Ulat ni Romela Bayaban
Mapagpalaya ang sining.
Kaya nitong magbihis sa anyong hindi natin inaakala. May iba’t ibang hugis, anyo, kulay, at kwentong nakadikit sa bawat porma nito. Mula sa pagpapahayag ng kasarian, pag-alala ng mga masasayang karanasan, hanggang sa pamamahagi ng mga mabigat na nararamdaman – malawak ang papel na ginagampanan ng sining sa pagbubuklod ng mga katotohanang ito mula sa indibidwal na mga isipan patungo sa komunidad.
Tuklasin ang mga pambihira o mga alternatibong uri ng sining na isinusulong ng ilang mga lokal na artista ng Los Baños.
Drag: Rebolusyonaryong Pagpapahayag ng Sarili
Hindi ito nilalapitan ng mga tao. Hindi ito katulad ng ibang uri ng sining.
Sa halip, ang drag artists ang lumalapit sa mga manonood at nag-uutos sa kanilang mga matang “tingnan mo ako–nagtatanghal ako.”
Kung babalangkasin, ang konsepto ng drag ay mauugat sa tradisyunal nitong konsepto na pagsusuot ng mga damit ng ibang kasarian para magbigay-aliw sa mga manonood sa pamamagitan ng pagpapatawa, improvisation, pagkanta, lip syncing, o pagsayaw.
Mababakas ang makulay nitong kasaysayan mula pa noong panahon ni Shakespeare, kung saan madalas na gumaganap ang mga kalalakihan bilang mga babaeng karakter.
Sa Pilipinas, ang mga babaylan ang kauna-unahang maituturing na drag artists. Bago pa man ang panahon ng kolonyalismo ng mga Kastila, ang mga ninuno nating kalalakihan ay nagsusuot na ng mga damit pangkababaihan. Sila ay ginagalang at kinikilala bilang mga nilalang na may dalawang kasarian na nagbibigay ng kakayahan sa kanilang makipag-ugnayan sa mga anito.
Ngayon, ang drag ay hindi na lamang anyo ng sining na nagbibigay-aliw, sa halip, ito ay nagpalit ng anyo bilang isang rebolusyonaryong pamamahayag kung saan ang wig ang kanilang helmet , brush ang kanilang armas, at makeup ang kanilang war paint. Hindi na rin ito nalilimitahan sa mga kalalakihan. Gaya ng drag artists, patuloy rin na nagbabagong-bihis ang drag dahil ngayon ay isa na itong anyo ng sining na walang pinipili– mapa-cis man, cis woman, trans man, o trans woman at iba pa–ang drag, ay inklusibo sa anumang kasarian.
Sa isang lipunang malabo ang pagpapakahulugan sa bakla, transgenders, at iba pa, mabigat ang gampaning kailangang sayawin ng drag sa lipunan. Higit sa pagtatanghal, ang pagpapadagundong ng mga panawagan,direkta o hindi direktang nakakaapekto sa LGBTQIA+ community, ay isinasatinig ng drag sa kanyang magarbo at makulay na paraan.
Isa sa mga kilalang drag artist na nagsusulong nito ay si Veruchka Red (Darrion Flores), ang 21-taong gulang na drag queen sa Los Banos, Laguna. Gaya kung paanong pinapalaya ng drag ang personalidad na Veruchka Red, para sa kanya, ang drag ay isang transpormasyon kung saan kusang gumagalaw ang kanyang kalamnan at kaluluwa sa indayogng musika kasabay ng ritmo ng mga pagbabago sa lipunan.
Pinasok ni Veruchka Red ang drag dahil dito niya naipahahayag ang iba’t ibang anyo ng kanyang sarili. Mula sa pagbubuhos ng tubig sa sarili at pagpapagulong-gulong sa sahig, buwis-buhay ang porma ng kanyang pagtatanghal sa pag-asang makikita rin ng kanyang mga manonood ang kanyang mga adbokasiya, dahil ang mismong pagtatanghal ng drag artists ay isa nang uri ng aktibismo ng panawagan para sa mas inklusibong espasyo para sa lahat.

Shantay. Veruchka Red habang nagli-lip sync sa kalagitnaan ng kanyang drag performance. Kuhang larawan ni Romela Bayaban.
