community,” aniya.
Unang ginanap ang ganitong uri ng programa noong 2023 na tinawag namang “Ride to LEAD: Padyak Laguna Para sa Lawa!” na inilunsad ng UPLB SESAM sa ilalim ng Project LEAD.
Ayon sa mga tagapanguna ng programa, hindi nila isinasintabi ang posibilidad ng pagpapatuloy ng cycling event sa susunod na taon na tatawaging “Padyak Laguna Para sa Lawa 3.0.”