Inobasyon tungo sa pagbabago, DOST Hybrid Electric Train tampok sa Brgy. San Antonio

Ulat ni Eugene Cruzin

Unang pag-arangkada ng Hybrid Electric Train (HET) ng DOST na nagsimula sa Alabang, Muntinlupa hanggang Biñan, Laguna, kasabay nito ang ilang commuters na sumailalim sa validation run ng nasabing HET. Kuha ni Eric Reyes Ilardo

Sa patuloy na pagyabong ng siyensya ay siya ring patuloy na pag-usbong ng makabagong teknolohiya. Kabilang rito ang mga transportasyong naka-angkla hindi sa tradisyunal na gasolina kundi sa enerhiya. 

Inilunsad ng Department of Science and Technology – Metals Industry Research and Development Center (DOST-MIRDC) ang Hybrid Electric Road Train (HET) noong taong 2015 hanggang ngayong taon 2023, na nakasentro sa kanilang adbokasiyang sustainable development in providing innovative solusyon sa buong bansa.

Ang nasabing Hybrid Electric Train ng DOST ay may habang 40 metro, na may lima hanggang apat na bagon at may bilis na 50 kilometro kada oras. Ito ay pinapatakbo sa pamamagitan ng hybrid diesel fuel at electric powered battery na siyang pangunahing kailangan ng mga electric vehicles. Dagdag pa rito, ang nasabing HET ay mayroong sariling pinagmumulan ng kuryente na hindi nangangailangan ng enerhiya mula sa kable upang gumana. 

Sa kabilang banda, ikinasa rin ito sa iba’t ibang bahagi ng bansa kabilang rito ang Maynila at Brgy. San Antonio, Los Baños, Laguna na patuloy na tinitingnan ang kalidad nito upang magamit bilang transportasyon.

Ayon naman sa ilang residente ng San Antonio, hindi pa lubos ginagamit ang nasabing hybrid electric train, dahil kasalukuyan pa rin itong nasa pilot testing upang tukuyin kung sapat ba itong maging opisyal na transportasyon ng mga residente sa Los Baños. 

“Lagi kong nakikita ‘yung kulay blue na tren, sa DOST ‘yon, dito sa riles. Pero niroroad test pa lang naman ‘iyon at hindi pa naman ginagamit sa pagbyahe, dahil mukhang ‘di pa rin kakayanin kung balik-balik mula Calamba terminal ng tren hanggang d’yan sa IRRI,” ani Ruel Ogalin, Presidente ng Samahang Santo. 

Dagdag pa niya, kung susuriin ang kalidad ng HET ay maaari itong maging alternatibong pampublikong transportasyon ng mga residente mula sa Calamba hanggang Los Baños, upang makaiwas sa trapiko. Ngunit kailangan pa rin umano ng mahabang pagsusuri sa kalidad nito. 

Sa kabilang dako, may ilang mga residente na patuloy na sumusuporta sa nasabing Hybrid Electric Train, isa na rito si Julie Anne Larona na residente ng Brgy. San Antonio, aniya, “Maganda for me ‘yung electric na tren, kasi hindi maingay kapag nadaan, hindi katulad nung iba na tren na nakakabulahaw kapag dumadaan dito sa may riles. Kumbaga kapag nakasakay ka parang nakakarelax siya kasi tahimik.” 

Isinagawa ang unang trial run ng Hybrid Electric Train (HET) ng DOST sa Calamba hanggang IRRI noong March 21, 2023, ito rin ang unang pagkakataon na nakarating ng HET sa Los Baños. Kuha mula sa PA Porter Facebook Page

Naka-angklang Pagbabago 

Bagaman marami ang mga sumusuporta sa HET, nangangamba pa rin ang ilang mga resident tungkol sa presyo ng pamasahe sa ganitong uri ng tren. Isa na rito si Lawrence L. Perez, 29, na patuloy pa ring tinututukan ang maaaring maging presyo ng pamasahe sa mga elektronikong tren. 

Aniya, “ Depende kasi minsan sa klase ng tren ‘yung sasakyan mo, kapag ‘yung regular tren ‘yung may kable sa taas mas mura mga 30 pesos to 50 pesos lang. Eh kapag sa ganiyang mga electric, mukhang 120 pamasahe d’yan, lalo kapag sa route ng PNR from Manila-Calamba at Manila-Biñan.”

Kung susuriin ang minimum fare na pamasahe na ibinigay ng Philippine National Railways, (PNR) Php 15.00 sa unang 15 kilometro may dagdag na Php 5.00 sa bawat zone travelled. Sa katunayan, ang presyo ng pamashe mula Manila-Alabang ay Php 30.00 at Manila-Calamba naman ay Php 60.00, ito ay base sa tala ng PNR noon pang 2017 na epektibo pa rin hanggang kasalukuyan. 

