Mga kanal sa Daang Kalabaw, Brgy. San Antonio, inaayos

Ulat ni Jyas Bautista

Sinimulan na ang pag-aayos ng mga kanal sa kahabaan ng Daang Kalabaw, Brgy. San Antonio, Los Baños, Laguna, noong Enero 5, 2026. Layunin ng proyekto na isaayos at i-standardize ang sukat at istruktura ng mga kanal, upang mapabilis ang daloy ng tubig at maiwasan ang pagbaha sa lugar kapag may malakas na ulan.

Pansamantalang isinara ang Daang Kalabaw habang inaayos ang kanal dito. Larawang kuha ni Jyas Bautista | LBTimes

Paliwanag ni Relly Palis, kapitan ng Brgy. San Antonio, hindi kinakaya ng mga existing na kanal ang malaking volume ng tubig na dumadaloy dito kapag malakas ang ulan, kaya nagkakaroon ng baha sa kanto ng Sta Rita Road at sa daan papuntang Mendiola. Bukod dito, kasalukuyang walang takip ang maraming bahagi ng kanal. Bukod sa delikado ito para sa mga dumadaan ay madalas din itong mapuno ng basura, na nagiging sanhi ng pagbabara.

Kasalukuyang maliit ang kanal at bukas ang ibabaw, kaya madaling mapuno ng tubig at mabarahan ng mga basura.

Upang masolusyonan ang mga problemang ito, gagawing mas malaki at malalim ang sukat ng kanal, at lalagyan ng takip na semento sa ibabaw. Lalagyan din ito ng mga covered manhole.

Habang ginagawa ang proyekto, hindi madadaanan ng mga tricycle at 4-wheel na sasakyan ang Daang Kalabaw mula 7 ng umaga hanggang 5 ng hapon. Posibleng tuluyang isara ang daan sa lahat ng sasakyan kapag isasagawa na ang mismong excavation at construction. Ayon kay Kap. Palis, nakausap na rin ng mga kawani ng barangay ang mga tricycle driver at residente sa lugar.

Ayon kay Kap. Palis, sisikapin nilang matapos ang proyekto sa loob ng 45 na araw. Base naman sa mga tarpaulin na nakataas sa magkabilang dulo ng Daang Kalabaw, kailangang matapos ang proyekto sa loob ng 90 na araw.

Gagawing mas malapad at mas malalim ang kanal. Lalagyan din ito ng takip na semento sa ibabaw.

Ang pormal na pangalan ng proyekto ay “Rehabilitation/Improvement of drainage system, Purok 1-6 (Mendiola-Sta Rita Rd.) Brgy San Antonio, Los Banos Laguna.” May kabuuang halaga ito na Php 1.89 milyon, na pinondohan mula sa Barangay Development Fund ng San Antonio. Nanalo sa bidding ang LLEB Trading and Construction, na nakatanggap ng notice to proceed noong Disyembre 17, 2025. Batay sa technical specifications, kukumpunihin ang 433 metrong haba ng kanal, at gagawing tig-0.8 metro ang lalim at lapad nito. Lalagyan din ito ng manholes na may drip holes kada 3 metro, na may sukat na 0.8 metro x 0.6 metro bawat isa.