Ulat nina France Anzaldo at Selena Patricia Campañer
Ayon sa datos na nakalap noong Hunyo 2022 mula sa Operation Timbang Plus, tumaas ang bilang ng mga batang overweight at obese sa munisipalidad magmula ang pandemya noong taong 2020 hanggang 2022. Ang Operation Timbang Plus ay isang programa ng Municipal Nutrition Action Office (MNAO) kung saan kinukuha ang taas, timbang, at mid upper arm circumference (MUAC) ng batang may edad lima pababa.
Ayon sa panayam kay Municipal Nutrition Action Officer Madeleine Alforja at sa naitalang datos mula sa kanilang programang Operation Timbang, tumaas ng 4% ang bilang ng mga batang overweight at obese noong 2022 mula sa bilang na 2.8% noong 2020. Isa umano sa mga sanhi nito ay ang pandemya, kung saan naging limitado ang paglabas ng mga bata.
“HIndi sila nakakapaglaro sa labas, more on food deliveries din, usually ang mga ipinapadeliver ay mga fast food, salty food, processed food. Nagllead sa overnutrition ang mga batang hindi nakakaaccess ng more nutritious food kasi nga, limited ‘yung kanilang galaw. Nasa bahay lang sila, more on gadgets. Walang physical activity,” ani Alforja.
Bilang tugon, ipinagpapatuloy ng Pamahalaang Bayan ng Los Baños sa tulong ng MNAO ang mga programang nagsusulong ng wastong nutrisyon ng mga bata na nakaangkla sa Philippine Plan of Action for Nutrition.
Isa na rito ang ongoing Dietary Supplementation Program sa pamamagitan ng Nutribaños Project. Sakop ng programang ito ang pagpapatayo ng municipal bakery na pinagmumulan ng Nutribaños, isang uri ng tinapay na masustansya at siksik sa calorie. Ito ay ipinamimigay sa mga beneficiaries ng programa upang makatulong sa pagtugon sa kanilang kakulangan sa nutrisyon.
Dagdag pa rito, nakikipagtulungan rin sila sa Bureau of Plant Industry sa pamamahagi ng mga pananim na gulay para sa bawat barangay sa Los Baños. Ito ay isinasagawa upang sa panahon ng emergencies, mayroong mga mga aksesibleng gulay na pwede nilang kainin. Ngunit sa kasalukuyan, binigyang diin ni Alforja na ang mga nangangailangan na lamang ng mga masusustansyang pagkain ang nagiging benepisyaryo nito, lalo na ang mga batang nakakaranas ng malnutrisyon.
Sinisiguro rin ng MNAO na nabibigyan ng pangunahing atensyon ang mga batang nakakaranas ng severe and acute malnutrition, kung sakaling may maitala ang opisina. Sa oras na mayroong matukoy ang mga Barangay Nutrition Scholars (BNS) na kaso ng nasabing nutritional status, agad silang pinaglalaanan ng interventions sa pamamagitan ng mga healthcare centers.
Maliban sa mga nabanggit, mayroon ding mga inihahandang preparasyon para sa gaganaping Nutrition Month sa buwan ng Hulyo na nakaangkla sa temang “Healthy diet: Gawing affordable for all”. Magkakaroon ng Nutricook Fest ang bawat barangay ng Los Baños kung saan ay iisip sila ng isang recipe na mura ngunit masustansya. Mayroon ding gaganapin na Jingle Contest para sa mga mag-aaral upang maisulong ang healthy diet. Para naman sa iba pang residente, maging mga public institutions at government agencies, magkakaroon ng Motorcade na pwede nilang salihan na siya ring naglalayon na bigyang focus ang kahalagahan ng nutrisyon.
Bilang pagtatapos, binigyang-diin ni Alforja ang kahalagahan ng breastfeeding at proper complementary feeding. Pinaalalahanan niya rin ang mga magulang na hikayatin ang kanilang mga anak na mag-ehersisyo o magsagawa ng mga physical activity bilang tugon sa overnutrition.
Paalala rin ni Alforja sa mga magulang na hingkayatin na lumahok sa physical activities ang kanilang mga anak. Ito ay makakatulong para makamit ang normal nutrition status ng mga bata.
Maaring pumunta sa Facebook page ng Municipal Nutrition Office ng Los Baños para sa mga detalye ng kanilang programa. Mayroon rin silang Facebook group na maaring salihan kung saan miyembro rin ang mga opisyal ng opisina pati na ang mga Barangay Nutrition Scholars.