Ulat ni Marco Rapsing
“Totally hindi ko nalaman kung kanino nanggaling kasi sa mga dating applications, ang hirap na hanapin if weeks or months ba ako na-infect before lumabas. Nag-seek na lang ako ng treatment rather than finding out kung saan ko nakuha.”
Si *Alex ay isa lamang sa maraming kabataang gumagamit ng dating apps na nauso sa kasalukuyang panahon. Kaakibat ng mga suliranin sa pag-aaral at adhikaing makatapos sa kolehiyo, isa pa sa mga kinaharap niya noong nakaraang taon ang pagkakaroon ng syphilis, isang Sexually Transmitted Disease (STD). Ito ay maaaring makuha ng kahit sinong aktibong nakikipagtalik kahit ano pa ang kanilang kasarian.
Aniya, ang paggamit ng dating apps ay isa sa pinakamabilis na paraan upang makahanap ng makakatalik sa isang gabi kapag kinakailangan niya ito.
“Minsan kasi stress talaga eh, lalo na kapag hell week or kapag need mo lang i-release ‘yung pressure na nararamdaman mo. For me, escape ko talaga ito, isang paraan para makapagpahinga kahit isang gabi. May mga times na trip lang din or nakasanayan na, kaya gagamit at gagamit ka ng app,” dagdag pa niya.
Sa nakalipas na sampung taon, nagkaroon ng pagtaas sa kaso mga STDs sa bansa. Bagaman nagkaroon ng paraan upang mapigilan ang pagkalat ng HIV sa pagtuklas ng antiretroviral therapy (ART) noong 1996, hindi rito nagtatapos ang laban.
Payo pa rin ng mga eksperto: palaging mag-ingat, gumamit ng barrier contraceptives, huwag magpakampante, at iwasang makipagtalik sa taong hindi alam ang kanilang sexual health status. Dagdag pa rito, sa dami ng mga gamot at contraceptives, condom pa rin ang pangunahing inirerekomenda nila. Hindi lamang ito proteksyon laban sa HIV, kundi pati na rin sa iba’t ibang uri ng STDs.
Paano nakukuha ang STD
Ang isang STD ay nagmumula sa bacteria, virus, o parasite na maaaring makuha sa pakikipagtalik—vaginal (sa puwerta), anal (sa puwet), o oral (sa bibig)—sa isang taong hindi gumagamit ng condom o anumang uri ng contraceptive na kasalukuyang may dalang impeksiyon.
Maaaring maipasa ang STD sa paggamit ng kontaminadong karayom, o mula sa ina papunta sa sanggol habang ipinagbubuntis. Dugo at semilya ang pangunahing paraan ng paghawa para sa karamihan ng impeksiyong ito.
Gaya ng HIV, prominente rin sa bansa ang mga STD tulad ng syphilis, gonorrhea, hepatitis B, human papillomavirus (HPV), genital warts, genital herpes, chlamydia, at acquired immunodeficiency syndrome (AIDS).
Sa ngayon, tanging syphilis, gonorrhea, at chlamydia pa lamang ang may lunas. Samantalang ang mga sakit na HIV, AIDS, HPV, hepatitis B, at genital warts at herpes—na pawang dulot ng virus—ay walang bakuna at dinadaan lamang sa treatment upang makontrol.
Lagay ng STD sa CALABARZON
Isa lamang si Alex sa higit 1,500 kaso ng STD sa CALABARZON mula Enero hanggang Hunyo 2024. Hindi pa rito kasama ang mga kaso ng HIV, na sa estima ng Philippine Information Agency (PIA) ay nasa lagpas 22,000 noong Setyembre 2024.

Graph ng dami ng kaso ng pinagsamang kaso ng mga STDs (Gonorrhea, Syphillis at Hepatitis B) sa mga probinsya ng CALABARZON at dami ng kaso ng magkakahiwalay na STD sa buong rehiyon mula Enero hanggang Hunyo taong 2024.
Ayon sa datos ng DOH–CALABARZON, pumapangalawa ang Laguna sa may pinakamaraming STD cases sa rehiyon, sunod sa Cavite sa buwan ng Enero hanggang Hunyo 2024.
Nakaaalarma rin ang median age: 22 para sa gonorrhea, 27 para sa syphilis, at 35 para sa hepatitis B. Mas madalas ding tamaan ang mga lalaki kaysa babae.
