Laguna, nanguna sa 2024 GRDP ng CALABARZON — PSA

Ulat nina Earl Russel Masongsong at Ian Carlson Panuelos

Batay sa pinakabagong datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), nangunguna pa rin ang Laguna sa may pinakamalaking bahagi sa kabuuan ng Gross Regional Domestic Product (GRDP) ng CALABARZON sa 2024. Ang nasabing datos ay iprinesenta rin sa Provincial Product Accounts Data Dissemination Forum ni PSA Laguna Officer-in-Charge Elvin D. Arasula.

Ito ay matapos magtala ang lalawigan ng 33.1% o tinatayang ₱1.08 trilyon sa kabuuang halaga ng GRDP ng rehiyon. Mas mataas ito ng 5% kumpara sa ₱1.03 trilyong GRDP percent share ng Laguna noong 2023. Ayon sa PSA, ang pag-angat na ito sa ekonomiya ng lalawigan ay mas mabilis din kaysa sa 3.9% GDP growth rate na naitala mula 2022 hanggang 2023.

Ang sektor ng industriya ang bumubuo sa pinakamalaking bahagi ng GDP ng Laguna (59.2%). Sa ilalim nito, public administration and defense at compulsory social security ang may pinakamabilis na paglago (15.4%). Sinundan ito ng human health and social work activities (13.5%) at financial and insurance activities (12.5%).

Sunod naman sa sektor ng industriya ang sektor ng serbisyo (39.4%) at sektor ng agrikultura, panggugubat, at pangingisda (1.4%).

Mula 2022 ay patuloy nang nagsisilbi bilang pangunahing kontributor sa kabuuang GRDP ng CALABARZON ang Laguna. Ayon sa datos ng PSA, nakapagtala ang lalawigan ng ₱990.44 bilyong GDP noong 2022. Tumaas naman ito ng 3.9% o tinatayang ₱40 bilyon pagsapit ng 2023, kung saan umabot sa humigit-kululang ₱1.03 trilyon ang GDP ng Laguna. Sa taong 2024 naman, tinatayang tumaas pa ito ng 5%, o katumbas ng humigit-kumulang ₱50 bilyon sa kabuuang halaga.