Ulat nina Hannah Pauline Fernandez at Cathryn Julianne Pine
Updated on March 31, 2026 (9:25 a.m.)
Hindi lahat ng ani ay agad na napakikinabangan. May mga binhing kailangang ibaon muna sa lupa upang tahakin ang dilim at mapagtibay ng panahon bago tuluyang sumibol. Ganito rin ang naging paglalakbay ng Likhaya Food Products—ang kanilang kuwento ay hindi lamang umiikot sa mga produktong gawa sa soy, kundi maging sa mga kamay na puno ng determinasyon na lumikha at mga pangarap na unti-unting umuugat tungo sa mas malawak pang mga layunin.
Binhi ng Likhaya
“What I’ve learned in life: know your heart.”
‘Yan ang tangan ni Rommel Rolando Bailey, mas kilala bilang Tito Ome, nang magsimula siyang maging full-time entrepreneur ng Likhaya Food Products. Nagtapos siya ng BS Agriculture, major in Animal Science, sa University of the Philippines Los Baños (UPLB) noong 1992.
Mula kaniyang kabataan, batid niyang hindi maaaring mabakante at walang ginagawa ang kaniyang mga kamay, kung kaya’t buong puso ang pagpili niyang ipagpatuloy ang paghahanda ng lupa na nagsisilbing pundasyon sa tuluyang pagsibol ng Likhaya.
Kuwento rin ni Tito Ome, kasabay ng pagtubo nito noong 2014, natutuhan niya ang paggawa ng taho at iba pang produktong gawa sa soya noong mabigyan siya ng oportunidad na makadalo sa isang training tungkol dito.
Magmula pa noon, napaigting na sa kaniya ang determinasyon at sipag na ipagpatuloy ang paggawa ng mga nasabing produkto. Aniya, mas nahahamon siya kapag nagsisilbing pioneers ang kanilang mga gawa dahil ang paghuhukay ng mga bagong ideya ay mas naipakikilala ang tatak ng Likhaya.
Kuwento niya, ang mga salitang “likha” at “laya” ang pinagmulan ng pangalan ng kaniyang food products. Naniniwala siyang kung nais nating maging malaya, magpatuloy tayo sa paglikha at paggawa sapagkat ‘yun ay likas sa atin bilang mga tao.

Si Tito Ome, hawak ang mga produktong Likhaya SOYbetero Ice Cream na mabibili sa Tecno Hub and One-Stop Shop (THOSS), UPLB. Kuha ni Hannah Pauline Fernandez.
Nakaugat din ang kanilang konsepto sa “kapwa” at “bayanihan” dahil bukod sa pagiging negosyante, agrikulturista rin si Tito Ome. Sa lenteng ito, tanaw niya ang kakulangan ng suporta at kahirapan na dinaranas ng mga magsasaka sa bansa.
Ito ang dahilan kung bakit pinipili niyang lumubog din sa mas marami pang mga komunidad. Itinuturing niya ang kaniyang sarili bilang “non-formal educator” ng mga magsasaka dahil isinasalin niya ang kaniyang mga kaalaman sa mga taong gusto at pursigidong matuto ukol sa pagproseso ng soya na maaari rin nilang gawing negosyo.
“Kaya ako nag-e-extend sa kanila—there are so many challenges.” Dahil dito, hinabi ni Tito Ome ang konsepto ng Likhaya na aakma hindi lamang sa mga tumatangkilik ng produkto nito, kundi para rin sa mga nangangailangan ng kanilang tulong. Para sa kaniya, hindi lamang ang mga hilaw na materyales ang kanilang hinuhubog at binabago, kundi maging ang mga komunidad na kanilang tinuturuan at buong pusong tinutulungan.
Punla ng paglalakbay
Gaya ng paggawa ng soy products, ang pagsisimula ng Likhaya Food Products ay hindi engrande. Bagkus, ito ay isang mahaba at maingat na prosesong pinuno rin ng mga pagsubok.
Ayon kay Tito Ome, katuwang nila ang customers nila sa pagtatanim ng mga ideya, na minsan ay nagbubunga at nakabubuo ng mga bagong produkto. Dahil dito, mas natutuhan niya ang kahalagahan ng pagkakaroon ng positibo at mayabong na relasyon sa kaniyang kapwa, sapagkat sila malaki ang kanilang papel sa pagpapalago ng kanilang negosyo.