Umaasa rin si Veruchka na dadami pa ang drag artists at espasyo para sa kanila, dahil aniya, ito ay isang pulitikal na anyo ng sining sa kadahilanangpatuloy nilang hinahamon ang mga bagay na nakasanayan na sa lipunang sarado pa rin ang isipan sa iba’t ibang mga pagkatao.
Pansamantalang sugat, permanenteng tinta
Balat ang kanilang canvas habang tinta ang kanilang pintura.
Sa mata ng marami, ang tattoo ay dumi lamang—isang bagay na ipinalalagay ng mga masasamang tao, kriminal, o mga nakapiit sa bilangguan. Ngunit hindi ito dumi sa katawan. Hindi lang ito basta-bastang pagsusugat ng balat para mag-iwan ng permanenteng tinta. Ito, ay isa lamang sa maraming halimbawa ng body modification art.
Lingid sa kaalaman ng iba, mayaman ang katutubong kultura ng pagta-tattoo sa Pilipinas. Isa lamang sa maraming tawag sa mga tattoo na ito ay Batok.
Noon, mataas ang tingin ng sinaunang kabihasnan sa mga taong may tattoo. Sa pre-kolonyal na panahon, ang mga pinakamahuhusay na mandirigma at mga mga taong mahalaga ang papel sa komunidad ang maraming tattoos. Ito ay simbolo noon ng kagandahan at katapangan. Bawat posisyon sa katawan ay may kahulugan. Bawat disenyo, ay simbolo ng kanilang katapangan at mga bagay na pinagdaanan. Nang dumating ang mga kastila, tinawag nila ang mga katutubong may tattoo sa Visayas na Pintados.
Para naman kay Jester Salivio, 27, tattoo artist mula sa Bay ang tattoo art ay pagpapahayag ng sarili. Aniya, ang kahulugan ng tattoo ay hindi lamang nakikita sa disenyo kundi pati sa proseso.
Dito, ani Jester, nakabubuo siya ng koneksyon sa iba’t ibang uri ng mga tao dahil madalas, sa proseso ng pagtitinta, nakapakikinig siya sa mga malulungkot na kuwentong ginagamit ang tattoo bilang stress reliever. Kaya naman, hindi lamang permanenteng bakas at mga tusok ang nagagawa ng tattoo—malaki tulong rin ito para sa self-expression ng isang tao at pagpapaluwag ng kanilang mga kalooban.
Sa kabila nito, marami pa ring stigma ang kakabit ng tattoo. Sa Pilipinas, hati pa rin ang pananaw ng mga tao rito. Kaya naman tulad ng panawagan ng marami sa tattoo community, umaasa si Jester na muling kilalanin at pahalagahan ang tattoo bilang isang art form na paraan ng pagpapahayag ng sarili, tulad ng dating pagpapahalaga rito ng ating mga ninuno.
Metapora ng Henna: Panandaliang Bakas ng mga Habambuhay na Alaala
Ang konsepto ng henna tattooing o ang pansamantalang uri ng sining na nag-iiwan ng bakas ng tinta sa balat na nabubura sa paglipas ng ilang araw ay isang porma ng pagpapahayag na sinisimulan nang paunti-unting yakapin ng lipunan.
Nagpapagawa ang mga tao sa Pilipinas ng henna tattoo sa mga espesyal na okasyon, o kapag sila ay nagpupunta sa mga bagong destinasyon para magkaroon ng matatawag nating tactile souvernir. Minsan naman, ito ay ipinalalagay ng mga taong gusto lamang maranasang magka-tattoo, ngunit hindi handang panindigan ang pagiging permanente nito.
Ang tinta ng henna tattoo ay mula sa halamang henna na makikita sa iba’t ibang panig ng mundo. Sa ibang kultura, tradisyonal din itong ginagamit sa medisina at sining
Sa Los Banos, Laguna, maraming makikitang stalls ng henna tattoo tuwing Feb Fair– isang selebrasyon sa UPLB ng mga talento upang paigtingin ang malawakang pagtambol sa karapatan ng lipunan laban sa mapang-aping uri at sistema. Dalawang bagay ang dumadaloy sa henna tattooing– tinta, at kuwento. Sa kultura ng henna tattooing sa UPLB, hindi nawawala ang kwentuhan sa paglapat ng mga tinta nito.
