Ang sabi-sabi: Epektibong pampaputi ng balat ang kojic acid.
Marka: Totoo
Ang kojic acid, na kalimitang sangkap sa paggawa ng mga sabong pampaputi, ay napatunayang nakakatulong sa pagpapaputi at pagpapantay ng kulay ng balat sa pamamagitan ng pagpigil sa produksyon ng melanin. Gayunpaman, kailangan ng tamang paggamit at pag-iingat, dahil maaari rin itong magdulot ng iritasyon sa balat kung sobra ang paggamit at konsentrasyon.
Karaniwan nang paniniwala na ang paggamit ng mga whitening product na may kojic acid ay mabisang paraan sa pagpapaputi ng balat.
Pinatunayan ng mga pag-aaral mula sa Biomedicine & Pharmacotherapy Journal at Cosmetics Journal na ang kojic acid, na nagmula sa fungi at by-product ng fermentation ng sake at soy, ay epektibong tyrosinase inhibitor. Ibig sabihin, pinipigilan nito ang enzyme na responsable sa paggawa ng melanin — ang pigment na sanhi ng dark spots, pekas, at uneven skin tone.
Ayon sa Healthline, bukod sa skin-lightening effect, mayroon din itong anti-microbial, anti-fungal, at anti-aging properties dahil sa kakayahan nitong labanan ang mga free radicals sa balat na nakasisira ng skin cells at nakapagpapabilis ng pagtanda ng balat.
Base rin sa laboratory studies mula sa Exeprimental Dermatology Journal, nagpapakita rin ito ng potensyal na panlaban sa ilang uri ng skin cancer gaya ng makamandag na melanoma. Ngunit, kailangan pa ng mas malalim na pananaliksik para makumpirma ang mga epekto nito sa tao.
Gayunpaman, hindi agad-agad ang epekto ng kojic acid. Ayon sa isang dermatologist mula sa Koji White, karaniwang nakikita ang pagbabago sa loob ng apat hanggang walong linggo ng tuloy-tuloy na paggamit.
Mahalaga ring siguraduhin na 1% lamang ang konsentrasyon nito lalo na sa mga leave-on skincare product, dahil ang sobra o madalas na paggamit ay maaaring magdulot ng pamumula, pangangati, o contact dermatitis.
Nagpaalala rin ang American Academy of Dermatology na sabayan ito ng araw-araw na paggamit ng sunscreen (SPF 30 o mas mataas) upang maprotektahan ang balat laban sa UV rays na isa rin sa mga sanhi ng labis na melanin production.
Ang sabi-sabing ito ay natalakay na rin ng ibang fact-checks kagaya ng mga sumusunod:
- Allure: Kojic Acid Is Trending, But Many People Are Using It Incorrectly
- KojiWhite: Why Do Some Users Find Kojic Acid Ineffective for Brightening Their Skin?
– Nicole Angela B. Anacay | LB Times
Mga Sanggunian:
Abelman, D. (2024, October 3). How Kojic Acid Clears hyperpigmentation on Skin—Expert Tips. Allure. https://www.allure.com/story/kojic-acid-skin-care-ingredient-benefits
American Academy of Dermatology Association. (n.d.). Sun protection. https://www.aad.org/public/everyday-care/sun-protection
Gotter, A. (2023, May 17). Kojic acid. Healthline. https://www.healthline.com/health/kojic-acid
Kiatithitinan, R. (2024, October 31). Why do some users find kojic acid ineffective for brightening their skin? Koji White. https://www.kojiwhite.com/blogs/news/why-do-some-users-find-kojic-acid-ineffective-for-brightening-their-skin#:~:text=Kojic%20acid%20needs%20consistent%20use,penetrates%20properly%20to%20deliver%20results.
Phasha, V., Senabe, J., Ndzotoyi, P., Okole, B., Fouche, G., & Chuturgoon, A. (2022). Review on the Use of Kojic Acid—A Skin-Lightening Ingredient. Cosmetics, 9(3), 64. https://doi.org/10.3390/cosmetics9030064
Saeedi, M., Eslamifar, M., & Khezri, K. (2018). Kojic acid applications in cosmetic and pharmaceutical preparations. Biomedicine & Pharmacotherapy, 110, 582–593. https://doi.org/10.1016/j.biopha.2018.12.006
Zilles, J. C., Santos, F. L. D., Kulkamp‐Guerreiro, I. C., & Contri, R. V. (2022). Biological activities and safety data of kojic acid and its derivatives: A review. Experimental Dermatology, 31(10), 1500–1521. https://doi.org/10.1111/exd.14662
PAUNAWA: Ang layunin ng fact-check na ito ay magbigay ng impormasyon at hindi ito dapat ituring bilang medikal na payo o kapalit ng propesyonal na pagsusuri. Para sa wastong diagnosis at paggamot ng anumang karamdaman, kumunsulta sa isang doktor o lisensyadong propesyonal sa kalusugan. Dagdag dito, ang mga ebidensyang nabanggit sa fact-check na ito ay base sa mga kasalukuyang datos nang ito ay mailathala. Maaaring mag-iba ang mga ito kapag may panibagong mga ebidensyang lumabas sa hinaharap.
May nakita ka bang kahina-hinalang sabi-sabi sa social media tungkol sa kalusugan na nais mong mabigyang-linaw? Ipadala ang screenshot o link ng naturang post sa [email protected] o sa opisyal na Facebook page ng LB Times.
