Ulat ni Leanshey D. Castillo
Bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-49th Nutrition Month na may temang Healthy Diet Gawing Affordable for All tinalakay ng Provincial Government of Laguna sa episode ng Leader Ka K! noong Hulyo 14, kasama ang Provincial Health Office, ang kanilang mga programa at pagsisikap na mapalaganap ang malusog na pamumuhay at pagkain sa lalawigan.
Bilang bahagi ng pagdiriwang, ibinida ni City Action Officer na si Aleli Jimenez ng Calamba City ang kanilang Nutristore, kung saan hinihikayat ang mga magsasaka na magbenta sa City Hall.
Kabilang dito ang pagpapatupad ng Executive Order 51 o Milk Code na may layuning itaguyod ang eksklusibong pagpapasuso ng mga ina sa kanilang mga sanggol at masiguro na ang mga sanggol ay makakatanggap ng tanging gatas mula sa kanilang mga ina sa unang anim na buwan ng kanilang buhay. Ito ay ipinatutupad sa paraan ng pag-kontrol sa marketing at distribusyon ng mga kapalit ng gatas ng ina tulad ng infant formula.
Bukod dito, nagsagawa rin sila ng mga aktibidad tulad ng pagbibigay ng vitamins, micronutrient supplementation, at iron supplements sa mga residente ng Laguna. Ito ay bahagi ng kanilang pagsisikap na tiyakin ang sapat at komprehensibong nutrisyon para sa lahat ng mga mamamayan, partikular na sa mga kabataan.
Ipinaliwanag din ni Prince Ian Gervis Malleta, Nutritionist-Dietician II ng Provincial Office of Laguna, ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mga masustansyang pagkain na madaling makuha sa mga komunidad.
Ayon sa kanya, ang tamang nutrisyon ay batay sa pangunahing pangangailangan ng katawan. Ito ay nagbibigay ng enerhiya at nagpapalakas sa mga miyembro ng lipunan upang maging aktibo at malusog, kaya’t mahalagang maintindihan ito ng bawat isa. Aniya, hindi lang dapat tuwing Nutrition Month maunawaan ng mga tao ang kahalagahan ng pagkakaroon ng madaling mapagkukunan ng masustansyang pagkain sa komunidad Nagiging aktibo ang mga miyembro ng lipunan kapag sila ay kumakain ng tama at sapat.
Bukod sa mga programa ng Provincial Health Office, ang Nutritionist Dietician Association of the Philippines (NDAP) Laguna Chapter ay mayroon ding mga programa sa komunidad na may kinalaman sa nutrisyon. Hinihikayat nila ang mga miyembro nila na magbahagi ng kanilang kaalaman at karanasan sa nutrisyon sa mga komunidad. Nakikipag-partner rin ang NDAP sa mga Local Government Units (LGU) upang matugunan ang mga programa sa nutrisyon, lalo na ngayong Nutrition Month.
Sa antas ng komunidad, isinasagawa rin ng PHO (Provincial Health Office) ang management ng acute malnutrition sa mga kabataan, kung saan kasama ang mga partners sa LGU, tulad ng mga Municipal Nutrition Action Officers at rural health physicians. Ginagawa ang mga ito upang makapunta sa mga tahanan ng mga batang malnourished at may pangangailangan sa nutrisyon. Ang layunin ay maabot ang mga ito kahit na gaano kalayo ang kanilang mga tahanan. Ginagawa rin ang mga talakayan sa komunidad upang makilahok ang mga tao at maibahagi ang kanilang mga kaalaman at karanasan sa pangkalahatang kalusugan.
Sa kabuuan, napakahalaga na magkaroon ng mga programa at aktibidad na naglalayong mapabuti ang nutrisyon at kalusugan nang lahat lalo na ng mga kabataan. Ang malusog na pamumuhay at nutrisyon ay may malaking epekto sa pangmatagalang kalusugan, kaya’t mahalagang simulan ito sa murang edad. Ang mga kabataan ay masasabing may malaking impluwensya at kakayahan sa komunidad, kaya’t mahalagang maging aktibo sila sa mga programang pangkalusugan. Sa tulong ng mga programang ipinatutupad ng Provincial Health Office ng Laguna, maaaring mabawasan ang malnutrisyon at mapalaganap ang tamang nutrisyon sa buong lalawigan.