Sa Elbi, repleksyon ng buhay ng mga estudyante ang mga tattoo, permanente man o hindi. Para sa isang local henna tattoo artist na si Cedrick Alolor, 22 taong gulang, ang henna tattooing ay midyum ng pakikipag-socialize sa ibang tao kung saan naririnig nila ang kanya-kanyang kuwento ng buhay kung saan, nagiging bahagi sila ng pansamantalang karanasan ng isa’t isa. Siya, bilang nagpipinta ng pansamantalang tinta sa kanilang balat at sila, bilang nalalapatan ng tinta.
Hikaw, Adornong Walang Kupas
Sa tusok ng mga karayom sila sumasaya.
Mula sa aesthetic, pagpapahayag ng sarili, o kultura, maraming dahilan kung bakit nagpapakabit ng hikaw ang mga tao. Ngunit anu’t ano pa man, ang pagpapakabit ng hikaw at tattoo na ilan lamang sa mga uri ng body modification art, ay isang paraan upang maipakita na pag-aari ng isang tao ang kanyang sarili, na ang katawan ang kanyang templo.
Sa mga kabataan ng Los Baños, mabenta ang pagpapakabit ng hikaw. Coping mechanism ito ng iba sa mga panahong nai-stress sila. Para sa marami sa kanila, safe haven ang Afrelle’s Needles studio.
Hanggang sa anong hugis at porma kayang magpakita ng sining?
Si Afrelle Aquino, 25 taong gulang, ay isang body piercing artist na naniniwalang makikita ang sining kahit sa pinakamaliliit na bagay tulad na lamang ng body piercings. Dito, nakaririnig siya ng mga kuwento ng kahinaan at katatagan, mga suliraning bigat na pasan-pasan ng mga estudyanteng kliyente niya. Kaya para kay Afrelle, nakagagaan ng pakiramdam ang body piercing. Bilang isang tao na may disability rin sa mental health, palagi niyang kinakausap at kinakamusta ang kanyang mga kliyente. Katulad ng tattoo, ginagawa raw nila itong stress reliever. Bukod pa rito, nakakadagdag din ang body piercing sa kanilang self-confidence.
Hindi man gumagamit ng tinta o ng pinta, sa body piercing, ang katawan ng tao ang mismong anyo ng sining na inaadornohan ng mga hikaw. At katulad ng ibang uri ng sining, mahalaga itong paraan ng pagpapakita ng nararamdaman at pagkakakilanlan ng isang indibidwal.
Pakikipag-ugnayan
Marami, hitik, at iba’t iba pa ang mga uri ng sining na matatagpuan sa Los Banos–dahil ito ay puno ng mga taong may kanya-kanyang baong kultura at kuwento. Ang sining, ay isa lamang sa maraming paraan ng mga tao rito ng pakikipag-ugnayan sa kanilang sarili at komunidad.
REFERENCES
BBC. (2023, February 21). The history of drag and historical drag queens. BBC Bitesize. https://www.bbc.co.uk/bitesize/articles/zbkmkmn
Begum, T. (n.d.). The henna plant: Transcending time, religion and culture. Natural History Museum. https://www.nhm.ac.uk/discover/the-henna-plant-transcending-time-religion-and-culture.html#:~:text=The%20plant%20is%20believed%20to,wild%20in%20Pakistan%20and%20India. https://www.nationalmuseum.gov.ph/2022/03/23/body-modification-tattooing-in-northern-philippines/
Encyclopædia Britannica, inc. (2024, May 30). Drag queen. Encyclopædia Britannica. https://www.britannica.com/topic/drag-queen
Losa, R. (2024, May 3). Queens of the night: A herstory of Filipino drag culture. Scout Magazine. https://www.scoutmag.ph/36884/a-herstory-of-filipino-drag-culture/
Lowe, A. (2014, May 27). Reviving the art of Filipino tribal tattoos. BBC News. https://www.bbc.com/news/world-asia-27539510
United States Department of the Interior. (2021). Connections Asian American and Native Hawaiian Pacific Islander Heritage Month May 2021. United States Department of the Interior. https://www.doi.gov/sites/doi.gov/files/connections-may-2021-final-508-compliant.pdf