“Ang unang nagbigay ng daan ay ang DevCom”: San Antonio PWD Sanggunian, Pinarangalan ang LB Times

Ulat ni Adrielle Stephanie Dollizon

Ang mga kinilalang partners at supporters kasama ng mga opisiyal ng Sanggunian ng Persons with Disabilities (PWDs) ng San Antonio sa San Antonio Elementary School, Hunyo 28, 2025. (Adrielle Dollizon/LB Times Intern)

Kinilala ng Sanggunian ng Persons with Disabilities (PWDs) ng San Antonio ang LB Times sa San Antonio Elementary School noong Hunyo 28, 2025. Sa pangunguna ni Jeanette Ilagan Talag, presidente ng sanggunian, pinarangalan ng sertipiko ng pagkilala ang anim na indibidwal at isang pahayagan para sa patuloy na pagiging katuwang at taga-suporta sa komunidad.

Ginawa ang pagkilala sa ginanap na Foundation Day at Thanksgiving Ceremony na may temang: Counting Blessings and Building Future. Sa buong programa, paulit-ulit na binaggit ni Jeanette ang taos puso niyang pasasalamat sa College of Development Communication (DevCom) sa University of the Philippines Los Baños.

“Ang DevCom parang pamilya na e. Kasi n’ong nagstart ako, talagang zero ‘yong knowledge [ko]. Hindi ko alam paano paparatingin sa iba, pati sa kinauukulan, ‘yong sitwasyon na mayroon ang mga taong may kapansanan. Ang unang nagbigay ng daan ay ang DevCom,” bahagi niya.

Pag-uusap nina Jeanette Ilagan Talag, presidente ng Sanggunian ng Persons with Disabilities ng San Antonio at Asst. Prof. Pamela Joyce Eleazar, chair ng Department of Development Journalism. (Adrielle Dollizon/LB Times Intern)

 

Nagsimulang maging katuwang ng Sanggunian ng Persons with Disabilities ng San Antonio ang DevCom noong 2012. Ayon kay Jeanette, malaki ang kahalagahan ng partnership ng komunidad sa kolehiyo, lalo na sa LB Times, sapagkat doon daw siya unang nakilala bilang kinatawan ng Laguna Federation of Persons with Disabilities.

Isa sa mga inisyatibo isinulong ng Department of Development Journalism (DDJ) ay ang writing workshop na isinagawa sa komunidad kung saan sila natutong sumulat para sa pahayagan. Sa pamamagitan nito, nagkakaroon ng boses ang komunidad at direktang naibabahagi ang kwento nila. Ilan sa mga artikulong isinulat ni Jeanette ay mababasa mismo sa LB Times website:

  1. Parol ng Pagkakaisa
  2. International PWD Day ng Laguna Federation, isinagawa
  3. LBFPWD, dumalo sa Gender Sensitivity Training
  4. Regional Abilympics, dinaluhan ng LBFPWD
  5. LBFPWD at munisipyo tumutulong sa pagbibigay ng libreng prosthetics para sa ilang PWDs

Malugod namang tinanggap ni Assistant Professor Pamela Joyce Eleazar, chair ng Department of Development Journalism ang pagkilala, “Ito po ay isang pag-fo-forge pa ng partnership na‘tin. Nagpapasalamat po kami sa recognition po ng PWD ng San Antonio in partnership po with LB Times. We hope po na magpapatuloy pa po itong pakikipagcollaboration namin sa inyo sa iba’t-ibang bagay,” aniya.

Pagpirma ni Jeanette Ilagan Talag sa mga sertipiko sa tulong ni Jasmin Mercado. (Adrielle Dollizon/LB Times Intern)(Adrielle Dollizon/LB Times Intern)

Kasama sa anim na pinarangalan ang dalawang propesor sa Kolehiyo ng Ekolohiyang Pantao na sina Department of Human and Family Development Studies Chair Inero V. Ancho at Assistant Professor Helga P. Vergara.

