Likha ng Kamay, Lakas ng Kababaihan

Ulat nina Rizza Hasmine Macapanas at Michaella Muyar

Malaki ang papel ng kababaihang artisano sa pagpapanatili ng pagdaloy ng diwang malikhain at kultura ng mga Pilipino. Silipin ang makulay na kuwento ng mga likhang-kamay ng Balai Habi, Remdavies Water Lily Handicrafts, at  accessories na gawa ni Nanay Lucy.

Sa iba’t ibang sulok ng komunidad, may mga tahimik ngunit makapangyarihang kuwento ng kababaihan at mga negosyong hindi lamang umiikot sa kita—kundi sa sipag, diskarte, at malasakit sa kapwa. 

Mula sa munting pwesto ng paggawa ng alahas, sa masinop na paghahabi ng mga produktong mula sa likas-yaman, hanggang sa pagbibigay-halaga sa mga itinuturing na basura, makikita kung paanong ang sining at kabuhayan ay nagiging daan upang sila ay makabangon at makapagbigay din ng oportunidad sa iba. Sa bawat hibla, disenyo, at likha, naipapamalas ang mga istorya ng katatagan at sama-samang pag-unlad.

Kabuhayang handog ng mga anik-anik

Sa isang maliit na espasyo, makikita ang mga malilikhaing “burloloy” at samot-saring “anik-anik” gaya ng pulseras, kwintas, at mga bulaklak na yari sa wire. Para sa iba, simpleng palamuti lamang ang mga ito, pero para kay Nanay Lucy Garcia, bawat piraso ay bunga ng kaniyang  sariling diskarte at determinasyon. 

Ang kanyang galing sa wire-wrapping ay sariling sikap niya na hinasa sa paglipas ng panahon, isang kasanayang bihirang makita sa iba. Para sa kanya, ang bawat piraso ay dapat natatangi; hindi siya gumagawa ng dalawang bagay na parehong-pareho. Kapag may mga produktong hindi agad nabebenta, hindi niya ito hinahayaang mabulok. Sa halip, kakalasin niya ito at bubuuin muli bilang bagong disenyo. Ang kaniyang puhunan? Hindi lamang materyales, kundi ang kaniyang malikhaing diwa at mayamang imahinasyon.

Ngunit sa likod ng bawat gawa ay matatanaw ang isang personal na pakikipaglaban ni Nanay Lucy sa psoriasis—isang autoimmune condition—na naging dahilan kung bakit mas pinili niyang mag-solo sa trabaho kaysa maging empleyado. Aminado siya na minsan ay naiilang siyang humarap sa mga tao dahil sa iilang mga matang mapanghusga sa kaniyang balat, na naipaparamdam sa kaniya na siya ay iba sa paningin ng karamihan. 

Pero sa halip na panghinaan ng loob, pinatunayan niyang hindi ito hadlang. “Lumalaban naman ako, hindi ko na pinapansin eh,” aniya. Dahil para sa kaniya, mas mahalaga ang diskarte sa buhay kaysa sa iisipin ng iba.

Hindi rin nagtatapos sa sarili ang kaniyang tagumpay. Higit sa sariling kita, ang maliit na espasyong ito ay naging paraan din para makatulong siya sa mga housewife na nakatira malapit sa riles ng Barangay San Antonio. Si Nanay Lucy ang nagbibigay ng mga materyales sa kanila habang sila naman ang tumutulong na buhayin ang kaniyang mga ideya, lalo na kapag marami ang order. Minsan pa nga ay sila na mismo ang naghahanap ng kliyente para kay Nanay dahil malaking tulong din ito upang madagdagan ang kanilang kita para sa pamilya. 

Mga produktong binebenta ni Nanay sa kanyang espasyo. Kuha ni Rizza Macapanas.

“Mayroon din naman [akong] mga laborer. Nabibigyan ko sila ng trabaho, kahit papaano,” aniya. “ Akin ang idea, akin ang utak. Sa kanila lang yung gagawa.” Sa simpleng paraan, nagiging bahagi siya ng mas malawak na ikot ng pagtutulungan sa komunidad.

Matrabaho at mahirap ang pagtingin ng ilan sa paggawa ng handicrafts, ngunit para kay Nanay Lucy, ang pagmamahal sa kaniyang ginagawa ang pinaghuhugutan niya ng lakas.

