Obrang Inukit sa Talaghay: Ang Sining ng Katatagan at Kamalayan ni Yvette Co

Ulat ni Sharmaine M. De La Cruz

Ano ang kwento sa obra na ito?

Obra kung saan may isang nanay na karga ang kanyang anak. Kuha ni Heart Reyes.

“Follow your strength. Kunwari mahilig tayo mag-clamp together to create something. We need emotional support to be stronger. That’s our strength…find kayo ng fellow alike thinkers to do something together. Yung sensitivity natin and then yung visual image na nafo-form from that,” mensahe ni Co para sa mga kababaihan na gusto magpahayag ng kanilang sarili sa pamamagitan ng sining.

(Sundan natin ang ating lakas. Halimbawa, mahilig tayo sa pagsasama-sama upang lumikha ng isang bagay. Kailangan natin ng emosyonal na suporta upang maging mas matatag. Yan ang ating lakas…humanap kayo ng mga kasama na katulad ng inyong pag-iisip upang magawa ang isang bagay ng sama-sama. Ang ating kahusayan sa sensitibidad at ang imaheng pang-biswal na nabuo mula rito.)

Ang obra na ito ay ilan lamang sa gawa ni Yvette Co, isang pintor, skultor, at environmental artist na nakabase sa Los Baños, Laguna. Bukod sa kanyang sining, kilala rin siya bilang isang tagapagtanggol ng kalikasan. 

Ang kanyang mga gawa ay ukol sa kalikasan, na kinuha mula sa kanyang mga karanasan sa Los Baños at sa mga commissioned work para sa mga organisasyon tulad ng ASEAN Center for Biodiversity, College of Forestry and Natural Resources (CFNR) ng University of the Philippines Los Baños (UPLB), at iba’t ibang kolehiyo sa ilalim ng UPLB. 

Ang pagkakaiba-iba ng kanyang mga medium, mula sa kahoy hanggang sa papier-mâché, ay nagpapakita ng kanyang kasanayan sa pagdadala ng kamalayan sa mga mahahalagang isyu sa ekolohiya.

Ang Mga Kwento sa Likod ng Obra

Obra na Women’s Journey to Consciousness. Kuha ni Jean Wae Landicho.

Matapos ang digmaan, 33 na kababaihang iskolar ang lumitaw, tumayo mula sa mga guho upang tumahak sa bagong landas. Ang likha ni Yvette ay sumasalamin sa pag-unlad di lamang sa kasaysayan ng Delta Lambda Sigma Sorority ngunit isang representasyon sa mga kababaihan na tumindig pagkatapos ang digmaan, isinasalin ang kasaysayan na ito sa kanvas ni Co. 

Mula sa mga sugat ng hidwaan patungo sa pagusbong ng kamalayan, bawat larawan ay nagpapahayag ng isang kuwento. Nagpapakita rin ito na nagmamahal, may pagpapahalaga sa saribuhay at nagdiriwang ng kagandahan, ang mga kababaihan – Nagpapahayag ng kanilang sarili nang malaya, nagpapakita ng katatagan at paghahanap ng espirituwalidad. 

Itinampok ito sa Dakila Series na nagbibigay-pugay sa layuning ipakita ang iba’t ibang bahagi ng kulturang Pilipino, kabilang ang mga sining at ang kanilang ambag sa patuloy na pag-unlad at pagpapalaganap ng sining. Ang mga likha na ito ay nagpapahayag ng paglalakbay ng mga kakababaihan sa katatagan at kamalayan, na kung saan ang kamalayan ay may iba’t ibang anyo. 

Bulong ng Punong Akasya: Ang Pag-ukit ng Pamana ng Tanay

“Pamana sa Tanay,” isang 20-talampakan na istatwa ni San Ildefonso sa Our Lady of Guadalupe gawa mula sa isang siglo na puno ng akasya sa Tanay, Rizal. Kuha mula sa Philippine News Agency.

“Nagkaroon ang (UPLB) Forestry ng project na To Save a Dead Tree sa Panay, may dead 400 tree na pina-tree surgery sa forestry eh hindi na talaga nabubuhay…nag-design na ako based on the given branch. Dinesign ko kung nang dapat gawin which isa yung patron saint nila and then 20 foot sculpture siya. These little things I know personally made me grow,”

Ang “Pamana sa Tanay” ay tumatayo bilang isang patunay sa kanyang kakayahan na baguhin ang mga materyales at magbigay ng bagong buhay sa pamamagitan ng sining. Ang skulturang ito ay hindi lamang nagpaparangal sa talento sa sining kundi nagsisilbi rin itong isang sagisag ng pagpapahalaga sa kalikasan, sa paggamit ng isang naipreserba na patay na puno bilang kanyang midyum. 

