Matapos ang ilang taong restriksyong ipinatupad noong pandemya, na nagpahinto sa maraming pangkabuhayang mayroon ang mga mamamayan ng Liliw, kapansin-pansin din ang malaking epekto dulot nito sa kultural na aspeto ng munisipalidad na naging dahilan ng pansamantalang pagtigil ng kanilang mga taunang pagdiriwang katulad ng pista. Kaya naman sa pagbabalik sa normal ng lahat, pormal muling binuksan ang Liliw Gat Tayaw Tsinelas Festival sa Liliw Municipal Covered Court noong ika-24 ng Abril, 2024 sa pangalawang taon matapos ang pandemya.
Sa kabila ng matinding init na umabot sa 41°C, dinaluhan pa rin ng mga Liliweño at mga turista ang pagbubukas ng programa upang makiisa sa pagdiriwang ng ika-20 anibersaryo ng pista.
Upang pormal na buksan ang programa ay isinagawa ang Trade Fair Ribbon Cutting, kung saan inanunsyo ang opisyal na pagbubukas ng mga tindahan, kainan, at iba’t ibang food stalls sa kalye at paligid ng Liliw Town Plaza.
Nagbigay ng kanilang mensahe sina Liliw Mayor Ildefonso “Ide” Monleon at Vice Mayor Eric Sulibit upang pasalamatan ang mga Liliweño. Kanilang binanggit ang pagkakaisa bilang esensya ng kaganapan at binigyang diin ang importansya ng paggunita sa kultura at industriya sa pamamagitan ng selebrasyon ng pista.
Pagbabalik Tanaw sa Kasaysayan ng Liliw Gat Tayaw Tsinelas Festival
Nagsimula ang Liliw Gat Tayaw Tsinelas Festival noong 2002. Ito ay resulta ng isinagawang pagpupulong ng Laguna Tourism Council noong taong 2000 na dinaluhan ng pamahalaang bayan ng Liliw upang pag-aralan at pag-usapan ang angkop na pista at produktong isusulong ng bayan. Buhat noon ay taon-taon na itong ipinagdiriwang sa kahabaan ng kalsada ng Liliw tuwing huling linggo ng buwan ng Abril.
Ayon kay Mr. Isagani Moneda, isa sa festival coordinators, layunin ng pagdiriwang na patuloy na maisulong ang kultura ng kanilang pamayanan kabilang na ang tradisyon, kultura, heritage, at ang industriya na nag-aangat sa kanilang turismo.
Ibinahagi pa ni Moneda ang dahilan sa likod ng tawag sa kanilang pista,
“Sa amin, kaya po tinawag natin itong Liliw Gat Tayaw Tsinelas Festival ay para sa pagbibigay ng pugay sa [aming] local hero na si Gat Tayaw.”
Umaapaw ang Aliw sa Liliw
Bilang tinaguriang “Tsinelas Capital ng Laguna,” sentro ng pagdiriwang na ito ang mga produkto na kanilang ipinagmamalaki tulad na lamang ng mga tsinelas at sapatos. Hindi maikakaila ang kanilang titilong ito sapagkat punong-puno ng pagawaan at pamilihan ng mga tsinelas, sandals at sapatos ang kanilang lugar. Bukod pa rito, tampok din sa pista ang kanilang mga sariling gawang produkto tulad ng lambanog, uraro, at espasol.
Nagkaroon din ng mga masasayang aktibidad kung saan naipamalas ang mga angking husay at talento ng mga mamamayan tulad ng Job Fair na ginanap sa Liliw Town Plaza, Palaro ng Lahi sa Venessa Heights Subdivision, at A Taste of Liliw: Cooking Contest sa Gat Tayaw Park. Nagkaroon din ng Governor’s Night kung saan bida ang ilang mga tanyag na performers sa bansa.
Ilan pa sa mga naging kaganapan ay ang Ang Grand Bailete, Retaso: Tsinelas on the Ramp & Book Launching, at Fireworks display.
Hindi rin nagpahuli ang mga Liliweño sa pagbibigay kulay sa pagdiriwang dahil noong ika-27 ng Abril ay itinampok ang kanilang galing at mga likhang sumasalamin sa kanilang pagkakakilanlan. Idinaos din ang kauna-unahang Color Run event na ginanap sa Barangay Tuy, Banana. Kasunod nito ang street-dancing competition sa kahabaan ng Gat Tayaw Street kung saan nasaksihan ang pagkamalikhain ng mga Liliweño. Naipakita rito ang mga makukulay na costumes at malalaking tsinelas sa kanilang mga sayaw at performances na simbolo ng buhay na buhay na kultutang mayroon ang Liliw.
Hindi rin pinalampas ng mga Liliweños ang Mutya ng Liliw. Ito ay nilahukan ng mga kababaihan mula sa iba’t ibang barangay ng naturang bayan. Dito ipinamalas ang kanilang mga talento, ganda, at kakayahan pati na rin ang kanilang mga plataporma at adbokasiya na siyang makakatulong, hindi lamang sa bayan ng Liliw pati na rin sa ibang komunidad at pamayanan.
Sa huling araw ng pista, idinaos naman ang Lukayuan at Congressman’s Night.
Liliw Gat Tayaw Tsinelas Festival bilang bahagi ng pangkabuhayan at kultural na kaunlaran ng Liliw
Ang pagpapakilala at pagsusulong ng mga produkto at turismo ng Liliw sa pamamagitan ng selebrasyon ng pista ay nakapagbibigay hindi lamang ng aliw, kung hindi maging ng kabuhayan ng mga mamamayan ng Liliw.
“Nung tumubo ‘yung ating Tsinelas Festival, isang bagay po ang aming napatunayan, nagbigay po ito ng empleyo sa ating mga kababayan…so napakalaking impact po yung binigay non sa atin kung saan po, kumikita ang ating turismo sa pamamagitan ng Tsinelas Festival,” paglalahad ni Moneda.
Bukod pa rito, ang pagbubuklod ng mga Liliweño sa pamamagitan ng sama-samang pagsusulong sa industriya ng tsinelas ay patuloy na nagpapayaman sa kanilang pagkakakilanlan, kultura, tradisyon, at turismo. Batid ng bawat isa na kahit matapos ang selebrasyon, hindi matatapos ang kanilang kontribusyon sa pagpapanatili at pagpapaunlad sa Liliw upang patuloy ding maisabuhay at mabigyang kulay ang kanilang prominenteng linyang, “baleng ganda, balang saya. Tara na sa Liliw, Laguna!”