Nagpatuloy lamang ang Likhaya sa paggawa ng mga produkto hanggang sa magbunga ito ng iba pang mga pagkain tulad ng firm tofu, strawberry chilled taho, apat na uri ng soymilk (unsweetened, vanilla, chocolate, black sesame), at apat na klase ng ice cream (vanilla, strawberry, black sesame, durian).
Ilang taon ang inabot at ilang sangkap ang kanilang nagamit upang mabuo ang kanilang mga kasalukuyang produkto. Ang kanilang determinasyon ang naging pinakamalaki nilang puhunan na nagbigay-daan sa unti-unti nilang pagkamit sa kanilang matatayog na mga pangarap.
Para sa Likhaya, dahil hindi pa rin ganap na pamilyar sa karamihan ang ilang produktong gawa sa soy, ang isa pang hamon para sa kanila ay kung paano ito ipapakilala sa masa. Sa ganitong kalagayan, ang pagtitinda ng kanilang bawat produkto ay talagang sinasamahan ng tiyaga upang sa paglaon ng panahon ay magkaroon sila ng lugar sa puso ng mga mamimili.

Isa sa pinakaunang produkto ng Likhaya, Chilled Taho na mabibili rin sa Tecno Hub and One-Stop Shop (THOSS), UPLB. Kuha ni Hannah Pauline Fernandez.
Ngunit hindi rito nagtatapos ang kanilang mga hamon. Sa loob mismo ng kanilang pagawaan, paulit-ulit din na sinusubok ang determinasyon ng mga kamay sa likod ng Likhaya.
“Maraming trial and error, talagang mag iinvest ka sa R&D (research and development). So, I know you need to document it, para hindi mo na ulitin yung [pagkakamali], tapos you keep on consulting. ‘Yun ‘yung buong process. Kasi kapag nagde-develop, mararating mo rin ‘yan eh. ‘Wag ka lang tumigil,” ani Tito Ome.
Sa halip na maging hadlang ang mga kinakaharap na pagsubok, ang mga ito mismo ang nagsilbing gabay nila—bitbit-bitbit na ang mga bagong aral na napulot—upang mas umunlad.
Sinisigurado rin nila na malalim ang kanilang pakikipag-ugnayan sa komunidad upang mas mapagbuti ang kanilang mga likha, isa pang dagdag na hakbang bukod sa pagpapakonsulta sa mga food technologist at eksperto.
“This is beyond enterprise. This is basically relationship building, community building, and being Filipino,” pagbabahagi niya. Sa ganitong lente, ang Likhaya ay hindi lamang basta naghahanap ng kanilang merkado—unti-unti rin nitong pinapanday ang isang anyo ng kabuhayan na may malasakit at tangan ang mayamang kultura at pagkakakilanlan ng mga Pilipino.
Dumadaan muna sa mahabang pagpapakulo ng ideya at eksperimento ang kanilang bawat produkto bago tuluyang ilabas at ihain ang mga ito—isang prosesong hindi minadali, kundi hinayaang mahinog sa tamang timpla ng panahon, karanasan, at pakikinig sa komunidad.
Bunga ng pagpapahalaga
Sa bawat baso ng soy milk o kutsara ng taho, hangad din nilang maisip at pahalagahan ng mga mamimili kung saan sila unang nagmula—sa pawis ng magsasaka, sa lupang paulit-ulit tinatamnan, at sa aning mula sa sipag at tiyaga.
“Until now, since we started [in] 2014, we are accessing soybeans from Isabela, sa local farmers talaga. We’re not buying imported, puro lokal lang.” Para sa kaniya, ang pagtangkilik ng sariling atin ay hindi lamang desisyong pang-negosyo, kundi paninindigan at pakikiisa sa mga gulugod ng ekonomiya.
Ngunit ang pagbili ng ani ay simula pa lamang. Sa likod nito ay ang mas malalim na isipin: paano mapapalago ang halaga ng pinaghirapan ng mga lokal na magsasaka?
“Ang nakita ko ay value addition. This will really transform communities, hindi lang raw materials.” Ngunit hindi ito isang mahika na sa isang iglap ay matagumpay na. May proseso—pagbababad, pag-e-extract, maingat na produksyon, at higit sa lahat, may tiyagang kailangang ibinubuhos.
Isa sa kanilang mga misyon ay ang mas maiangat hindi lamang ang kanilang kabuhayan, kundi pati na rin ng mas malawak na hanay ng mga magsasakang Pilipino.

