Ulat ni Gweneth D. Dizon at Marjorie R. Mañozo

Isinagawa ng UPLB Graduate School Student Council (GSSC) ang Three Minute Thesis (3MT) Competition noong ika-28 ng Marso 2026 sa International Student and Cultural Center, University of the Philippines Los Baños bilang bahagi ng GS Week 2026.
Layunin ng nasabing kompetisyon na bigyang pagkakataon ang mga graduate students na maiprisenta ang kanilang pananaliksik sa loob ng tatlong minuto sa paraang malinaw, maikli, at mauunawaan ng publiko, alinsunod sa temang “Serve people, advancing honor and excellence through research and collaboration.”
Ang 3MT Competition ay isang akademikong hamon sa komunikasyon ng pananaliksik na unang binuo ng University of Queensland sa Australia. Hinahamon nito ang mga kalahok na ibuod ang kanilang tesis sa loob ng tatlong minuto gamit lamang ang isang static na slide nang walang props at teknikal na lengguwahe upang mas maunawaan ng publiko.

Pinangunahan ang nasabing aktibidad ni Zaigi N. Abinal, GSSC Councilor, bilang event head. Nagsilbing namang hurado sina Assoc. Prof. Ronilo Jose D. Flores, Asst. Prof. Mark Lester D. Chico, at GSSC Vice Chairperson Cary Maynard R. Olivar.
Dinaluhan ang aktibidad ng mga mag-aaral mula sa iba’t ibang programa sa Graduate School na naglahad ng kani-kanilang pananaliksik sa larangan ng agham, agrikultura, at kalikasan. Kabilang sa mga paksang tinalakay ang tungkol sa mga invasive species, water purification, rice resilience, at disease modeling.
Bilang bahagi ng programa, nagsagawa rin ng “Pitch Perfect: Research Pitching Workshop” na pinangunahan ni UPLB International Relations Office-Academic Relations Office (IRO-ARO) Director Assoc. Prof. Flores upang ibahagi ang mga teknik sa public speaking at ang aplikasyon nito sa science communication upang masmaging malinaw at epektibo ang presentasyon ng pananaliksik.
Ayon kay Olivar, isa sa mga hurado, mahalagang batayan sa paghusga ang kalinawan at paraan ng paghahatid ng presentasyon.
“Ang goal is dapat ako yung random person na kapag pinakinggan ko ‘to, maiintindihan ko siya… parang grade schooler na madaling intindihin kung ano yung sinasabi niya,” aniya.
Dagdag pa niya, mahalaga rin ang “power” o kung paano ipinahahayag ng kalahok ang kaniyang pananaliksik sa paraang animo’y nagkukuwento lamang upang maging mas komportable at hindi nakaka-intimidate sa tagapakinig.
“What’s important is, number one, your content is clear, you have a good outline… How you communicated your research and how you delivered it… the visual material is a complementary communication material to the whole 3MP, to the whole presentation,” ani Chico, isa sa mga hurado.
Dagdag pa niya, mahalaga rin ang malinaw na presentasyon at maayos na paggamit ng boses, galaw, at eye contact.


Ipinresinta nina Janice L. Sibug, Mc PG M. Abayan II, at Bea Niña M. Ulson ang kanilang mga tesis tungkol sa edukasyon, paniki, at virus ayon sa pagkakasunod sa ginanap na 3MT Competition.
Sa pagtatapos ng kompetisyon, kinilala ang mga natatanging kalahok kung saan itinanghal na kampeon si Janice L. Sibug, MS Mathematics, sa kanyang presentasyon na “Bridging the Gap: Predicting Success in the Eye of the Storm.” Nakuha rin ni Sibug ang Most Innovative Award at People’s Choice Award, habang itinanghal naman bilang first runner-up si Mc PG M. Abayan II at second runner-up si Bea Niña M. Ulson na tumanggap din ng Darren Vega’s Music School Award.
Ibinahagi ni Sibug na ikalawang beses na niyang sumali sa 3MT Competition matapos hindi magtagumpay noong nakaraang taon.
“Last year, I actually have failed… I froze from 30 seconds to 1 minute,” ani Sibug.
Dagdag pa niya, mas pinaghandaan niya ang kaniyang presentasyon ngayong taon upang mapanatili ito sa loob ng itinakdang oras.
“I feel medyo relaxed na, pero medyo na-pressure… pinaghanda ko talaga siya to keep it within three minutes,” aniya.
Tungkol naman sa aplikasyon ng kaniyang pananaliksik sa komunidad, ibinahagi ni Sibug na makatutulong ang kaniyang tesis sa sektor ng edukasyon sa pamamagitan ng pagbibigay ng batayan para sa mga polisiya na naglalayong mapabuti ang matematika, numeracy, at literacy ng mga estudyante.
Samantala, binigyang-diin naman ni Abayan ang kahalagahan ng pagbabahagi ng pananaliksik sa komunidad, partikular sa mga katutubong grupo sa Mindanao. Ayon sa kaniya, layunin niyang ibahagi ang kaniyang mga natuklasan sa kaniyang komunidad, lalo na sa mga indigenous peoples na kaniyang kinabibilangan. Nakatuon din ang kaniyang pag-aaral sa konserbasyon ng mga paniki at kuweba at sa pagtaas ng kamalayan sa mga banta sa kanilang tirahan.
Ayon naman kay Ulson, layon niyang simulan ang aplikasyon ng kanyang tesis sa komunidad sa pamamagitan ng pagpapalawak ng kaalaman tungkol sa kahalagahan ng paniki sa ekosistema at mga posibleng panganib sa kalusugan. Paliwanag niya, “We’ll start with education and then of course we have to work with other departments of our government, I think, before we can fully apply it.”
Ayon kay Yohann Nikolai Tamayo, isang BS Computer Science student, nagbigay ang 3MT Competition ng pagkakataon na makita ang iba’t ibang larangan ng pananaliksik.
“I was exposed to so many different fields… that I wouldn’t be exposed to if it weren’t for an event like this,” aniya.
Bahagi ang 3MT Competition ng GS Week 2026, isang anim na araw na serye ng mga aktibidad na inihanda ng GSSC na kinabibilangan ng Executive Talks, Shirt Day, Virtual Human Bingo, at Scholarship Fair na naglalayong magbigay ng impormasyon at oportunidad, gayundin ang pagkakataong makipag-ugnayan sa kapwa graduate students.
Maaaring malaman ng mga interesadong estudyante ang detalye ng mga aktibidad sa opisyal na mga anunsyo at Facebook Page ng GSSC.