Ang Tanay tree ay hindi lamang isang simpleng puno; ito ay naging saksi sa mga mahahalagang yugto ng buhay ng mga tao sa komunidad. Sa halip na gamitin ito bilang materyal na panggawa ng mga kagamitan, ipinapahalaga ng mga tao ang patuloy na pag-iral nito sa kanilang kapaligiran. Ito ay nagpapahiwatig ng kanilang pagrespeto sa mga nakaraang henerasyon at sa mga tradisyon na nagbigay-buhay sa kanilang kultura.

Ang pagpapahalaga sa Tanay tree ay hindi lamang tungkol sa pagpapalago ng puno, kundi pati na rin sa pagpapalago ng mga alaala at kwento ng mga nakaraan. Ito ay nagpapakita ng pag-iral ng kahalagahan ng kalikasan sa pagbuo ng identidad at pagpapalakas ng pagkakaisa sa isang komunidad.

“And then after that Ginhawa Cafe, ayun nagtapos ng sculptures, nag-open ng Ginhawa Cafe all the way to 2018. Nakapag-establish ng identity what you do…in the past 12 years.

Tampok ang ilang obra ni Co sa ‘Dakilang Lagunense: The Art and Artists of Laguna.’ Kuha ni Heart Reyes.

Itinampok ang mga obra ni Co sa ‘Dakilang Lagunense: The Art and Artists of Laguna.’sa pamamagitan ng Cultural Heritage Series Volume II na inilunsad ng Foreign Service Institute (FSI) taong 2023, ang koleksiyong Women’s Journey to Consciousness ay isang pambungad sa mga likha ni Co at sa mga kababaihang nag-anyo nito.

“Itong Laguna Book for Artists, noong na-ask ako to be part of this, another kilig moment ulit yung ganun. Dito na ako after 12 years recognized as an artist,” aniya.

Likha Para sa Likas-kayang Kinabukasan

Mga gawa ng mga estudyante sa Ginhawa Craft Studio. Kuha ni Heart Reyes.

Sa isang mundong pinapaligiran ng mga hamon sa kalikasan at pangangalaga sa kapaligiran, matatagpuan si Co, isang artist na patuloy na naglalakbay sa landas ng pagtutulungan at pagpapalaganap ng kanyang adbokasiya. Sa bawat lapat ng pinta at hakbang sa pagtulong sa komunidad, iniukit niya ang kanyang marka bilang mamamayan at propesyonal sa sining.

Sa kanyang mga obra, ipinapakita ni Co ang kahalagahan ng pagiging bahagi ng komunidad at ang epekto ng kolaborasyon sa pagtupad ng mga layunin. “Maging ano active to the community lately into animals ako,” aniya. 

(Kamakailan, aktibo akong naging bahagi ng komunidad, lalo na sa paksa ng mga hayop…)

Sa pamamagitan ng kanyang personal na adbokasiya para sa mga hayop at kalikasan, nagiging tagapagtanggol siya ng mga inosenteng hayop sa ating kapaligiran.

Ngunit hindi lamang sa larangan ng pangangalaga sa kalikasan sumasalamin ang pagiging aktibo ni Co. Bilang isang artista, nagbibigay siya ng plataporma sa pamamagitan ng sining. “Sa pagiging artist naman…mag-create ng projects with a team or involve newbies in to it,” sabi niya. 

(Bilang isang artist naman…nagbuo ng mga proyekto kasama ang isang koponan o kaya’y nakikilahok ng mga baguhan dito.)

Sa pamamagitan ng pagbuo ng mga proyekto at pagtuturo sa mga baguhan sa sining, nagiging instrumento siya sa pagpapalaganap ng kultura at pag-asa sa bawat pintig ng kanyang pinta.

Likha ng isang grupo sa Eco Art Festival. Kuha mula sa Ginhawa Craft Studio.

Kamakailan, naging bahagi si Co ng isang proyekto kasama ang Kaya Natin Youth, kung saan nagtaguyod sila ng pangalawang pagkakataon sa paglikha ng mga bagay mula sa mga recycled na materyales. Hindi lamang ito isang proyektong pangkalikasan, ngunit isa rin itong pagpapakita ng kanilang pagtutulungan upang magbigay ng inspirasyon at pag-asa sa mga kabataan.

