Ulat nina Raymond Balagosa, Jiana Valerie Buenafe, at Beatrix Zaira Daysor
Aral muna bago ang kain at tulog—iyan ang pangkaraniwang karanasan ng mga estudyante sa tuwing papalapit na naman ang hell week sa UPLB. Ngunit, sa isang klase sa napaglumaang silid-aralan ng Physical Sciences Building lang pala matutuklasan ni Alex Aranes ang Healthy Eating and Active Lifestyle for Planetary Health o HEAL-PH—isang mobile health app na naglalayong bigyang kakayahan ang mga estudyanteng katulad niya na mas matutukan ang kanilang kalusugan at mabago ang nakasanayan.
Ang HEAL-PH ay isa lamang sa mga produkto ng larangan ni Alex na Computer Science. Sa simpleng pagkuha lamang ng malinaw na larawan gamit ang isang smartphone, kayang tukuyin ng aplikasyon ang klase ng pagkaing nakahain sa pinggan—prutas, gulay, karne, at dami ng kanin, habang pinapakita rin ang tinatayang calories ng mga ito.
Serbisyong Hatid
Sa dami ng mga takdang aralin, hindi maiwasan ni Alex na mawalan ng pokus sa pag-aalaga ng sarili. Madalas, umiikot lamang ang kanyang kinakain sa fast food na aniya, nagbubunsod ng hindi kaaya-ayang epekto sa kanyang katawan.
Malaki ang naging pagbabago nang masimulang gamitin ni Alex ang HEAL-PH gayong mas nagtulak ito na pahalagahan niya ang pagpapanitili ng masustansya at aktibong pamumuhay sa kabila ng maraming gawain sa unibersidad. Kalaunan, iba na ang naging paraan ng pagpili niya ng mga kinakain, pati na rin ang kanyang kadasalang mga aktibidad, at may balanseng diyeta na nagdudulot ng mas maayos na pangangatawan.
Ang paggamit sa app ay naging isang araw-araw na ritwal na madali niyang naisabuhay. Para kay Alex, ang kahalagahan ng HEAL-PH ay makikita sa ibinibigay nitong komprehensibong hakbang sa pangangalaga sa kalusugan. Mula sa pagkuha ng mga litrato ng kanyang mga pagkain hanggang sa pagiging tutok sa kaniyang paglalakad at pag-inom ng tubig, lubusang nagagamit ni Alex ang naturang app.
Bilang isang mag-aaral din ng Computer Science, napahalagahan ni Alex ang pag-navigate sa HEAL-PH, salamat sa mainam nitong interface.
“One-click away na lahat ng pwede mong magawa doon sa app and wala ka nang kailangang buksan na kung ano-ano,” aniya.
Istorya sa likod ng HEAL-PH
Hindi man bago sa karamihan ang ganitong kakayahan ng teknolohiya, ang mabilis at madaling paggamit ng HEAL-PH ang isa sa mga naging dahilan kung bakit nagwagi ito sa Food is Life Exemplified: Planetary Health Diet (FLExPHD) App Development Competition noong Hulyo 2023 na pinangunahan ng Southeast Asian Regional Center for Graduate Study and Research in Agriculture (SEARCA), the National Academy of Science and Technology, Philippines (NAST PHL), at the Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development (PCAARRD).
Naging matagumpay ang ganitong mekanismo dahil sa Artificial Intelligence (AI) na binuo ng Team M1R4G3, isang grupo na may anim na mga eksperto mula sa iba’t ibang larangan. Kuwento ni Associate Prop. Val Randolph M. Madrid ng UPLB ICS, ang pinuno ng HEAL-PH project, ang proseso sa paggawa nila sa AI ay maihahalintulad sa isang tao na kailangang turuan ng iba’t ibang impormasyon at sanayin upang lumawak ang kaalaman sa isang bagay.
“We gather food pictures in a Google Drive, we label and annotate [the food]. We retrain the existing AI, and once we are at a checkpoint, siguro after 5,000 images, we retrain and plug it back to the app, and see if it can detect more food,” pagpapaliwanag niya.
Dahil sa sari-saring sangkap sa ulam ng mga Pilipino, naging pagsubok para sa Team M1R4G3 na mas gawing pamilyar ang AI sa itsura ng bawat sahog kahit naiiba ito ng kulay o hiwa. Ayon kay Madrid, kinailangan nila ng tulong ng mga estudyante at kakilala na magbigay ng mga litrato upang mas humusay ang kanilang app sa pagtukoy ng mga lahok at mismong pagkain.
