TSUPERhero ng Tahanan, Hari ng Lansangan

Ulat nina: Coleen Andoy at Anna Nicole Francisco

Matulin ang takbo, lumilipad, at invisible—ilan sa mga kilalang superpower ng mga hero, ngunit para kay Eugene “Uge” Cruzin, anak ng isang jeepney driver, sapat na ang tatay niyang tsuper upang maipinta ang larawan ng kanyang superhero.

Ayon kay Uge,  21 taong gulang na mag-aaral mula sa Unibersidad ng Pilipinas Los Baños (UPLB), halos 25 taon nang jeepney driver ang tatay niyang si Ronald Cruzin na ngayon ay 49-taong gulang na. Pamamasada ang tanging sandigan ng kanyang tatay upang matugunan ang araw-araw na pangangailangan ng kanilang pamilya. Samantala, housewife naman ang kanyang nanay. Kuwento ni Uge, “‘yung ginagamit namin para sa baon ko, gastusin sa bahay, nakaangkla lang talaga doon sa pera na kinikita ng aking tatay sa pagmamaneho ng jeep.” 

Tahanan sa jeep

Saksi si Uge sa pakikibaka ng kanyang tatay sa terminal ng jeep. Tuwing Martes ng umaga, umaalis ito sa kanilang tahanan at pumipila sa terminal ng Calamba para mamasada. Dala ng pangamba na maagawan sa pila kinabukasan, mas pinipili ng tatay ni Uge ang pagpapalipas ng gabi sa terminal. 

“May time na ‘yung tatay ko, natutulog ng 1 week sa jeep to earn money. Sa terminal kasi, kailangan nila mag-stay roon nang sa ganoon, hindi sila maunahan ng susunod na jeep,” kuwento ni Uge.

Samakatuwid, halos tuwing katapusan ng linggo lamang nila nakapipiling ang kanilang tatay at nagmistulang pangalawang tahanan na rin ng tatay ni Uge ang jeep.

Kaya naman, superhero kung ituring ni Uge ang kanyang tatay dahil bagaman wala itong kakayahang tumakbo nang matulin, lumipad, o maging invisible, wala namang papantay sa kapangyarihan nitong maitawid ang kanilang gutom sa araw-araw gamit ang nag-iisang sandata — ang jeep. 

Baku-bako, liku-likong daan ng buhay

Tulad ng biyaheng hindi laging maganda ang daan, sinusuong din ng tatay ni Uge ang liku-liko at baku-bakong daan ng buhay dulot ng mga paghihirap at hamon na dinaranas nito bilang jeepney driver

“Hindi naman talaga ganun kalaki ‘yung kinikita ng ating mga jeepney drivers. Minsan Php 1,000 buong araw [ang kita ng aking tatay], kapag naman sobrang lakas ng byahe Php 1,500, pero kapag daw mahina, ‘yung mga walang estudyante, Php 800-900,” ani Uge.

Dahil nga hindi raw sapat ang kita ng kanyang tatay, bawat isa sa kanila ay may kani-kaniyang paraan sa pagtitipid, lalo na ngayong patuloy pa ang pagtaas ng presyo ng gasolina at mga bilihin. Kuwento ni Uge, kung noon ay sapat na ang 400 pesos sa pamamalengke, ngayon ay pumapatak na ng 600-700 pesos ang kinakailangan ng kanyang ina sa pamamalengke. Sa kabilang banda, tuwing may nagbabadyang pagtaas ng presyo ng gasolina, inuuna naman ng tatay ni Uge ang pag-full tank sa jeep para makatipid kahit papaano.

Aminado si Uge na dahil sa pagtitipid, madalas ay napagkakaitan siya ng pagkakataong makabili ng mga bagay na inaasam niya. Gayunpaman, nagsisilbi itong motibasyon para mas lalo siyang magpursigi sa kanyang pag-aaral. Kasabay nito, inaasahan niyang mapabilang sa listahan ng mga matagumpay na magsisipagtapos sa kursong BS Development Communication para sa taong ito. Bitbit ang pag-asa, pangarap ni Uge na ang baku-bako at liku-likong daan na tinatahak ng kanyang ama ay unti-unti nang maging patag at tuwid.


Ang naipapamanang kultura, hindi kailanman mawawala

Ibinahagi ni Uge na dating jeepney driver din ang kanyang lolo. Kwento niya, ito ang naging hanapbuhay ng kanyang lolo noong pinag-aaral pa nito ang kanyang tatay pero hindi kalaunan ay naibenta rin ang jeep. Matapos nito, humanap ng operator ang kanyang lolo at saka sinimulan ang pagba-boundary na ginagawa nito hanggang sa ngayon.

“So ang nangyari ay yung lolo at tatay ko ay pareho silang nagbaboundary, until now ay nagbaboundary [sila],” saad niya.

