Ulat ni Leeyan Santos
Sa ikatlong araw ng selebrasyon ng ika-27 na Pandanan Festival, ibinida ng 23 mga barangay ng Luisiana, Laguna, ang kani-kanilang mga booth na yari mismo sa pandan. Itinampok sa mga ito ang iba’t ibang lokal na produkto ng bayan bilang bahagi ng naganap na Booth Trade Fair Competition noong Lunes, Marso 30, sa Luisiana Town Plaza.
Ayon kay Jonathan Igloria, tourism officer ng Luisiana, ang kompetisyong ito ay bahagi ng isang linggong selebrasyon ng bayan ng kanilang taunang Pandanan Festival na naglalayong mas maipamalas ang mayamang kultura paglalala o paghahabi ng mga dahon ng Pandan ng mga Luisianahin.
“Malaki ang part ng pandan kasi hindi lang siya hanapbuhay kundi part siya ng buhay,” saad ni Igloria.
Pandan bilang identidad
Kilala ang Luisiana bilang “Pandan Capital of the Philippines” dahil sa kanilang mga lupain na natural na tinutubuan ng pandan na kalaunang nagsilbing identidad ng bayan.
Sa kanilang ika-27 na Pandanan Festival, idinaos ang iba’t ibang mga programa at kompetisyon, tulad ng Booth Trade Fair Competition, na pinangunahan ng lokal na pamahalaan at Luisiana Tourism Office.
Kuwento ni Igloria, ang makukulay na booths ay gawa mismo ng mga Luisianahin na nagpakita sa mga turista ng angking talento ng mga lokal.

“Wala kaming hina-hire na artist o designer, ang gumagawa ay mula talaga sa barangay nila. Maliit na bayan pero punong-puno ng designers. Makikita ninyo kung gaano kagagaling ang mga kamay at kanilang malilikhaing isip,” aniya.
Tampok din sa booths ang iba’t ibang lokal na produktong gawa sa pandan, kabilang ang envelopes, backpacks, wallets, shoulder bags, at iba pang obrang nilala mismo ng mga mamamayan.
Bunga ng paglalala
Kakabit ng Booth Trade Fair Competition na ito ang malaking benepisyo sa kabuhayan ng mga Luisianahin.

“‘Yang mga booths, ang iba sa kanila [ay] may buyer na. May mga turista na mahilig sa art, after ng festival ay nakakontrata na. Kaya ang booths ay naka-design as movable, so hindi siya basta-basta sisirain,” wika ni Igloria.
Dagdag pa niya, bagaman hindi kalakihan ang premyo sa kompetisyon, ang bawat barangay ay magiliw na nakilahok at ibinida ang kani-kanilang mga pinaghirapang booth.
Nakamit ng Brgy. Zone V ang unang pwesto na sinundan ng Brgy. Zone III at Brgy. Sto. Tomas. Ang resulta ng kompetisyon ay nagmula sa pinagsamang boto ng mga hurado at reactions mula sa Facebook page ng Luisiana Tourism Office.

Takbo ng industriya ng paglalala
Ngunit kagaya ng ibang mga negosyo, hindi rin palaging patok ang mga produktong pandan sa mga mamimili, maging sa lokal na kabataan.
Ayon kay Joel Evangelista mula sa Brgy. Zone 7, kakaunti na ang kabataang interesado at pursigidong maglala dahil sa pag-usbong ng teknolohiya.
Dahil dito, sinisikap ng lokal na pamahalaan ng Luisiana na ituro sa mga paaralan ang tradisyon ng paglalala, kasabay ng panghihikayat sa kanilang gumamit ng pandan bayong tuwing Lunes upang mapanatili ang kultura ng bayan sa kasalukuyang henerasyon.
Ang pagpapanatili rin sa kanilang nakagisnang kultura ang pangunahing rason kung bakit isinagawa ang Booth Trade Fair Competition dahil binibigyang-daan din nito ang mas pagpapamalas ng kanilang mga lokal na produkto.

Binigyang-diin ni Corazon Saludes ng Brgy. San Buenaventura ang gampanin ng iba’t ibang samahan kagaya ng Lalaladies, Balulang Makers, at Luisiana Pandan Weavers—katuwang ang lokal na pamahalaan—sa patuloy na pagsusulong ng mga ordinansa at inisyatiba upang mapreserba at mapagyaman pa ang kultura ng paglalala sa bayan.