Ulat nina Kaira Yna Marie Capuchino, Chantelle Dei Garfin, at Darren Angelo Tongco
Nililok ng panahon, inukit ang pagkakataon. Ang kinagisnang kultura, ngayon ay naglalaho na. Ang pangamba ng mga mang-uukit tulad ni Cesarlee Balan, o mas kilala bilang ‘Sakne,’ ay kung magsisilbing inspirasyon ang mga likha at talentong pamana sa mga susunod na henerasyon.
Ang Paete, Laguna ay tinaguriang “The Carving Capital of the Philippines” noong 2005 at “Arts Capital of Laguna.” Ang mga mukha sa likod ng pagkilala ay ang mga lokal na mang-uukit, isa na rito si Sakne, na may halos tatlong dekadang karanasan sa paglikha ng mga sining mula sa iba’t ibang kahoy.
Nagsimula ang kanyang pagyakap at hilig sa kultura ng wood carving noong siya ay high school pa lamang. Sa murang edad, naipamana sa kanya ng kanyang mga magulang at tiyuhin ang talento at proseso ng pag-uukit.
Hinaharap ng pamana
Sa kabilang banda, tila ba unti-unting nabubura ang pamanang ito dahil sa kawalan ng mga kabataang interesadong ipagpatuloy ang wood carving bilang kultura at hanapbuhay.
“Ngayon ay pawala na, kaya kami-kami lang, kaunti na lang kaming nag-uukit ngayon dito, hindi tulad ng dati. Mga kabataan ngayon parang wala nang nag-uukit, ngayon, parang kami na lang ang inabot,” aniya.

INUKIT NA PANGARAP. Si Sir Cesarlee ‘Sakne’ Balan, isa sa mga miyembro ng Mga Alagad ni Da Vinci, habang naglililok sa Paete, Laguna. (Kaira Yna Marie Capuchino/LB Times)
Ayon naman kay Joselito ‘Bok’ Cagayat, isa rin sa mga lokal na manlililok sa Paete na may 30 taon na karanasan, “‘Yung mga kabataan, pagka talagang gustong mag-aral [mag-ukit], kahit hindi turuan, [aaralin talaga nila], pero pag wala sa loob yung pag-aaral, hindi rin matututo.”
Ang pag-uukit ay naging daan ni Sakne upang mabigyan ng maayos na buhay ang kanyang pamilya. Ito ang nagdala sa kanya sa ibang bansa, nang sa gayon ay makahanap ng oportunidad, dahilan upang siya ay maging isang ice at food carver.
“Nairaraos ko ‘yung pamilya ko. Nakarating ako sa abroad dahil diyan sa ukit. Iba kapag ang trabaho mo ay hilig mo. Hanggang ngayon siguro hanggang mamatay ako gano’n na,” aniya.
Ngunit, marami ang tulad ni Sakne na kailangang mangibang-bansa upang maitaguyod ang kani-kanilang mga pamilya at maipamalas ang natatanging talento sa pag-uukit.
Sa palagay naman ni Gerardo Cagayat bilang isa sa mga mang-uukit sa Paete na mayroong 20 taon ng karanasan, malaki ang parte ng lokal na pamahalaan upang mailapit sa mga kabataan ang kultura ng pag-uukit.
“Kailangan ay may suporta ng pamahalaan. Gawa ng pag wala yung suporta ng pamahalaan, ‘yung mga kabataan, nawiwili sa abroad… Kailangan may suporta din ng gobyerno tsaka dapat hindi mawala yung pag-uukit gawa ng ito ay Woodcarving Capital of the Philippines. Kailangan na ‘yung mga kabataan ay mahimok natin na mag-ukit pa rin para maisalin sa iba, sa susunod na henerasyon,” aniya.
Ang kakulangan sa mga oportunidad at suporta sa pag-uukit ay isa sa mga hadlang upang yakapin at patuloy na linangin ng mga kabataan ang kultura ng pag-uukit.
Puno ng buhay
Bukod sa hanapbuhay, ang pag-uukit ay nagsisilbing libangan ni Sakne. Isang paraan upang magkaroon ng aktibong pamumuhay mula sa pag-iisip ng mga konsepto at disenyo, at pati na rin ang pagiging aktibong katawan sa tuwing nag-uukit.
“‘Yung libang ang isip tsaka ‘yung katawan mo, syempre masigla [ka kasi] kaysa nasa bahay ka lang, exercise na rin iyon. Pagka nasa bahay kasi, wala rin, hindi tulad ng may ginagawa ka. ‘Yung isip mo tsaka ‘yung katawan mo [ay parehong] gumagana. Maganda sa pakiramdam,” aniya.