Lagay ng STD sa bansa
Ayon sa adviser ng Joint United Nations Programme on HIV/AIDS (UNAIDS) na si Dr. Van Philip Baton noong 2023, dapat nang bigyan ng agarang aksyon ang lumalalang kaso ng HIV sa bansa dahil nagiging epidemya na ito. Posibleng umabot sa 400,000 cases ang bilang sa mga susunod na taon dulot ng online dating, mahinang sex education, at stigma sa reproductive health.
Isang pag-aaral noong 2023 ang nagpakitang posibleng tumaas ang kaso ng HIV at AIDS sa mga kalalakihan na nakikipagtalik sa kapwa lalaki dahil sa pagdami ng gay bars, access sa pornographic materials, social media, pre-marital sex, at mababang condom use.

Graph mula sa pag-aaral ni Ronhick E. Sanchez na Forecasting the Epidemic Trend of MSM Cases in the Philippines Using Symbolic Regression Analysis noong 2023.
Gayunpaman, ayon sa pag-aaral sa UP Manila noong 2009, malaki ang datos dahil mas madalas sumailalim sa testing ang mga kalalakihan. Ayon sa isang pag-aaral noong 2021, dumarami rin ang kababaihang nagpapatest, ngunit mababa pa rin kumpara sa mga lalaki.
STD sa younger population
Isa pang mabigat na problema ang pagkahawa ng HIV sa mga kabataang edad 15, na nahihirapang makakuha ng ART dahil kailangan ng parental consent. Ayon kay dating DOH Secretary Teodoro Herbosa, bumabalik ang ilan sa edad 18 na may mas malalang AIDS at hindi na kayang gamutin ng available na gamot.
Tulad ng kaso ni Alex, na ngayon ay 21 taong gulang, nagdudulot ito ng panganib sa iba pang kabataan.
Suliranin sa STD testing
Nagbahagi ng ilang kabatiran si Dr. Ailah Salvaña-Jalotjot, Infectious Disease Specialist ng UPLB University Health Service (UHS) ukol sa sitwasyon ng mga kaso ng STD sa mga kabataan. Aniya, mahirap makumpirma ang kaso ng STD sa UPLB dahil sa mababang testing turnout. Madalas ay umaabot na sa expiration ang HIV testing kits ng ospital dahil mas pinipili ng mga estudyante ang UPLB Gender Center sa lower campus na may self-administered kits.
Binigyang-diin niya na ang edad 15–34—ang tinuturing na younger population—ang pinakalantad sa panganib.
Dagdag pa niya na maraming praktikal na balakid ang mga kabataan.
“Limited ang funds ng mga bata, kaya mababa ang access nila sa healthcare… pati sa pagbili ng prevention measures tulad ng condom, vaccinations, at gamot,” aniya. Kaya mahalaga ang tungkulin ng community hubs na libreng namamahagi ng mga kagamitang nabanggit niya.
Bagaman libreng ang HIV testing , counseling at PrEP, sa mga kwalipikatod dito, wala nang libreng testing para saibang STDs. Maging ang antibiotics para rito ay maaaring aabot sa libo.
Dagdag pa niya, ang frontal cortex, ang bahagi ng utak na responsable sa paghusga at pagkontrol ng impulses ay hindi pa lubusang developed sa kabataan, kaya sila mas vulnerable sa “curiosity” at risky decisions.
“Majority ng patients ay pumupunta para magpagamot, hindi para magpatest,” sabi niya.
Alamin ang STD status
Sa Laguna, may libreng HIV testing kits sa Rural Health Units. Mayroon ding inisyatibo tulad ng LB Gayla Night, na naghandog ng SOGIE at HIV Awareness Campaign.
May mga organisasyong tumutulong tulad ng LoveYourself, at may abordable testing at treatment sa SAIL Clinic sa Calamba.
Sa UPLB, may self-administered HIV kits, condoms, at lubricants ang UPLB Gender Center, habang may kaparehong serbisyo ang UPLB University Health Service (UHS).
Paano maging ligtas sa STD
Para kay Dr. Jalotjot, mahalaga ang regular HIV screening, lalo na sa sexually active youth.
Mahalaga ang pagpapatest pagkalipas ng anim na linggo mula sa unprotected sex, at ulit sa tatlo at anim na buwan.
Dagdag pa niya, kung hindi kaya ang abstinence, gumamit ng condom, na 90% effective laban sa STD.
Para sa People Living with HIV (PLHIV), may libreng ART sa mga DOH-designated HIV Hubs sa Batangas, Laguna, Quezon, Biñan, Trece Martires, at Calamba.
