Ulat nina Jayvee Mhar Viloria at Reign Faith Arwen Bas
Sa mahabang panahong nagdaan, maraming tradisyon ang matagal nang nakalimutan at naiwan sa nakaraan. May mga kulturang unti-unti nang nabubura, at may mga nakagawian noon na sa mga pahina na lamang ng libro makikita ngayon.
Ngunit sa isang bayan sa Laguna, tila imposibleng makalimutan ang isang tradisyong hinubog ng mahabang panahon at maraming pagkakataon. Para sa mga taga-rito, mahirap nang mabura ang kasaysayang matagal nang nakaukit sa kanilang mga isip, puso, at kaluluwa.
Kilala ang Bayan ng Paete sa kanilang mga inukit na obra. Iba’t ibang wangis at anyo ang kanilang nalilikha mula sa mga kahoy at matatalim na paet. Ngunit higit pa sa mga detalyado at pulidong produkto, may mas malalim pang dahilan ang pag-ukit nila ng mga imahen. Pinatutunayan nila na ang sining ay kakabit ng pananampalataya.
Tuwing sasapit ang Semana Santa kada taon, nasisilayan sa bayan ang Lilok at Panata, isang exhibit na tampok ang iba’t ibang mga pangkuwaresmang imahen. Ito ang itinuturing na kauna-unahang pagtatanghal ng mga sagradong imahen sa buong bansa na nagsimula pa noong 1998.

Sabay na inuukit ang sining at pananampalataya
Sa ika-26 na taon nito ngayon, bitbit nila ang temang “Simbahang Inukit at Nag-uukit.” Ayon kay Rex Estores, adviser ng Parochial Historical and Cultural Heritage Ministry (PHCHM), “Dito po sa aming matandang simbahan, hindi lamang po siya bahay-dalanginan, ito po’y isang santuwaryo ng aming kasaysayan, kultura, at lalo’t higit po ng pananampalataya ng Paete,” na nagbigay-diin na naipakikita sa kanilang taunang Lenten exhibit ang parehong istorya ni Kristo at ng mga santo, gayundin ang angking talento ng mga Paeteño.
Kaakibat din nito ang rason na ang kanilang dambana ay literal na inukit mula sa bato at patuloy na inuukit at pinagyayaman ng mga lokal na artisano—dala ang panatang lumilok ng mga obra upang maipakita hindi lamang ang kahusayan ng kanilang mga kamay, kundi pati ang mga sagradong kuwentong pinahahalagahan sa mga banal na templo.
“Ang kahalagahan po ng mga obrang ginagawa namin, ito ay nagpapaalala po sa mga Kristiyano ng kanilang pananampalataya sa mga mahal na santo,” ani Elvira Guivencan, lokal na mang-uukit.

“May mga panata [kami] na talagang pagandahin ‘yan, hindi basta-basta umuukit,” saad din ni Albert Balahadia, isa pang Paeteñong artisano.
“May ilan pong mga tourist o mga bisita na ang kanilang layunin ay tumingin ng arts, work of arts, gayundin [ang] pagpapagawa ng mga imahen. So, sa pagpapatuloy po at pagyabong nitong lenten exhibit, marami po kaming natutulungan na mga artist,” dagdag ni Rex.
Sa tulong ng magkasamang pagsisikap ng mga kabataang tulad niya, na pinapangunahan ang pagpapanatili ng tradisyon ng Lilok at Panata, at ng mga mang-uukit gaya nina Elvira at Albert, ang sining at pananampalataya sa kanilang bayan ay patuloy na nananatiling buhay at nakaguhit sa kasaysayan.
Bagong henerasyong umuukit ng tradisyon
Sa pagpasok ng exhibit, tatambad ang naglalakihang mga imahen na nakahanay—karamihan ay kasinglaki ng tao habang ang ilan ay higit pa ang sukat. Sinong mag-aakalang ang mga nagbabantay rito ay mga batang halos kalahati lang ng mga rebulto ang laki?
“Kaming mga kabataan po dito, marami kaming gustong i-incorporate na panibago dahil hinahayaan naman po kami ng parish namin… So kami na po ‘yung yearly, simula pa lang sa pag-aayos, pagsusundo ng imahen, so kami na pong mga youth ‘yung nag-aasikaso po noon,” ani Rex.