Hindi man direktang naipamana ang jeep sa tatay ni Uge, naniniwala siyang may impluwensya ang kanyang lolo sa mga trabahong tinahak ng kanyang tatay — mula sa pagiging fishpond driver, hollow blocks delivery driver, hanggang sa kasalukuyang trabaho nito bilang jeepney driver. Ito ay nagpapakita na ang jeepney ay malaking bahagi na ng kultura ng pamilya Cruzin, isang kultura na kailanman ay hindi na mawawala.

Sa kasalukuyan, si Uge ay sumasakay sa pampasadang jeep ng kanyang tatay sa mga pagkakataong ito ay kanyang naaabutan. Aniya, paraan din ito para siya ay makatipid at pagkakataong matuto at mas palalimin pa ang kaalaman sa kulturang pinagmulan ng kanyang pamilya


Palakasin ang busina

Ngayong humaharap sa malaking krisis ng transportasyon, kaisa si Uge sa panawagan para sa karapatan ng mga tsuper sa usapin ng modernisasyon ng mga pampublikong sasakyan.

I think ang tinitingnan din ng maraming jeepney drivers ay, they are also treating their jeepneys as parang anak, parang pamilya, kasi ito yung kasangga nila araw-araw… Kung magkakaroon ng Jeepney Modernization Program, paano sila? Paano tayo? Paano mabubuhay yung nakararami sa atin na umaasa sa biyaya ng jeep?”

Ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), ang isinusulong na Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ay tugon ng gobyerno sa mga lumalalang problema at pangangailangan na may kaugnayan sa transportasyon ng bansa. Pero para kay Uge, bagaman maganda ang motibo ng gobyerno na magkaroon ng programang pagpapabuti sa transportasyon, nararapat pa ring isaalang-alang ang mga taong maaapektuhan dito.

“…Maganda yung motive ng government to have efficient transportation, mas economically-wise, mas sustainable, pero kung titingnan lang natin ‘yung ganung aspect, paano yung ibang maaapektuhan?… Kung tatanggalan mo ng hanapbuhay ‘yung mga jeepney driver, then dapat you also have another source of livelihood na ibibigay mo sa kanila.”  

Dagdag n’ya, mariin din dapat ang pagpaplano ng mga polisiya para sa angkop at sapat na alternatibo sa mga mawawalan ng hanapbuhay tulad ng jeepney drivers

“Hindi naman natin kailangan na solely remove it and change it na nakaangkla sa western style of development kasi in the long run, our country cannot hold it, we cannot sustain it because there are so many pressing issues that we need to address before this. Development should not be boxed on the material things, but rather, it should reinforce the livelihood, culture, and well-being of the people in the community, ” pagbabahagi ni Uge.

Ayon kay Uge, mahalaga ring isaalang-alang ang jeep bilang bahagi na ng kultura ng Pilipino dahil sa makulay na kasaysayan at pagkakakilanlan nito. Idiniin niya rin na ito ang pinaka-accessible na pampublikong transportasyon ng mga Pilipino, kaya malaking bagay kung ito’y mawawala.

“Matatanggalan natin ng rights yung  jeepney drivers natin na mabuhay. Economically and culturally ay maraming maaapektuhan. First, as a commuter, hindi ka kaagad makakasakay dahil kakaunti ang jeep. Pangalawa, magmamahal ang pamasahe, kasi hindi naman papayag ang DOTR sa minimum given na ganun na yung mga bus [fancy looking, air-conditioned, with wifi],” ani ni Uge.

Bilang isang anak, komyuter, mag-aaral, at kabilang sa mamamayang Pilipinong apektado, hindi naging bulag si Uge sa kasalukuyang kalagayan at krisis ng transportasyon sa bansa. 

Mula sa inspirasyon ng pagiging tsuper ng kanyang tatay, patuloy na lumalalim ang pananaw ni Uge sa bawat jeepney driver kaya naman sila ay itinuturing niyang  na superheroes.

Kaya naman, para sa mga pasaherong pinagsilbihan ng mga jeepney drivers sa layuning maihatid at sundo sila nang ligtas sa kani-kaniyang destinasyon, hangarin ni Uge na sa pagkakataong ito, ang mga jeepney drivers naman ang mapagsilbihan at mailigtas ng publiko mula sa mga hamong kanilang kinakaharap sa kasalukuyan.

“Andito tayo to fight for them [jeepney drivers] dahil alam natin ‘yung struggles nila, kasi hindi sila mapakikinggan hangga’t hindi rin tayo gumagawa ng paraan para mapakinggan sila. We have to give them the avenue to speak on their behalf dahil kapag sila ay patuloy na sina-silence at hindi pinapakinggan, paano na ‘yung kanilang rights na ipinaglalaban?” panawagan ni Uge.

Anak man ng tsuper o hindi, may kakayahan ang bawat isang palakasin ang busina at makiisa sa laban ng mga TSUPERhero ng tahanan at lipunan.