Ang laban ng STD prevention sa hinaharap
Para kay Alex, mahalaga ang pag-prioritize ng sariling sexual health at hygiene.
“Hindi kasi madaling magkaroon ng STD. Grabe ang epekto sa mental health ko that time, and also ‘yung cost ng treatment halos pumatay sa akin no’n. People should be wary of their actions lalo na kung makaaapekto sila sa ibang tao,” aniya.
Bagaman malayo na ang narating ng sektor ng kalusugan, marami pa ring nawawalan ng access sa sexual health services.
Mas malawak na sex education, libreng testing, at suporta para sa low-income youth ang ilan sa nakikitang solusyon upang hindi pa lumaki ang bilang ng mga STD-positive sa bansa.
Bagaman ang HIV ay hindi na terminal illness dahil sa ART, may mga STD pa ring walang bakuna. Ang payo ng eksperto at ni Alex: panatilihing maingat, responsable, at mag-practice ng safe sex.
*Alias
References:
Dev-Site. (2025, March 8). 7 most common sexually transmitted infections in the Philippines. Makati Medical Center. https://www.makatimed.net.ph/blogs/7-most-common-sexually-transmitted-infections-in-the-philippines/
Domingo, K. (2024, November 20). HIV cases in PH may hit 500,000 in 6 years: DOH | ABS-CBN News. ABS-CBN. https://www.abs-cbn.com/news/2024/3/23/hiv-cases-in-ph-may-hit-500-000-in-6-years-doh-1228
El-Baba, R. M., & Schury, M. P. (2023, May 29). Neuroanatomy, frontal cortex. StatPearls – NCBI Bookshelf. https://www.ncbi.nlm.nih.gov/books/NBK554483/#:~:text=%5B2%5D%20Particular%20regions%20of%20the,creativity%2C%20and%20maintaining%20social%20appropriateness.
Gutierrez, P. (2024, October 26). Philippines recording 55 new HIV cases per day: DOH chief | ABS-CBN News. ABS-CBN. https://www.abs-cbn.com/news/2024/5/22/philippines-recording-55-new-hiv-cases-per-day-doh-chief-1542
Hernandez, L. & Imperial E. (2009). Men-who-have-Sex-with-other-Males (MSM) in the
Philippines – Identities, Sexualities and Social Mobilities: A Formative Assessment of HIV and AIDS Vulnerabilities. University of the Philippines Manila. https://actamedicaphilippina.upm.edu.ph/index.php/acta/article/view/5077/3148
Lucille Sodipe, Agence France-Presse. (2024, October 27). Poor education, stigma fuel Philippines’ soaring HIV infections | ABS-CBN News. ABS-CBN. https://www.abs-cbn.com/news/11/30/23/poor-education-stigma-fuel-philippines-soaring-hiv-infections
Odong, C. (2025). DOH heightens efforts to curb HIV cases in Calabarzon. Philippine Information Agency. https://pia.gov.ph/doh-heightens-efforts-to-curb-hiv-cases-in-calabarzon/
Pepito, V. C. F., & Newton, S. (2021). Correction: Determinants of HIV testing among Filipino women: Results from the 2013 Philippine National Demographic and Health Survey. PLoS ONE, 16(1), e0246013. https://doi.org/10.1371/journal.pone.0246013
Sanchez, R. (2023). Forecasting the Epidemic Trend of MSM Cases in the Philippines Using Symbolic Regression Analysis. Cognizance Journal of Multidisciplinary Studies, Vol.3, Issue.11. https://www.researchgate.net/profile/Ronhick-Sanchez-2/publication/375959613_Forecasting_the_Epidemic_Trend_of_MSM_Cases_in_the_Philippines_Using_Symbolic_Regression_Analysis/links/65654894ce88b87031199f8a/Forecasting-the-Epidemic-Trend-of-MSM-Cases-in-the-Philippines-Using-Symbolic-Regression-Analysis.pdf?__cf_chl_tk=_IImkfTyd03PPIwkdxtEClbhjjdHJH1Xg0OrvWORsZU-1735309581-1.0.1.1-EwixKvJ7N44SeUEpRewTzkjvLTFEr_EfRdTFg.5j6Ss
Sexually transmitted diseases (STDs) – Symptoms and causes. (n.d.). Mayo Clinic. https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/sexually-transmitted-diseases-stds/symptoms-causes/syc-20351240#:~:text=Sexually%20transmitted%20diseases%20(STDs)%20are,vaginal%20and%20other%20bodily%20fluids.