Karamihan sa kanyang mga likhang obra ay nakikitaan ng inspirasyon mula sa mga bulaklak, kalikasan, at mga hayop.
“Animals tsaka plants [ang kanyang paboritong ukitin]… Kapag minsan may nakita kami na magandang ukitin, ‘yon parang gano’n ba. Iba’t iba ang mga yari, wala halos katulad,” aniya.
Dumadaan sa mahabang proseso ang pag-uukit at nakadepende ang haba ng oras o araw na inilalaan sa laki, uri ng kahoy, at mga detalye sa isang disenyo. Hindi lamang oras ang inilalaan para sa isang obra, pati na rin ang karanasan at imahinasyon ng isang mang-uukit.
Bukod sa mahabang proseso ng pag-uukit, mahalaga rin ang mga materyales, lalo ang kahoy, bilang gamit upang makagawa ng isang obra. Kaya’t isang pangunahing pangangailangan ang pagkakaroon ng mga alternatibong kahoy at pamamaraan upang mapanatili ang bilang ng mga puno sa munisipalidad at kalapit-lugar na pinagkukunan ng mga kahoy.
Ayon kay Arlene Romano, isang Laboratory Technician II mula sa UPLB College of Forestry and Natural Resources (CFNR) – Department of Forest Products and Paper Science (DFPPS), mahalaga ang tamang pagkakakilanlan at pananaliksik upang matukoy ang uri at potensyal na gamit ng mga kahoy upang makahanap ng mga alternatibong puno sa munisipalidad habang isinasaalang-alang ang kasaganaan at katangian nito.
“Mahalaga na tama ‘yung identification ng wood na gagamitin mo… So, kahit ano namang tree, ano namang type of wood, puwede naman siyang i-carve. Puwede naman siyang gamitin bilang wood material. ‘Yun nga lang, mas efficient kung ang gagamitin natin ay ‘yung easy to use, easy to carve,” aniya.
“Mahalaga ‘yon na ma-identify natin ‘yung mga trees, ma-categorize natin ‘yung mga puno para dito sa mga specific uses, so para ma-maximize natin ang potential ng puno at hindi masayang ang puno o kahoy, since limited na nga ang ating mga resources,” dagdag pa niya.
Ang wood identification ay unang hakbang upang magkaroon ng mas napapanatiling pamamaraan ng pag-uukit ng mga woodcarver sa Paete. Dito rin malalaman ang potensyal na gamit ng isang puno, kung saan ang mas matitigas na uri ng puno ay angkop gamitin para sa mga furniture, at ang malalambot na uri ng puno ay maaaring gamitin sa pag-uukit o iba pang uri ng sining.
“Siguro puwede rin nilang gamitin ‘yung mga scrap na kahoy dahil nga limited na nga ang mga wood resources natin na ginagamit nila for carving. Siguro puwede nga nilang gamitin ‘yung mga punong natumba pagka may mga calamities. Puwede nilang i-utilize ‘yon. Tsaka kung meron din silang mga scrap na materials, puwede nilang gamitin ‘yon sa mga small na parts ng ginagawa nila,” aniya.
Bukod sa pagiging malikhain, importante sa isang mang-uukit ang pagiging maparaan, tulad ni Sakne. Ang mga naputol, tira-tira, at malapit nang mabulok na kahoy ay kaya niyang gawing isang obra–isang patunay na ang isang sining ay hindi limitado sa anumang materyales. Bagkus, ito ang nagtutulak para sa malayang pagpapahayag ng damdamin, ekspresyon, at talento ng isang mang-uukit. Sa pamamaraang ito, maaaring maiwasan ang mga isyu sa logging at pagkaubos ng mga puno.

MGA UKIT NG MGA ALAGAD NI DA VINCI. Koleksyon ng mga obrang gawa sa star apple, mangga at acacia ng mga Alagad ni Da Vinci sa Paete, Laguna na itinatanghal at binebenta sa ASH Gallery & Cafe. (Kaira Capuchino/LB Times)
Patuloy ang pag-uukit ng landas
Ngayon, si Sakne ay miyembro ng Alagad ni Da Vinci, isang samahan ng mga lokal na mang-uukit sa Paete. Patuloy ang kanyang layunin na ilapit ang bawat obrang gawa sa kahoy sa komunidad at kabataan.
Sa likod ng mga dinanas at hamong kinakaharap ng mga mang-uukit tulad ni Sakne—mula sa unti-unting pagkawala ng mga kabataang nais matutunan ang kultura hanggang sa paghahanap ng alternatibong kahoy o pamamaraan tungo sa sustainable wood carving—patuloy niyang inuukit ang kanyang kinabukasan.