Sa halip na maglaro sa lansangan, sa simbahan ang kanilang tambayan. Ganito ang nakagawian ng mga “curator” o ang kabataang miyembro ng PHCHM na nagbabantay sa exhibit at naghahatid ng mga impormasyon tungkol sa pananampalataya, kultura, at kasaysayan ng Paete.
“Nagsimula po ‘yung organization nang 2012 and wala pong saysay ang mga imahen kung walang tagapagpaliwanag. So in-adapt po namin, ang Paete po kasi ay living museum, at ang mga kabataan po dito ay kakaiba rin or talagang inclined sa kultura na meron kami,” kuwento niya.
Sa halos araw-araw na pagharap sa mga bisita, baon nila ang lakas ng loob, talino, at husay sa pagsasalita. Ika nga ni Rex, sila ang mukha ng Paete. “Sila ‘yung nagiging modelo ng Paete kung saan ang kabataan po dito ay hindi lamang [puro] cellphone, hindi lamang kung [anu-]ano ‘yung pinagkaka-busyhan, bagkus tuwing sasapit po ‘yung lent, sila po ay part talaga ng kultura po namin.”
Ngunit bago tuluyang maging bihasa sa pagkukuwento ng kanilang kultura, sumasailalim muna sa pag-aaral at pagsasanay ang mga curator, ayon kay Bryan Villarubia, head ng PHCHM.
“Nag-u-undergo naman po sila ng mga formations kung saan kami pong mga formator ay tinuturuan po namin sila regarding sa history po ng aming simbahan, and then nagkakaroon din po kami ng modules… upang sa gayon [ay] maipagpatuloy pa rin po namin from ngayong generation ‘yun pong aming culture, kumbaga upang manatiling buhay ang aming kulturang minana,” aniya.
Isa sa kabataang tuluyang yumakap sa tradisyong ito si William Afurong. Sa edad na 10 taong gulang, siya ang pinakabatang curator sa bayan. Itinuturing niyang isang bokasyon ang pagbabahagi ng kanilang kultura at tradisyon.

Kuwento niya, paslit pa lamang siya ay napukaw na ang interes niyang pag-aralan ang kasaysayan ng kanilang simbahan. Madalas siyang bumibisita lamang noon at nakikinig sa ibang curators ng PHCHM. Tila ba ang tungkuling magbahagi ng kaalaman ay tadhanang nakaguhit na sa kaniyang mga palad dahil hindi rin nagtagal ay isa na siya sa mga ito.
“Parang nabigyan po ako ng calling na ‘wag [maging] mahiyain or ‘wag pong matakot dahil kasama ko naman po ang Diyos.” Ano nga bang hindi kayang gawin ng isang tao kung kasama mo ang Maykapal?
Sa kabila ng murang edad, batid ni William ang bigat ng pinapasan niyang responsibilidad. Ngunit hindi niya ito alintana dahil mas matimbang sa kaniya ang patuloy na pag-ukit ng kasaysayan.
“Dahil baka po posibleng ‘pag wala po ang organization na ito is mawala po ‘yung tradition ng mga pagpapasa ng mga imahen or sa mga tradisyon po dahil sa generation po ngayon is kakaunti na lang po ang may gusto sa mga history ng mga simbahan, ng bayan, ng mga imahen po,” wika niya.
Nananatiling humihinga ang ipinamanang panata
Ngunit hindi lamang ito ang mabigat na krus na kusang-loob at buong pusong pinapasan ng kabataan para sa kanilang bayan. Bukod kina William at mga tulad niyang curator, ang isa pang natatanging katangian ng kanilang simbahan ay ang kakayahan nilang pagalawin ang mga antigong imahen.
Kagaya ng saad ni Rex, ang kanilang kultura ay hindi yayaman sa kasalukuyan kung hindi ito pinagsisikapang panatilihing humihinga ng mga unang pinagmulan.
“‘Yung amin pong mga matatanda po dito, ‘yung mga ninuno namin, hindi sila madamot sa pag-sha-share kung ano ‘yung dapat na nangyayari. Kagaya po nung na-witness niyo po kanina, ‘yung kabataan po na ‘yon, part po siya nung angkan na may-ari kay Sta. Veronica at sila po, hindi lamang ‘yung image ‘yung ipinamamana,” aniya pa.
Dahil higit sa makatotohanang pisikal na anyo ng mga imahen, tila nagkakaroon din ng buhay ang mga ito sa pamamagitan ng isang sagradong mekanismong masusing itinuturo at ipinagkakatiwala sa mga bagong salinlahi sa Paete—isang tradisyong piling mga tao lamang ang pinagpapasahan.
Ang banal na tradisyong ito ay patuloy na dumadaloy sa dugo ng kabataang hinirang na susunod na tagapagmana ng nakagisnang tradisyon, na isa rin sa mga rason kung bakit lalong dinadayo ng mga turista ang dambana.
“So ang Paete po ay hindi madamot sa pananampalataya at sa aming kultura kaya ito po ay nararapat lamang na ipagmalaki dahil ang lahat po ng biyaya at talento namin ay nagmula rin naman po sa ating Panginoon,” pagbibigay-diin ni Rex.
Ilan lamang ito sa mga patunay ng matatag na pagkakabigkis ng kultura at pananampalataya sa Paete. Sa pagsibol ng panibagong henerasyon, nananatili ring buhay ang taimtim na panalangin ng mga lokal—na sana’y may magpatuloy, mag-ingat, at magpayabong pa ng kanilang mga tradisyon, at lalo pang palalimin ang pagkakaukit ng pangalan ng bayan sa kasaysayan.