Ayon kay DOST Secretary Fortunato dela Peña, may kakayahang bumaba ang presyo ng HET, dahil ang mga materyales nito ay manggaling din sa Pilipinas at gawang Pinoy.

Giit pa ni dela Peña, patuloy pa nilang pinagtitiibay ang kalidad ng nasabing Hybrid Electric Train na maging opisyal na transportasyon sa Pilipinas. Kung kaya, patuloy din nilang ginagawa ang Automated Gateway Transit na may mababang gastos sa produksyon kaysa sa mga imported LRT at MRT counterparts

Wala pang inilalabas na pinal na presyo ng pamasahe ang PNR patungkol sa mga Hybrid Electric Trains kung ito ay gagamitin bilang transportasyon, dahil kasalukuyan pa rin umano itong nasa ilalim ng pagsusuri at pilot testing

Mapagpalayang Kultura 

Sa kabilang dako, kilala ang Los Baños sa mayabong nitong sining at kultura, kaya naman hindi na bago sa Bayan na ito na dayuhin ng maraming turista dahil sa taglay nitong ganda. 

Tinagurian din ito bilang “the city where science embraces nature” dahil sa patuloy nitong pagpapayabong sa likas na yaman. Nariyan rin ang ilang mga sikat na tourists sites sa Los Baños, kabilang ang Mt. Makiling, Makiling Botanical Garden, at UPLB Museum of Natural History.

Bunsod ng lumalawak na turismo ng Los Baños ay nariyan din ang patuloy na pagtaas ng bilang ng transportasyong nakikita natin hanggang sa kasaluyan. Sa katunayan, kilala ang Los Baños sa pagkakaroon nito ng mga istasyon ng tren na naging pangunahing daan mula Maynila hanggang Laguna na konektado rin sa Bicol express.

Bagama’t ang karaniwang pumapasada sa Los Banos ay mga jeepney at bus, hindi pa rin maaalis sa kanilang kultura ang pagsakay sa tren. Ayon kay Rodel Diaz, 32, residente ng San Antonio, hindi maipagkakaila ang madalas na trapiko sa Los Baños dahil sa pagtaas ng bilang ng mga pampubliko at pribadong sasakyan. 

Aniya, “Palala nang palala ang trapik dito sa Los Baños lalo na kapag mga 9am-12pm, nako maiinip ka dyan lalo na sa Junction. Pero kung gusto mo naman makaiwas ng traffic at kung Calamba lang din naman ang punta mo, eh pwede ka namang sumakay ng tren. Kaso kailangan agahan mo, kasi ang punta ng tren sa IRRI ay alas syete ng umaga”.  

Kung susuriin ay pasok ang Hybrid Electric Train ng DOST sa ganitong sistema ng transportasyon sa Los Baños, hindi lamang para makaiwas sa trapiko, kundi maging sa turismo ng nasabing bayan. 

May ilan ding transportasyon ang Los Baños na patok sa mga turista, isa na rito ang trolley, isang uri ng sasakyan na gawa sa kahoy at may gulong na nakadisenyo sa riles ng tren. Ang trolley na ito ay konektado sa dalalwang baranggay ng Los Baños, ito ay ang Baranggay ng San Antonio at Baranggay Mayondon. 

Pili-Pinas 

Sa kabilang banda, may ilan pa ring sinisumulan ang DOST na hybrid electric vehicles na nakasentro pa rin sa kanilang adbokasiya. Kabilang sa mga nasabing hybrid electric vehicles ang E-Trike, Hybrid Electric Road Train (HERT), CharM Electric Automobiles, at 23-Seater Electric Jeepney.

Mayroong mga konsiderasyon na dapat pa ring isaalang-alang bago tuluyang ibahagi ang Hybrid Electric Train na ito sa buong bansa, kabilang dito ang kakayanan ng PNR na gamitin ito bilang pangunaging transportasyon, pamasahe nito kapag ito ay tuluyan nang naging commercialize, at pagpili ng mga commuters na sumakay dito kumpara sa tradisyunal na tren. 

Hindi maipagkakaila na ang inobasyong ito ng DOST ay patuloy na hihimok sa ating mga Pilipino na tangkilikin ang sariling atin at suportahan ang adbokasiyang nakasentro sa pagpapayabong ng kalikasan at makabagong teknolohiya. Gayunpaman, ang inobasyong ito ay isa nang paunahang hakbang sa alternatibong transportasyon na maaaring magagamit ng mga Pilipino pagdating ng panahon.