Sa kanyang pagtuturo, hinahakot ng artista katulad ni Co ang kanyang karanasan bilang isang artist upang gabayan ang mga estudyante, lalo na ang mga batang may kakaibang kakayahan. “Dito nagtuturo ako eh in any age mostly kids naman ang ano…I have to be patient with them sakyan yung uniqueness nila,” pahayag niya. 

(Dito sa pagtuturo ko, karamihan sa edad ng aking mga estudyante ay mga bata. Kailangan kong maging pasensyoso sa kanila at tanggapin ang kanilang kakaibang katangian.)

Sa bawat araw ng pagtuturo, binubuhay niya ang apoy ng katalinuhan at kahusayan sa sining sa puso ng bawat mag-aaral.

Ngayon, habang patuloy na yumayabong ang kanyang adbokasiya at karera, ipinakikita ni Co ang kahalagahan ng pagiging bukas sa pagbabago at pagpapahalaga sa proseso ng paglinang ng sining. “Ngayon to pace yung projects, wag matakot to pitch din ‘pag malaki yung projects pero ngayon to pace the projects one at a time two at a time ganon,” aniya. 

(Ngayon, ang mahalaga ay ang pagtatakda ng takbo ng mga proyekto, huwag matakot na mag-pitch kahit na malalaki ang mga proyekto.)

Sa pamamagitan ng kanyang natutunan at karanasan, nagiging inspirasyon siya sa mga kapwa artista at mamamayan na mahalin at pangalagaan ang sining at kalikasan.

Kwarto Tungo sa Komunidad: Pagtuturo sa Publiko ng Sining

Sa bawat paglikha ng sining, natututunan nating hugutin ang kagandahan mula sa simpleng lupa. Kuha ni Heart Reyes.

“It has to be what you want yung sensitivity, intuition yun kasi yung art okay siya na-a-appreciate ko rin na ine-enroll mga kids dyan (sa pag-aaral ng sining) kasi nakaka-build ng personal intuition kasi the many things that we do is the only thing that asks you what you want. Gusto ko rin. Gusto ko ganyan, unlike the other things na may format. Good pam-balance. Ini-incorporate ko talaga sa module ng project yung choice niya…it helps you listen to yourself,”  sabi ni Co.

(Kailangan itong maging ang sensitibidad na nais mo, ang intuwisyon kasi ‘yun ang sining. Okay siya, napapahalagahan ko rin na ine-enroll ang mga bata diyan kasi nakakapagbuo ng personal na intuwisyon. Kasi ang maraming bagay na ginagawa natin ay ang tanging bagay na nagtatanong sa iyo kung ano ang gusto mo. Gusto ko rin ‘yun. Gusto ko ‘yung ganun, hindi tulad ng ibang mga bagay na may format. Magandang pambalanse. Inilalapat  ko talaga sa module ng proyekto ang kanyang pagpili…ito ay tumutulong sa iyo na makinig sa iyong sarili.)

Para kay Co, mahalaga na ang mga kababaihan ay nagiging tagapagdala ng kanilang sariling boses at pananaw sa larangan ng sining, lalo na sa usaping pangangalaga sa kalikasan. Ipinapakita niya ang kahalagahan ng pagtangkilik at pangangalaga sa kalikasan, pati na rin ang pagpapahalaga sa mga alaala at tradisyon ng kultura. Sa pamamagitan ng kanilang pagiging aktibo at bukas sa sining, nagiging instrumento sila sa pagpapalaganap ng kultura at pagpapahalaga sa kapaligiran.

“Just show up baka darating naman yung inspiration or need mo. I think yung routine nakakahelp din eh,” dagdag ni Co.

(Magpakita ka lang baka darating naman yung inspirasyon o kailangan mo. Sa tingin ko, nakakatulong din ang routine.)

Ang mga salita ni Co ay naglalarawan ng kanyang pananaw at karanasan bilang isang artist na may malalim na pag-unawa at pagmamalasakit sa sining at kapaligiran. Ito ay isang paalala sa atin na ang sining ay hindi lamang bunga ng galing at talento, ngunit higit sa lahat ay isang paglalakbay ng puso at kaisipan na naglalayong magbigay-liwanag at inspirasyon sa mundo.

#adbokaSHEya