“Walang mahirap eh. Kasi kaya kong gawin lahat eh. Talagang gusto ko,” saad niya.

Ang kumpiyansang ito ay nagmumula sa kaniyang ilang taong karanasan sa paggawa ng handicrafts. Nakakabit sa bawat produkto ang kaniyang dedikasyon—isa sa mga dahilan kung bakit siya nagpapatuloy. 

Samantala, isa sa mga pinakamalaking hamon na kaniyang naranasan ay ang pagbagsak ng kanilang flower-making business dahil sa pagpasok ng mas murang mga imported na produkto mula sa China. Sa halip na tuluyang tumigil, naghanap siya ng ibang paraan upang makabawi. Ang malikhaing isip ni Nanay Lucy ang nagbigay-daan upang makabuo siya ng iba pang mga produkto tulad ng mga singsing, kwintas, at pulseras.

Sa kabila ng lahat, ang kaniyang pangunahing inspirasyon ay ang pagpapahalaga ng ibang tao sa kanyang gawa. “Basta masaya ako, basta ina-appreciate naman ng mga estudyante. Ina-appreciate naman ng tao na nakapaligid sa akin,” aniya.

Malinaw din ang papel ng kababaihan sa larangang ito dahil karamihan sa kaniyang mga katuwang ay mga housewife na naghahanap ng dagdag kita habang nanatili sa kanilang mga tahanan. Hindi lamang sila manggagawa, kundi bahagi ng isang komunidad ng paglikha. Maging ang mga estudyante ay natutulungan niya sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng mga ideya at materyales.

“Binibigyan ko rin sila ng idea. Minsan nagbibigay na lang [ako ng] materyales kung gusto nila, kung kaya ko rin lang. [Ine]-encourage ko naman sila kahit papaano.” Sa simpleng paraan, naipapasa ang kaalaman at interes sa handicrafts sa susunod na henerasyon.

Para kay Nanay Lucy, tunay na ang paggawa ng handicrafts ay hindi lamang isang hanapbuhay, kundi isang paraan ng pamumuhay kasama ang sining. Ang kaniyang munting pwesto ay mas nagiging siksik hindi lang dahil sa kanyang handicrafts, kundi dahil sa tulong ng komunidad na patuloy na nagtitiwala at sumusuporta sa kanyang mga likha. Sa ganitong paraan, ang simpleng espasyo ay naging sentro ng kabuhayan at koneksyon— isang lugar kung saan ang sining ay hindi lamang nakikita, kundi nararamdaman.

Hinabing buhay ng kababaihan

Sa bawat produktong nilikha ng Balai Habi, nakatahi ang mga kuwento ng tiyaga, pagtutulungan, at pakikibaka ng kababaihan. Para sa kanila, ang paghahabi ay higit pa sa paggawa ng isang produkto o hanapbuhay dahil ito ay isang sining na mas pinaiigting ang kultura at nagbibigay-buhay sa isang komunidad.

Negosyong may puso—ito ang malalim na paniniwala ni Rolly Atienza, isa sa mga nagpundar ng Balai Habi. Dala ang pangarap na maibigay ang pangangailangan at magandang buhay para sa kaniyang pamilya, nagpursigi siya na mapayabong ang kanilang munting negosyo. 

Mula sa simpleng hangarin na ito ay lumalim at nabigyang-misyon ang bawat produkto ng Balai Habi—“Empower Artisans, Elevate Communities.” Binigyang-pokus ni Rolly ang mga manggagawa, partikular na ang mga manggagawang-bukid, at kung paano sila mabibigyan ng oportunidad sa pamamagitan ng Balai Habi.

“Hindi ko binabali ‘yung livelihood…Ang tinitingnan ko kasi dito is income-generating project. Kasi ‘pag sinabing livelihood, kakain ka lang ng tatlong beses sa loob ng isang araw. Paano ‘yung pag-aaral? Paano naman ‘yung pang-enroll? So, kaya kailangan po nito,” paliwanag niya.

“Balai na humahabi—ito ang kahulugan ng Balai Habi. Dito, ang paghahabi ay hindi lamang proseso—ito ay pamanang sining. Mula sa mga bag na panggala, basket, Christmas tree, at iba pang kagamitang gawa sa mga likas na materyales tulad ng rattan, uway, at pandan, naipakikita ng Balai Habi ang husay sa inobasyon. Sa likod ng bawat tapos na produkto ay ang mabusising proseso. 

