Ulat ni Diana Luspo at Naomi de los Reyes
Kasing-yaman ng kalikasan ng bayan ng Los Baños ang kultura rito. Kahit saan ka man lumingon,maaliwalas ang paligid, mayaman ang kalikasan, atumuusbong ang mga produkto at imbensyon para sa siyensya at agrikultura.
Taon-taong ipinapamalas sa Bañamos Festival ang masining na presentasyon ng kanilang ani at siyentipikong pagtuklas ng Los Baños bilang Nature and Science City. Sa paanan ng Bundok Makiling, sa loob ng UP Los Baños nag-aalab ang puso ng sining na makamasa at makakultura. Sinasaklaw nito ang agham, agrikultura, at iba pang mga larangan.
Mula sa sulok ng Los Baños, sa UPLB February Fair, at sa panibagong core agenda ng UPLB research and extension agenda na AGORA, o Accelerating Growth Through One Research & Extension in Action, na Social Justice and Cultural Flourishing, buhay na buhay ang larangan ng sining sa UPLB sa tinig ng protesta, teatro, sayaw, komiks, visual art, musika, at marami pang iba.
Gayunpaman, danas pa rin ng mga artista ng bayan at sangkaestudyantehan ang kakulangan sa ligtas at mapagpalayang art spaces, o mga espasyo kung saan maaaring mag-ensayo at linangin ang kanilang mga piniling larang.
Ang Espasyo bilang Punlaan ng Likhaan
Isa sa pinapanday sa larangan ng kultura’t sining ay ang kalinangan ng mga estudyante at indibidwal na nakikita sa pagsulpot ng iba’t ibang organisasyon, institusyon, at samahan ng mga artist upang suportahan ang bawat isa sa paggawa ng “art”.
Ang diskurso ng “art” at “artist” ay konektado sa isang pribilehiyo na dapat natatamasa ng mga taong patuloy na pumapanday sa sining— ang art spaces.
Ayon kay Lechardus Kristien T. Cabrera, miyembro at artista ng Graphic Literature Guild, isang organisasyon sa UPLB na binubuo ng mga student artist, ang konsepto ng art spaces ay isang koneksyon sa pagitan ng artist at ng kanyang sining.
“Para sakin, it’s a place where artists can shine and display their works. It’s almost as if a physical manifestation ng inner-world ng artist, where you get to understand them at a somewhat personal level.” ayon kay Lechardus.
Para naman kay Camille Cabusas, miyembro ng UPLB Street Jazz Dance Company, maituturing nyang espasyo ang art spaces hindi lamang sa pisikal na aspekto kundi pati na rin sa kalayaan ng isang artista sa pagpapahayag ng kanyang gawa.
“Art space for me ay syempre lugar kung saan nakalaan sa mga student artists mapa-anong klase ng art pa yan para makagalaw sila ng malaya” pahayag ni Camille.
Samantala, kaiba sa ilang pananaw, ang konsepto ng art space para sa iilang mga student-artist ay nasa usaping pisikal. Naniniwala si Hannah Lyn Rivero, miyembro ng UP Painters Club na ang art space ay isang pisikal na espasyo takda espisipiko sa paggawa ng sining.
“Para sa akin, ang art space ay lugar kung saan isinasagawa ang nga aktibidad na tungkol sa sining o lugar kung saan pwedeng idisplay ang mga sining,” ani Hannah.
Espasyo at lugar kung saan isinasagawa at ipinapakita ang bawat manipestasyon at ekspresyon ng mga artista sa kanilang interpretasyon ng Sining. “Ito ay lugar para sa mga taong lumilikha ng sining.” dagdag pa nya.
Espasyo ng Student-Artists
Ang mga espasyong pangsining ay may malaking epekto sa artist at sa kanilang art bilang personal na koneksyon at manipestasyon, bilang espasyo, lugar at puwang, bilang isang bagay na. Nabibigyan nga ba ng sapat na art space ang mga student-artist sa UPLB? Natatamasa nga ba nila ang sapat na espasyong kinakailangan sa “artmaking”? Ano ang art space para sa mga estudyanteng ito?
