Libreng football clinic para sa mga bata, ginanap

Mahigit 40 na mga batang may edad 4 hanggang 15 taong gulang ang lumahok sa unang araw ng football clinic ng Alab Football Club (AFC) noong Sabado, ika-4 ng Mayo. Tinuruan ang 44 na mga bata ng football skills sa pangunguna ng certified coaches at assistant coaches ng AFC.

Ginanap ang opening program at kick-off sa UPLB College of Forestry Football Field. Kinabukasan, Mayo 5, itinuloy ang pagtuturo ng football skills sa mga bata. Magpapatuloy ang football clinic sa Mayo 11 at 12, at gaganapin ang isang mini-tournament sa Mayo 12.

Tinuruan ng basic skills ang mga batang kalahok. Photo by LBTimes

Sa kanyang paunang mensahe, pinasalamatan ni AFC President Nuj Ramos ang lahat ng sumali. “Today is all about passion, skill building and camaraderie. Dito makaka-meet din kayo ng mga bagong friends. We come together to celebrate the beautiful game of football.” Dagdag pa niya, ilan sa mga kasalukuyang manlalaro ng AFC ay nag-umpisa din sa mga nakaraang free football clinic ng koponan.

Paliwanag ni Gerly Ramos, myembro ng AFC Board of Trustees, layunin ng event na mahikayat ang mga bata na piliin ang football bilang sport habang bata pa sila. “Yung iba kasi nagde-decide lang na gusto nila mag football once they experience it,” kuwento niya.

Bukas ang football clinic sa lahat ng bata mula edad 4 hanggang 15 taong gulang. Photo by LBTimes

Sa kasalukuyan, sumasali ang AFC sa mga football tournaments sa probinsya ng Laguna, habang ang age group na Alab Elite ay lumalahok sa mga palaro sa labas ng probinsya. Bago ang Covid-19 pandemic, sumasali ang AFC sa mga national at international football tournaments “This year, after pandemic, nagstart ulit kami mag build. Pero so far, mas mabilis na naming na-rebuild ngayon. We were able to create at least three age groups,” dagdag ni Gerly.

Sabi ni Gerly, mahalagang manghikayat ng mga batang manlalaro upang makabuo ng mga pangkat ng 12 myembro na ipinanganak sa loob ng dalawang magkasunod na taon. “Mahirap magbuo kasi pag iba-iba ang age ng bata, di ka makabuo ng isang team,” paliwanag ni Gerly. Kapag kulang ang bilang ng manlalaro sa isang pangkat, hindi ito makakasali sa tournament. “Kaya kailangan talaga mag-encourage to join so that mabuild, at least dapat may 12 players per age group para makasali sa 7-a-side tournament,” dagdag ni Gerly. Patuloy din ang pagsasanay upang maihanda ang mga manlalaro na sumali sa 11-a-side tournament pagdating nila ng 15 taong gulang.

Pinangunahan ng coaches ng AlabFC ang pagtuturo ng ball handling skills sa mga kalahok. Photo by LBTimes

Patuloy na inaanyayahan ng Alab FC ang lahat ng bata na may edad 4 hanggang 15 taong gulang na sumali sa ikalawang weekend ng football clinic sa Mayo 11 at 12, mula 7 hanggang 9 ng umaga sa UPLB College of Forestry Football Field.  Maaaring magpalista sa https://forms.gle/FHeEKhERzg6VRcUg9 o magpadala ng mensahe sa FB Page ng Alab FC.

Pagkatapos ng football clinic, maaring magpatuloy sa paglalaro ang mga bata kasama ang AlabFC. “We are offering two free trial sessions sa lahat, all year round. Meron kaming 2 sessions na free na pwede nilang i-avail,” sabi ni Gerly. Maaaring pumunta ang mga interesado sa training days ng AFC tuwing Sabado at Linggo, 7 hanggang 9 ng umaga sa Forestry Football Field.

Ngayong 2024 ang ika-lima sa mga annual football clinic ng organisasyon, mula ng isagawa nila ang unang free football clinic noong 2017. Ang Alab FC ay itinatag noong Oktubre 2015.