Bago pa man mahabi ang mga materyales, ang mga ito ay pinatutuyo, pinapatag, at sumasailalim sa treatment upang masigurong hindi ito “mamumutok” o masisira agad. Ang isang piraso ay karaniwang inaabot ng buong araw bago matapos. Sa kabila ng pagod at dedikasyon, sinisiguro ng Balai Habi na nananatiling abot-kaya ang presyo ng kanilang mga produkto.

Produktong bag ng Balai Habi. Kuha ni Rizza Macapanas.

Magaling ang kamay ng mga babae. Mga katagang tumutukoy sa kung paanong ang manggagawang kababaihan ay nagiging isa sa mga sentro ng patuloy na produksyon ng Balai Habi. Ayon kay Rolly, malaki ang naging papel ng mga likas na katangian ng mga babae sa kanilang bawat produkto.

“Nasa isang babae ang pagiging matiyaga at saka yung pagiging artistic niya and innovative,” aniya.

Ang puso, malasakit, at tiyaga ng kababaihan ang nagsisilbing kasangkapan upang mas mabigyang-halaga ang bawat materyal. Ang maingat at detalyadong paghahabi ng kababaihan ang dahilan kung bakit ang Balai Habi ay hindi lamang umiikot sa mga produkto nila—ito ay kuwento rin ng kanilang bawat manggagawa.

Gayunpaman, hindi nawawala ang mga hamon na kanilang kinakaharap. Kabilang na rito ang pagtaas ng presyo ng mga likas na materyales, gastusin sa transportasyon, partikular na ang gasolina, at ang kakulangan sa mga manggagawa. 

Sa kabila ng mga hamong ito, patuloy na lumalaban ang Balai Habi. “Ang produkto ng Balai Habi ay nasa masa na. Nasa social media na. Kaya kailangan nating ituloy ito, dahil may hanapbuhay ulit, at mayroon tayong natutulungan,” saad ni Rolly.

Dala ang kultura ng paghahabi at mga manggagawang katuwang sa pagtatahi ng bawat hibla, may malinaw na layunin ang Balai Habi—ang panatilihing buhay ang tradisyon ng paghahabi gamit ang mga likas na materyales. Higit pa sa paglikha ng produkto, ito ay panawagan na kilalanin at pahalagahan ang mga likas na yaman at ang sipag ng mga manggagawa. 

“Malaking parte ang native products at ang paghahabi ngayon sa parte ng ating livelihood,” dagdag pa niya. 

Pinapatunayan ng Balai Habi na ang kultura ng Pilipinas—mula sa mga likas na materyales hanggang sa mga manggagawa—ay dapat bigyang-importansya. Sapagkat ang mga hiblang hinahabi sa kasalukuyan ang siyang magbubuklod at magtatagpi sa isang mas matibay na kinabukasan.

Pag-asa sa bawat hibla

Sa gitna naman ng malawak na Laguna Lake, makikita ang mabilis na pagdami ng water lilies na madalas ay itinuturing na perwisyo. Ito ay dahil sa loob lamang ng dalawang linggo, ang isang ektaryang sakop nila ay maaaring dumoble agad. Kapag hindi ito nakontrol, nahaharangan nito ang daanan ng mga mangingisda, nagiging sanhi ng baha, at nagiging breeding ground ng mga uod at lamok. 

Ngunit para kay Remeia Adedoja, ang bawat hibla ng halamang ito ay hindi basura kundi isang pagkakataon para makabangon ang kaniyang mga kababayan sa Los Baños. Nagsimula ang kaniyang paglalakbay noong 2008, matapos ang hagupit ng Bagyong Ondoy at ang krisis sa ekonomiya kung saan maraming Overseas Filipino Workers (OFWs) ang nawalan ng trabaho. Bilang dating bahagi ng rattan furniture export industry, Si Remeia ay pinayuhang subukan ang water lilies bilang alternatibo, lalo na at naapektuhan ang suplay ng rattan dahil sa logging ban. 

Hindi biro ang sakripisyo sa likod ng bawat produkto, mula sa pag-aani hanggang sa maselang pagpapatuyo na inaabot ng halos isang buwan kapag tag-ulan—ito ay karaniwang mula Agosto hanggang Disyembre. Dahil dito, kinakailangan niyang mag-imbak ng mahigit 100,000 piraso ng materyales para lamang hindi mahinto ang trabaho. May mga proseso pa ng paglalagay ng antifungal preservative at acrylic emulsion para tumigas ang mga produkto, at kailangan ng isang buong araw na pagbabarnis upang ganap na mawala ang matapang na amoy bago ito ilabas sa merkado. 