Naniniwala si Camille na isang malaking bagay ang pagkakaroon ng sapat na espasyo para sa mga student-artist sa kalinangan at oportunidad sa larangan ng art.
“Oo, dahil maganda itong bagay [art space] upang patuloy na naipapatampok ang iba’t ibang sining sa unibersidad at para walang kahirapan sa mga pageensayo kaya mas magkakaroon ng magandang resulta iyon.” aniya.
Para kay Camille, ang pagkaroon ng sapat na “art space” ng kanyang organisasyon ay may malaking kinalaman sa mga oportunidad na kanyang tinatamasa sa paggawa ng art.
Para kay Lechardus Kristien, ang kaginhawaan ng tahanan at dormitoryo ang nagsisilbing art space ng kanilang organisasyon. “… most of us are comfortable making art sa aming sariling apartments or dorms. Minsan din during classes or sa library for leisure.”
Aniya, walang espesipikong lugar ng pag eensayo nila ng kanilang art; bagkus ang ginhawa ng tahanan ay maituturing nang sapat para sa kanila. Gayunpaman, para kay Lechardus, ang kaginhawaan na naidudulot ng takdang lugar para sa art ay isang bagay na hindi nya maitatanggi.
“Pero, I would’ve love it if merong specific place for art,” dagdag nisya.
Ngunit kaiba sa mga naunang karanasan, para kay Marie Claire, ang pagkakaroon ng art space ay isang patuloy na laban para sa pagtatatag ng espesipikong lugar para sa pag-eensayo.
“… tanging isang open space lamang na tambayan ng aming organisasyon ang nakalaan para sa amin. Ngunit walang nakalaang silid o lugar na may silong para sa amin sa tuwing kami ay nagsasanay para sa mga hosting events.” pahayag niya.
Para kay Marie Claire, ang artmaking na kanyang kinabibilangan ay isa mga art forms na kinakailangan ng takdang lugar. Aniya, ang public space bilang isang art space ay hindi ideyal, dahilan upang sila ay magambala sa tuwing sila ay nag-eensayo.
“Madalas din kaming masaway lalo na kapag lumalakas ang aming mga boses sapagkat sa public space kami nag-eensayo (sa likod ng CAS building). Sa madaling sabi ay wala kaming maayos na mapapag-ensayuhan.” ani Marie Claire nang tanungin tungkol sa kawalan ng art space ng kanilang pag-eensayo.
Naniniwala si Marie Claire na ang pagkakaroon ng art space ay higit na kinakailangan sa artmaking. Ang pagkakaroon ng espasyo ay isang bagay na makatutulong sa kanyang pagpapanday sa lugar ng sining.
“Sa tingin ko kasi ay napakahalaga ng isang nakatakdang lugar sa paggawa ng mga bagay-bagay lalo na ang sining nang sa gayon ay makapaghanda nang husay na walang distraksyon.” dagdag nya.
Punto pa nya na ang pagkakaroon ng maayos na art space ay para sa masa. Ang pagpapahayag ng sining ay hindi lamang para sa kanilang pansariling interes kundi para na rin sa bayan na kanilang kinakatawan.
Art space bilang Sinulid; Ang pagtatahi ng Kaalaman
Isa sa mga organisasyong mapalad na magkaroon ng espasyo para sa kanilang pag-eensayo ang Harmonya: The String Ensemble of UPLB. Ang art space na ito ay matatagpuan sa likod ng dating 7-eleven sa Student Union Building. Kaiba sa mga organisasyon na walang takdang espasyo ng artmaking, ang Harmonya ay mayroong takda at espesipikong puwesto sa kanilang pagsasanay.
Ayon kay Tricia Dizon, ang presidente ng organisasyon, ang art space ay maituring nilang ‘rehearsal space’ kung saan sila ay nagsasanay para sa mga darating na pagtatanghal.
