Isinulat ni John Carey V. Nasayao
“Buhay na Dunong: Pagkatuto Kasama ang mga Katutubo”. Ito ang ang tema ng National Indigenous Peoples Month ngayong 2019 na ipinagdiriwang tuwing Oktubre taon-taon. Ginugunita natin rito ang kultura at kasaysayan ng ating mga kababayang katutubo at ang kanilang husay at dunong.
Sa kasalukuyan ay walang eksaktong numero o bilang ng populasyon ang indigenous peoples dito sa Pilipinas. Pero kung tatantyahin, ito ay may humigit isang daang grupo.
Nagbabago din ang nagiging tingin ng mga katutubo sa sarili nilang pagkakakilanlan na nakakaapekto sa kabuuang bilang ng populasyon.
Kaya naman isang organisasyong nakabase sa UP Diliman ang tumutulong sa pagpapatibay sa pagkakakilanlan ng lupaing ninuno at ang pag-aaral tungkol sa kanilang kultura. Ito ay ang Anthropology Watch (AnthroWatch).
Ang AnthroWatch ay nakaugat sa akademikong disiplina ng antropolohiya. Ang organisasyon ay tumutulong sa adbokasiya ng mga polisiya lalo sa usapin ng lupaing ninuno, kalikasan, at karapatan ng mga kababaihang katutubo.
Sa Season 24, Episode 7 ng Dito Sa Laguna, ipinaliwanag ni Ms. Miks Guia – Padilla, founding member at executive director ng AnthroWatch na opisyal na pagkilala sa mga katutubo ang National Indigenous Peoples’ Month.
Ito ay nagmula sa proclamation 1906 na itinalaga ng dating presidente na si Gloria Macapagal-Arroyo.
May mga programa na inilatag dito kabilang na ang National Commission for Culture and the Arts (NCCA) na nagbibigay ng pagpapahalaga sa kultura. Mayroon ring mga iba’t ibang grupo tulad ng opisina ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) na may kanya-kanyang pamamaraan sa pagharap ng isyu sa kanilang lugar na nakapaloob pa din sa mga problema ng mga katutubo sa kasalukuyan.
Ayon kay Ms. Padilla, ang mga kalimitang pinagdadaanang problema ng mga katutubong Pilipino ay ang pangkalahatang panawagan ng pagrespeto sa kanilang karapatan sa sariling pagpapasya. Isa na rito ang hindi pagkilala sa kanilang pagmamay-ari ng mga lupaing ninuno.
Nahiwalay sila sa pagbabago kaya malaking problema para sa kanila ang pangunahing serbisyo tulad ng edukasyon at kalusugan.
Ang isa pa nilang isyu ay ang diskriminasyon, sila ay tinatrato nang di pantay at sinasabihan ng masasakit na salita.
Lahat ng pag aalaga at pamamaraan ng mga katutubo ay batay sa sariling dunong at husay.
Binigyang diin ni Ms. Padilla na napakahalaga ang mga katutubong mamamayan dahil dagdag sila sa kayamanan ng ating kultura at pangangalaga sa ating mga kalikasang natitira.
Hindi man tayo direktang makatulong sa pag laban sa karapatan ng mga katutubo, ang simpleng pag-iwas sa diskriminasyon at pag-intindi sa ibang kultura ng bawat grupo ay malaking bagay na.