Kasabay ng thanksgiving ceremony ay ang pagdiriwang ng ika-15 na araw ng pagkakatatag ng sanggunian mula sa pagkakatatag noong 2010. Umabot sa 69 ang dumalong panauhin, kabilang na ang mga kasapi ng sanggunian at mga bisita.

Sa pambungad na pananalita ni Punong Barangay Relly C. Pallis, tinanong niya ang mga kasapi ng kanilang dahilan sa pagsali sa organisasyon. Ayon kay Roger, naka-hanap siya ng support group sa samahan. Dagdag  ni Roel Campusano, isang magulang na ang  anak na may down syndrome, “Kaya po ako narito sumama—sumali—rito, gusto ko pong ipakita ko sa anak ko akong pagsuporta sa kaniya.”

Pagtayo ng mga dumalo para sa pambansang awit. Mula sa kaliwa: Jasmin Mercado, Jeanette Ilagan Talag, at Pamela Joyce Eleazar. (Adrielle Dollizon/LB Times Intern)

Ikinuwento rin ni Jasmin Mercado kung paano naging haligi ng tulong at kalinga ang samahan sa pagharap niya sa biglaang pagkawala ng kaniyang pagdinig, “Sobrang thankful talaga ako. Kasi, pamilya. Hindi ‘yong basta magkakasama kayo sa organization. Tinuring ka nilang pamilya. Kasi ako, ulilang lubos ako e. Wala akong nanay, wala akong tatay. Tapos kapatid [ko] namatay na rin. Tapos solo parent  rin ako. Kumbaga nand’on ‘yong ‘paano’?’

Bilang aktibong opisyal ng samahan, nalulugod siyang makapagbigay tulong sa mga ka-miyembro, “Sobrang nakakataba ng puso. Alam mo ‘yong kahit na wala akong maiambag financially. Kung ano ‘yong kaya ko maiambag with my knowledge,” aniya.

Matagumpay na ibinahagi ng pangunahing tagapagsalita na si Anthony Ilagan ang kaniyang pinagdaanbilang isang estudyanteng may cerebral palsy at learning disability. Sa kabila ng mga pagsubok, nagpursige siyang makapagtapos sa University of the Philippines Los Baños noong 2019 atngayon aykumukuha ng masteral sa UPLB Graduate School.

“Ang tagumpay ko po ay hindi lamang alay ko po sa mga may kapansanan na nandito ngayon, kundi ito’y para rin sa lahat ng PWDs, pati na ang mga magulang. Nakikita man o hindi, kayo ang inspirasyon ko,” aniya.

Ang sanggunian ng Sanggunian ng Persons with Disabilities ng San Antonio kasama ang punong barangay ng San Antonio na si Hon. Relly C. Pallis. (Adrielle Dollizon/LB Times Intern)

Sa kasalukuyan, may 800 na miyembro ang Sanggunian ng Persons with Disabilities ng San Antonio, subalit 70-80 na miyembro lamang ang aktibo rito. Kasama sa kanilang programa ang livelihood training at pagtutulay ng mga benepisyo sa mga miyembro ng komunidad. Matapos ang 15-taon nilang paglalakbay laban sa diskriminasyon, abuso, at kahirapan upang maibigay ang angkop na buhay para sa mga taong may kapansanan, simula pa lamang ang yugtong ito sa nais nilang makamit.

Binigyang-diin ni Jeanette na kailangang maliwanagan ng mga kasapi sa kanilang pagkakakilanlan bilang taong may kapansanan.

“Sa ngayon ang alam lang nila ay, so to speak, ay PWD lang. Pero ‘yong the person itself, hindi pa nila alam. Dapat person with disability, hindi (lang) PWD. Kasi ‘pag PWD lang, ang alam lang nila gan’ong lang. Pero the whole story, hindi pa naaabot,” paliwanag niya.

Isinalaysay din niya ang malaking gampanin ng pananamapalataya sa pagharap niya sa mga pagsubok, “I can do all things through Christ who gives us strength. ‘Wag mong payagang i-manuever ka ng kapansanan mo. Ikaw ang mang-maniobra sa kapansanan mo.”