“Importante yan sa lahat sa lahat ng mga artista, musiko, musikero; very important
na meron kang space to create.” pahayag ni Tricia
Para kay Tricia, ang art space ay maikukumpara sa konsepto ng knowledge. Ito’y hinahabi at patuloy na hinuhulma kontrol ng mga manhahabi or ng mga artists. “Pag sinabi nating art space, ito ‘yung space mo rin to co-share, co-create, co-produce [knowledge]… ito ‘yung art space, kung tawagin nga namin ay rehearsal space, ‘yun ‘yung space namin where we create music, share knowledge”, ani Tricia.
Ang kanilang rehearsal space ay nagsisilbing safe space hindi lamang ng mga artist kundi pati na rin ng kanilang mga instrumento. Dagdag na rito ang space kung saan nabubuo ang koneksyon sa pagitan ng miyembro ng organisasyon. “Isang factor do’n ‘yung pagkakaroon namin ng space. Hindi namin magagawa yun, yung pag-contribute ng each artist, each musician, to one another kung wala kaming lugar. So, [ito ay] very important”, paliwanag niya.
Ang art space para sa Harmonya ay isang sisidlan ng karanasan na nagaganap pamamagitan ng pagtatahi ng kaalaman, ideya, at talento ng bawat miyembro ng organisasyon. Isang ehemplo ang Harmonya sa pagtatahi ng karunungan upang tumugtog ng musika para sa bayan— isang bagay na hindi nila matatamasa kung walang sapat na “art space” ang kanilang organisasyon.
Sa espasyong pangsining, pinapa-unlad ang pagkamalikhain dahil ito ay nagsisilbing plataporma para sa palitan ng ideya, talento, karunungan, at maging pagaaring yaman ng iba’t ibang taong may iba’t ibang paniniwala at pinaggalingan. Ang pagkamalikhain ay naghuhudyat ng masining, makabuluhan, at makabagong tugon sa hinaing ng sariling bayan.
Panawagan para sa Espasyong Pangsining
Ang pagkamalikhain ay umuusbong sa art spaces ng mga artista. Itong pagkamalikhain ay kinakailangan sa Los Baños bilang komunidad na gumagalaw sa nagbabagong lipunan kasama ang sining, siyensya, at agrikulura. Dahil dito, ang sining ay tunay na nakatali sa kultura, karunungan at pakikibaka.
Sa hinaharap, ang banta sa pagliit at pagkalawa ng mga nagsisilbing “art spaces” ay ang kinatatakutan ng mga student-artists. Ang Dioscoro L. (DL) Umali Hall bilang pangunahing art space sa UPLB ay nakatakdang ipasara ng ilang buwan bunsod ng nakaplanong renobasyon.
Sa ilang buwang mawawala ang DL Umali Hall, maraming artista ang nawawalan ng espasyo para lumikha at magtanghal ng sining. Ayon naman sa UPLB Office for Initiatives in Culture and the Arts, hinihintay pa ang mga huling update mula sa Bids and Awards Committee bago masimulan ang Aircon Rehabilitation sa auditorium ngayong Abril 2024. Isasara man ang auditorium, mananatiling bukas ang Sining Makiling Gallery, pati na rin ang lobby at driveway para sa mga estudyanteng nais mag-ensayo.
Isa lang ang panawagan ng mga artista ng bayan na tulad nina Camille, Hannah, Lechardus Kristien, Marie Claire, at Tricia para sa sarili, kapwa artista, at para sa lahat: ang magkaroon ng mas marami pang art spaces para lumikha at maglahad ng kani-kanilang sining.
Katulad nga ng sabi ni Marie Claire, “bilang isang artista, amin namang pagtatanghal ay hindi lamang naman para sa aming mga sarili o sa aming organisasyon lamang ngunit higit sa lahat ay para sa masa, sa bayan na siyang layunin din naman ng ating pamantasan. At hindi magagawa nang ayos ang pagtatanghal na ito kung walang nakalaang lugar para sa aming pagsasanay.”