Isinulat ni Ma. Shane A. Ramos
Kilala ang lalawigan ng Laguna dahil sa taglay na mga likas na yaman nito. Sa bayan ng Los Baños pa lamang, na binansagang “Science and Nature City” ng Laguna, ay matatagpuan ang Mt. Makiling na nagsisilbing sentro ng biodiversity at kung saan rin may matatagpuang mga watershed.
Malaking bahagi rin ng lalawigan ang anyong tubig lalo na’t dito matatagpuan ang Laguna de Bay, ang pinakamalaking lawa sa buong Pilipinas. Napapalibutan rin ang lalawigan ng iba’t-ibang watershed. Kaya naman importanteng mapangalagaan ang likas na yaman na ito na malaki ang gampanin upang mapanatili ang biodiversity sa lalawigan.
Isa sa mga programa ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ukol dito ay ang Recognizing Individuals/Institutions towards Vibrant and Enhanced Rivers o ‘RIVERs’ for Life program.
Nakapanayam ng Dito Sa Laguna sa Season 24, Episode 9 episode nito noong 14 November 2019 si Ayon For. Melvin L. Lalican, isa sa mga focal person ng RIVERs for Life Program ng Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO) ng Laguna. Ayon sa kanya ay merong labing apat na major tributary o mga ilog ang Laguna. Layon ng RIVERs for Life Program na maprotektahan ang ang mga ito, pati na rin ang mga kagubatan at wildlife na nakapalibot sa mga ito.
Ilan din sa ipinatutupad ng programang ito ang panghihiyakayat sa mga mamamayan na maghiwalay ng basura o waste segregation. Ayon sa PENRO, lumabas sa isa nilang pag-aaral na na mataas ang coliform o ung mga dumi na nanggagaling sa mga kabahayan at industriya kaya naman laging nagpapaalala ang PENRO na mas magkaroon ng disiplina sa pagtatapon ng mga basura. Ayon naman kay For. Rikka Nadine Bayot, isa pang focal person ng RIVERs for Life Program mula sa City Environment and Natural Resources Office ng Sta. Cruz, meron ding mga batas na naglalayong maprotektahan ang ating likas na yaman, katulad ng Clean Water Act at Ecological Solid Waste Management Act. Mandato ng PENRO na ipatupad ang mga ito sa mga LGU.
Kamakailan lamang ay nagsagawa ng paglilinis ng tubig sa San Cristobal River sa lungsod Calamba ang PENRO. Aminado ang ahensya na nahirapan itong pangasiwaan ang lungsod dahil sa patuloy na pagiging industriyalisado nito nito at dahil na rin sa pagtaas ng populasyon nito. Sinumulan nila ang cleaning operation noong nakaraang taon at hanggang ngayon ay kailangan pa rin nila itong gawin.
Samantala, ang CENRO ng Sta. Cruz ay nagsagawa rin ng paglilinis ng Sta. Cruz River, na isa sa mga pangunahing tributaries ng Laguna de Bay. Isa rin pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan ng mga mamamayan doon ang ilog na ito. Ngunit patuloy pa rin ang pagtatapon ng basura ng mga residente doon sa nasabing ilog na kinadidismaya ng CENRO.
Ilan lamang ito sa mga problemang kinakaharap ng ahensya para sa pagpapanatili ng kaayusan sa mga anyong tubig na ayon sa kanila ay kailangang bigyan ng malaking pansin. Giit pa nila ay hindi ito magiging madali kung walang kooperasyon ng komunidad. Kaya naman hinihikayat ng PENRO ang tulong ng mga LGU at ng komunidad para sa tagumpay ng RIVERs for Life Program.
Kaya hinihikayat ng PENRO na magkaisa ang komunidad upang maprotektahan ang mga anyong tubig ng Laguna at matutunan ang disiplina sa tamang pagtatapon at paghihiwalay ng basura. Ito ay hindi lamang para maiwasan ang sakit, kundi para maprotektahan ang kapaligiran.