Ulat ni Leon Paul Olores
Naitala ang mababang antas ng kasanayan sa numeracy ng mga mag-aaral sa mga pampublikong paaralang elementarya sa Los Baños, batay sa resulta ng pinakahuling Early Language, Literacy, and Numeracy Assessment (ELLNA) sa munisipalidad.
Ang ELLNA ay isang pambansang pagsusulit na isinasagawa upang masukat ang antas ng kasanayan ng mga mag-aaral sa mga unang baitang. Sinusukat nito ang pundasyon ng mga mag-aaral sa larangan ng pagbasa, pagsulat at matematika (numeracy), upang matiyak ang kanilang kahandaan para sa mas mataas na antas ng pag-aaral.
Ayon sa datos, nakapagtala lamang ng average na 43.93 Mean Percentage Score (MPS) sa numeracy ang mga paaralang elementarya sa Los Banos. Mas mababa kumpara sa kasanayan sa pag-unawa, pagbasa, at pagsulat sa wikang Filipino na may 66.03% at Ingles na may 58.96%. Ipinapakita nito na mas mahusay ang kasanayan ng mga mag-aaral sa mga aspetong pang wika kaysa sa kanilang kakayahan sa matematika.
Sa larangan ng numeracy, nanguna ang San Antonio Elementary School na nakakuha ng 79.61% numeracy score. Samantala, isa sa mga may pinakamabababang naitalang marka ay ang Bernaldo N. Calara Elementary School na nakakuha lamang ng 26.51% numeracy score at Bagong Silang Elementary School na may 27.50% numeracy score.
Ayon kay Gng. Viena Allovida, guro sa BN Calara Elementary School, ang mababang numeracy rate ng mga mag-aaral ay dulot ng pinagsamang salik mula sa kagustuhan ng mag-aaral na matuto, kahusayan ng mga guro, gabay ng magulang, at mismong sistema ng edukasyon.
“Sa bata mismo, kung tamad mag aral, wala, kung walang pokus, wala. Sa teacher naman, kung tamad din wala din. Sa magulang din, so dapat lahat ay mayroong responsibility. Pati sa sistema pabago bago, hindi pa [nalalaman] kung tama, kung may magandang impact sa education [system], sa estudyante, sa teacher, bago na naman,” aniya.
Ibinahagi rin ni Gng. Allovida na ang paggamit daw ng wikang Filipino sa pagtuturo ng matematika sa unang baitang ay nagdudulot ng hamon sa mga mag aaral sapagkat sa mga susunod na baitang ay Ingles na ang ginagamit na midyum sa pagtuturo. Aniya, ito rin ang dahilan kaya pagdating ng mas mataas na antas ay nagkakaroon ng kalituhan at mababang kasanayan ang mga mag-aaral sa aspeto ng numeracy.
Batay sa itinakdang pamantayan ng DepEd Order No.55, series 2016, makikita na ang Los Banos ay kabilang sa kategoryang “hindi pa bihasa”(not proficient) sa aspeto ng numeracy, dahil ang naitalang average na marka ng mga mag-aaral ay mas mababa sa 50%.
Samantala, sa mga asignaturang pangwika naman ay tinatayang nasa pagitan ng 50% hanggang 74% ang MPS ng munisipalidad na nangangahulugang ang mga mag-aaral ay nasa antas na “halos bihasa” (nearly proficient).
Bagama’t hindi ganoon kababa ang pundasyon ng mga mag-aaral sa kasanayang pangwika, ang kasanayan ng mga estudyante sa matematika ay malayo pa upang maabot ang inaasahang antas ng kahusayan ng mga mag-aaral sa mga paaralang elementarya sa munisipalidad.
Sanggunian:
https://senate.gov.ph/media/news-release/edcom-2-student-proficiency-rates-plunge-from-30-in-grade-3-to-047-in-grade-12