Baby boomers nahuhuli, millennials nangunguna sa eco-friendly spending – UPLB econ forum

Ulat ni Daniela Nicole Gavina

Nasa 46% lamang ng mga baby boomers, o mga nasa edad 55-64, ang nagsasabing handa silang magbayad nang mas mahal para sa mga produkto at serbisyong eco-friendly. Tinalakay ang datos na ito ni Jacopo Torriti, propesor ng University of Reading, United Kingdom, sa isang webinar na isinagawa ng UPLB Department of Economics (DE) at UP Office of International Linkages (OIL) na may paksang “Understanding the Relationship Between the Environment and the Economy” noong ika-23 ng Setyembre 2025.

Samantala, nanguna naman ang millennials (61%) at sumunod ang Genz Z (58%) at Gen X (55%). Ang mga datos na ito ay nagmula sa Global Web Index (GWI), isang global consumer survey.

Ipinapahiwatig nito na bagaman mas dumarami ang mamimiling bukas sa pagtangkilik sa mga produkto at serbisyong makakatulong sa kalikasan, ang baby boomers ang nakapagtala ng pinakamababang suporta.

Sa kabuuan, tinatayang may 2.5 bilyong kabataan sa edad 16-36 sa buong mundo, na nagpapakita ng kanilang malaking potensyal sa paghubog ng merkado tungo sa sustainable consumption.

Binanggit ni Torriti na nananatiling malaking hamon ang pagiging abot-kaya ng mga produkto at serbisyo ng green consumerism.

 “A lot of the concepts that are market-driven presuppose a level of affordability… which is not necessarily there,” aniya. 

Dagdag pa sa kanyang panayam, habang tumatanda ang mga mamimili ay mas nangingibabaw ang pagtingin sa presyo kaysa sa pagiging sustainable ng produkto sapagkat inilahad sa datos na mula 63% sa edad 16-24, tumaas ito hanggang 83% sa edad 55-64.

Ayon kay Torriti, ipinapakita ng datos na ang mas nakababatang henerasyon ang may pinakamalaking pag-udyok para sa pagbabago, ngunit nananatili ang pangangailangan para sa mga polisiya at programang gagawing mas abot-kaya ang mga produktong makakalikasan. 

Sa open forum, natalakay  kung paano maisusulong ang sustainable development sa Pilipinas sa kabila ng kakulangan sa pondo. Tugon ni Torriti, kritikal ang partisipasyon ng iba’t ibang sektor. 

The best outcomes were achieved when civil society acted in a constructive manner… NGOs, consumer associations, and government working hand in hand,” paliwanag niya.

Sa pagtatapos ng programa, binigyang-diin ni Assoc. Prof. Emmanuel Genesis Andal ng DE, ang importansya ng economics sa pagtugon sa mga problema ng kalikasan.

 “Economics is not just about markets and numbers but also about the choices that shape our collective future,” wika niya.

Ang seminar na ito ay bahagi ng World Expert Lecture Series (WELS) ng UP OIL na layong mapalalim ang pag-unawa ng publiko sa ugnayan ng kalikasan at ekonomiya at hikayatin ang mas likas-kayang mga polisiya at gawain.