Ulat at mga litrato nina Leanshey Castillo at Maurice Paner
Ipinagdiwang ng bayan ng Los Baños ang 49th Nutrition Month noong Hulyo 25, 2023 sa pangunguna ng Municipal Nutrition Office (MNO). Ang tema ngayong taon ay Healthy Diet Gawing Affordable for All.
Sa pangunguna ni Municipal Nutrition Action Officer Madeleine M. Alforja, RND, ang MNO ay nagsagawa ng iba’t ibang mga aktibidad, katulad ng Nutri-Cookfest na bukas para sa lahat ng miyembro ng komunidad na binubuo ng 3 miyembro bawat grupo mula sa 14 na barangay ng Los Baños, at ng Nutri-Jingle naman para sa mga rehistradong solo parents ng Los Baños. Pinarangalan naman ang mga nanalo sa culminating activity ng programa.
Sa Nutri-Cookfest, ang pangunahing sangkap na ginamit ng mga kalahok ay kalabasa dahil ito ay nagtataglay ng Vitamin B6 na makakatulong upang bumaba ang pagkakaroon ng depression at anxiety.
Mula sa 11 barangay na lumahok, partikular na ang Anos, Batong Malake, Bayog, Lalakay, Maahas, Malinta, Mayondon, Tuntungin-Putho, San Antonio, Tadlac, at Timugan, tatlo lamang ang ginawaran.
Nagkamit ng ikatlong pwesto ang Barangay Tuntungin-Putho na may inihandang Squash Egg Drop Soup at Chicken Squash Lollipop. Nasungkit naman ng Barangay Lalakay ang ikalawang puwesto na may putaheng Kalabasa Croquettes With Creamy Kalabasa Sauce. Samantala, itinanghal na panalo ang Barangay Bayog na may hinandang Kalabasa Cordon Bleu, Spaghetti Kalabasa at Espesyal Kalabasa Blanca.
Ang mga barangay naman na hindi pinalad ay may consolation prize pa rin na P500.
Samantala, tatlong barangay naman ang lumahok sa Nutri-Jingle. Ang mga solo parents mula sa bawat barangay ay nagpamalas ng kanilang talento sa pagkanta na may kasamang pag indak at pagkakaisa. Ang tema ng kanta ay tungkol sa kahalagahan ng nutrisyon. Barangay Tuntungin-Putho ang nagkamit ng ikatlong pwesto na may premyong P5,000.
Nakamit naman ng Barangay Tadlac ang ikalawang pwesto na may premyong P7,000. Samantalang itinanghal na panalo at best in costume ang Barangay Mayondon. Sila ay nag uwi ng P10,000 bilang first place at dagdag na P1,000 bilang best in costume. Sa pagdiriwang na ito, naipamalas ang pagkakaisa at kamalayan ng bawat mamamayan upang mas lalong mapagtibay ang pagtataguyod sa kalusugan at nutrisyon.
Sa hapon din na iyon, isang culminating activity ang idinaos kung saan ginawaran ng parangal ang mga Top Barangay Nutrition Committee (BNC) at Outstanding Barangay Nutrition Scholar (BNS).
Narito ang mga pinarangalan:
Unang Pwesto – Brgy. San Antonio
Ikalawang Pwesto – Brgy. Tuntungin Putho
Ikatlong Puwesto – Brgy. Mayondon
Ika-apat na Pwesto – Brgy. Lalakay
Ika-limang Puwesto – Brgy. Bambang
Outstanding BNS (Barangay Nutrition Scholar):
Si Ela Genil ng Barangay San Antonio ang pinangaralan bilang Outstanding BNS. Binigyan siya ng parangal at pagkilala dahil sa kanyang natatanging pagtulong at serbisyo sa komunidad upang mapanatili ang magandang kalusugan ng mga residente ng Los Baños.
Nagtapos ang programa sa pagpapakitang gilas sa pagsayaw ng mga ‘Vegetable Mascots’ na talaga namang nagbigay aliw sa mga matanda at bata na nakiisa sa programa. Nagbigay din si Dr. Maria Cerezo- Nutiriton Consultant ng pangwakas na pananalita bilang pasasalamat sa mga taong dumalo sa pagdiriwang ng ika 49th Nutrition Month sa bayan ng Los Baños.