Pero para sa kaniya, ang tunay na halaga ng negosyong ito ay ang nabuong “value chain” na tumutulong sa mga tao sa komunidad. Ang mga mangingisda ay kumikita sa bawat water lily stalk na kanilang nakukuha habang pumapalaot—isang malaking tulong pambili ng gasolina—habang ang kababaihan sa komunidad ay nagkakaroon ng marangal at tuloy-tuloy na pagkakakitaan. 

Ang puso ng kaniyang adbokasiya ay ang malasakit sa kaniyang mga manggagawa. Ramdam ni Remeia ang hirap ng mga nanay na alas-sais pa lang ng umaga ay nagde-deliver na ng mga gawa nila para lamang may pambaon at pamasahe ang kanilang mga anak sa eskwela.

Mga produktong gawa ng Remdavies. Kuha ni Rizza Macapanas.

Ayon pa sa kaniya, ang hand weaving ay isang tradisyong mula pa noong “time immemorial” na dapat ipamana dahil mas mataas ang halaga ng paggawa nito kaysa sa mga gawa ng makina. Bukod sa kabuhayan, malaki rin ang tulong nito sa kalikasan dahil nababawasan ang pagbara ng stalks sa blades ng hydroelectric power plant na isa sa mga sanhi ng brownout. 

Ngayon, ang mga gawang-kamay ni Remeia ay hindi na lamang sa Los Baños makikita dahil nakarating na ito sa mga sikat na mall gaya ng SM Aura, Trinoma, at maging sa mga international trade fair sa World Trade Center. 

Sa kabila ng lahat ng tagumpay na ito, nananatili siyang mapagkumbaba at bukas sa pagbabahagi ng kaniyang kaalaman. Patuloy siyang naglalakbay mula Luzon hanggang Mindanao upang magturo sa training programs ng Department of Trade and Industry (DTI). 

Para sa kaniya, ang paghahabi ay hindi lamang basta paggawa ng gamit—ito ay pagpapatunay na ang bawat “perwisyo” sa ating paligid ay kayang-kayang maging isang dakilang biyaya basta’t ang mga manggagawa ay sasamahan ito ng tiyaga at tunay na malasakit sa kapwa.

Ang mga gawang kamay nina Nanay Lucy, ng Balai Habi, at ni Remeia ay nagsisilbing tulay na nagdurugtong sa kabuhayan, kultura, at kuwento ng mga manggagawang patuloy na lumilikha sa gitna ng hamon ng panahon. Sa pamamagitan ng mga ito, nabibigyan ng pagkakataon ang mga lokal na artisano na mapanatili ang kanilang sining habang patuloy na kumikita at sumusuporta sa kanilang komunidad.

Maaaring tuklasin ang Remdavies Waterlily Handicrafts sa kanilang mga opisyal na pahina sa Facebook at Instagram page, gayundin sa kanilang Shopee store, kung saan tampok ang kanilang mga likhang obra mula sa water lily.

Kung ang hanap naman ay mga handicraft na likha mula sa mga likas na materyales, maaaring tuklasin ang mga produkto ng Balai Habi sa kanilang Facebook page

Samantala, kung nais na silipin ang iba’t ibang accessories at anik-anik ni Nanay Lucy, maaaring makita ang kaniyang mga produkto sa kahabaan ng Lopez Avenue sa Los Baños, Laguna. Matatagpuan din siya sa ilang mga trade fair na inilulunsad sa UPLB.

Higit pa sa mga produktong ito ang kanilang halaga. Sila ay patunay na sa bawat hibla ng sinulid, bawat piraso ng materyales, at bawat disenyong hinubog ng mga malikhaing kamay ay may nakapaloob na mayamang kuwento ng sipag, pag-asa, at lakas ng kababaihang manggagawa. Ito ay mga kuwentong dapat na patuloy na hinahabi at ibinabahagi sa komunidad. 

Ang kanilang mga istorya ay tanda na hindi sa buwan ng Marso dapat magtapos ang pagbibigay-pugay sa kababaihan dahil ang kanilang puso at lakas ay patuloy na umaapaw maging sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay.