Saan aabot ang PHP1.9-trilyon mo?

Ulat nina Jai De Los Santos at Jian Abordo

1.9 trilyong piso.

Iyan ang tinatayang halagang nawala mula 2015 hanggang 2025 dahil sa korapsyon.

Ayon sa tala ng Senado, mula 2011 hanggang 2025, mahigit PHP1.9 trilyon ang inilaan ng pamahalaan para sa flood control management program sa ilalim ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Sa loob lamang ng tatlong taon, mula 2023 hanggang 2025, mahigit PHP1 trilyon ang inilaan sa ilalim ng tatlong naipasang budget measures para sa flood control – halos 53% ng kabuuang pondo sa loob ng labinlimang taon.

Mula rito, inilista namin ang mga kayang mapondohan ng salaping ito.

Ang 1.9 trilyong piso ay kayang pondohan ang. . .

…Philippine General Hospital (PGH) sa loob ng 380 taon, kung susundin ang 2024 na badyet. Limang bilyong piso ang badyet ng PGH noong 2024.

…pag-aaral ng 5,937,500 estudyante hanggang makapagtapos sa kolehiyo. Ang DOST-SEI ay nagbibigay ng PHP8,000 na buwanang stipend sa kanilang mga iskolar. Katumbas nito ang higit-kumulang PHP320,000 para sa isang estudyanteng kumukuha ng apat na taong degree program.

…sahod ng 2,638,889 na pampublikong guro na may ranggong Teacher 1 sa loob ng 24 na buwan. Ang isang Teacher 1 ay nag-uuwi lamang ng PHP30,000 buwan-buwan.

… laboratory manuals para sa 2,000 biology students sa loob ng 720,000 academic semesters. Ang ZOO115 (Histology) ang isa sa pinakamahal na lab manual ng UPLB; ang isa nito ay nagkakahalagang PHP1,300.

…pag-imprenta at magpamahagi ng 296 milyong kopya ng mga librong pambata. Bawat klase ng DEVC144 ay kadalasang may apat na grupo, at bawat isa ay gumagawa ng librong nagkakahalaga ng Php400 kada kopya.