Hanay ng iba’t ibang flavors ng Likhaya Soy Milk—unsweetened, vanilla, black sesame, at chocolate. Mabibili rin sa Tecno Hub and One-Stop Shop (THOSS), UPLB. Kuha ni Hannah Pauline Fernandez.
Para kay Tito Ome, ang tunay na puhunan ay hindi agad nasusukat sa kita, kundi sa tiwala at ugnayang nabubuo sa pagitan ng mga magsasaka, kaibigan, at ng mas malawak na komunidad.
“There are 2 things that I’ve realized… it’s not yet the money, it’s actually the character and the connections,” saad niya. Dahil dito, ang masa ay hindi lamang basta tagatanggap ng umuulang mga benepisyo—sila ay aktibong kalahok din sa paghubog sa kung anong produkto ang dapat na gawin, kung paano ito ipo-proseso, at kung saan ito dadalhin.
Sa kaniyang pananaw, ang komunidad ang nagsisilbing matibay na pundasyon ng lahat ng ito.
“Para maging productive, kailangan mataba ang lupa… ‘yung rooting system mo, it takes years. Hindi ‘yan one day, hindi ‘yan instant,” dagdag ni Tito Ome.
Kaya naman, ang kanilang kabuhayan ay hindi na lamang tagumpay ng Likhaya Food Products, kundi isang anyo rin ng pag-unlad na hinubog ng komunidad, para rin sa komunidad.
Ani ng komunidad
Malinaw kay Tito Ome na ang Likhaya Food Products ay hindi ang sentro ng kuwento kundi isang daluyan ng mas malalim pang mga istorya.
“I’m after the social impact. Kasi si Likhaya is only a channel. Ang tawag ko sa Likhaya, weaver siya. Weaver of stories. Wini-weave lang namin and that is also a Filipino culture, Filipino trait.”
Sa bawat taong nabibigyan ng pagkakataon, sa bawat magsasakang nagkakaroon ng dagdag na kita, may mga bagong kuwentong sumisibol—mga kuwentong dahan-dahang nakakapagpabago ng direksyon ng buhay ng maraming tao.
“Nakakapag-inspire ka, nakakapagbigay ka ng opportunities for people. Marami pang manganganak na stories behind it.”
Dito nagiging malinaw ang tunay na diwa ng Likhaya: na ang kabuhayan ay hindi lamang sinusukat sa kita, kundi sa dami ng taong naiaangat at natutulungang mas guminhawa ang pamumuhay.
Ngunit hindi sapat ang mga inisyatibang galing sa maliliit at lokal na mga negosyo. Isa sa mga panawagan ni Tito Ome ay ang pagkakaroon ng mas malawak na suporta mula sa pamahalaan: “Fund a local soybean industry, an inclusive value chain in every town.”

Pagkatapos magbahagi ng kwento ng Likhaya sa CAFS Agri-Bioresource Exhibition and Agricultural Innovations Fair, namigay ng taho si Tito Ome. Kuha ni Hannah Pauline Fernandez.
Sapagkat kung sa kakarampot na puhunan at limitadong abot ng isang negosyong tulad ng Likhaya Food Products ay may nabubuong pagbabago, paano pa kaya kung ito’y susuportahan ng mas konkretong mga inisyatiba at sapat na pondo?
Maaaring magsimula ito sa pagpapalakas ng lokal na produksyon, pagbibigay ng access sa teknolohiya, pagsasanay sa mga magsasaka, at paglikha ng mas inklusibong merkado kung saan hindi naiiwan ang maliliit. Sapagkat ang potensyal ay naroon na—ang kailangan na lamang ay mas palawakin at pagtibayin pa.
Ang Likhaya Food Products ay hindi lamang binubuo ng kuwentong tungkol sa mga produktong gawa sa soy, ito rin ay kuwento ng pagpili. Pagpiling tangkilikin ang mga gawang lokal, pagpiling kilalanin ang mga kamay na humubog sa mga ito, at pagpiling maging bahagi ng isang mas malawak na misyon.
Ito ang buhay na patunay na ang mga ani mula sa binhing itinanim ni Tito Ome at ng buong Likhaya ay hindi nila planong sarilihin—bagkus, ang kanilang mithiin ay mas mapayabong pa ang mga ito upang mas maraming mga kapitbahay, karatig-bayan, at kapwa Pilipino ang makatamasa rin ng mga bunga nito.