Sa tulong ng kanilang nutrition partner na si Prop. Ann Cayetano ng UPLB Institute of Human Nutrition and Food (INHF), gumawa ang grupo ng komprehensibong listahan ng mga pagkaing madalas lutuin ng mga Pinoy kasama ang katumbas na calories nito kada unit o sukat. Dito ibinabase ng app ang impormasyong binibigay nito sa kanilang user.
Ngayong nasa testing stage na, naging kaisa rin ang mga estudyante ng Computer Science sa pagpapabuti ng mekanismo ng app. Naibahagi ni Rutherford Belleza, isang mag-aaral sa UPLB at miyembro ng Team M1R4G3 ang kaniyang pasasalamat sa mga estudyanteng tumulong sa pagbuo ng HEAL-PH.
“‘Yung database na ginamit namin for building ‘yung model, mostly students din ang nag-provide ng mga input. Karamihan ng mga tedious things, mga students ‘yung gumawa. They were able to distribute the workload. Malayo ang narating namin mostly because maraming estudyante ang tumulong and nag-contribute sa application,” sabi ni Belleza.
Kasama si Madrid, Belleza, at ang mga estudyante ng nasabing kurso, mananatiling determinado ang Team M1R4G3 sa pagpapabuti ng mekanismo at features ng app upang maisakatuparan ang layunin nitong mahikayat ang kanilang mga user na kumain ng masustansya at maisulong ang Planetary Health Diet (PHD).
Data science sa pagsusulong ng PHD
Lingid sa kaalaman ng karamihan na ang pagkain ng mas maraming gulay at prutas kaysa karne ay hindi lamang para sa sustansya na makabubuti sa katawan, kundi para maibsan din ang greenhouse gas (GHG) emissions, o ang mga nakapipinsalang gas na galing sa pagproseso ng mga karne.
Bitbit-bitbit ang mga kondisyong ito, kaisa ang HEAL-PH sa pagsusulong ng PHD—isang nirerekomendang dietary pattern ng mga eksperto kung saan mas maraming porsyento ng gulay, prutas, at pati mga mani, ang kinakain kumpara sa mga baboy, baka, at manok.
Sinisigurado ng mga eksperto na ang PHD plate ay nakapagbibigay ng sapat na sustansya at malaking benepisyo sa kalusugan ng tao nang hindi napipinsala ang kalikasan, dahil mas nababawasan ang demand sa mga karne at processed foods—bagay na itinataguyod ng developers ng nasabing app.
“Our nutrition expert Professor Cayetano told us that fruits and vegetables have less calories and more fiber. So, if you eat more of them, at least, you’d be less susceptible to lifestyle diseases such as cardiovascular diseases or diabetes that affects a lot of Filipinos,” ani Madrid.
Bukod sa layunin ng HEAL-PH na hikayating kumain ng mga pagkaing pampalusog ang mga estudyante, hangad din nitong malaman ang koneksyon at epekto ng eating habits sa kalikasan sa pamamagitan ng impormasyong nakakalap nito mula sa kanilang users. Ang pagsasama-sama ng ganitong karaming impormasyon sa isang mas maayos na pamamaraan ay ginawang posible ng data science.
Dagdag pa ni Madrid, “This science will help you put two and two together. So here, what we are trying to see is the PHD concept talks about its impact on the planet, and it’s hard to gauge the impact individually. But if you try to combine all the data from all the students here in UP, for example, 14,000 meals, it might be significant now on a planetary scale.”
AI para sa kaunlaran
Kasabay ng patuloy na pag-usbong ng kahalagahan ng teknolohiya sa pang-araw-araw nating pamumuhay, nakikita ng HEAL-PH ang gampanin at kontribusyon ng mga normal na mamamayan, o ang mga magiging users pa nito, sa paglikha ng mga datos na makatutulong sa mas komprehensibong pag-aaral ng PHD.
Sa pagsisimula sa simpleng paggamit ng app, kasama ang mga gumagamit nito sa pagkalap ng mga datos tungkol sa kanilang personal diet na nagiging bahagi ng mas malaking data set para sa pag-aaral ng kalusugan.
Para kay Madrid, “We simply let the user become the scientist—you are the one generating data for the common good.”
Isa si Alex sa mga nakiisa sa paunang paggamit ng app. Ayon sa kanya, nakikita niya ang importansya ng ganitong teknolohiya sa pagsusulong ng kolektibo at mas bagong approach na parte ng mga pag-aaral sa mundo ng siyensya, na siya namang susundan ng mas tuwirang pagpapahalaga sa PHD.
“Para sa mga future users, sana ma-appreciate nila ‘yung use of AI lalo na ngayon na maraming may ayaw sa ganoon, maraming nang-aabuso, sana ma-appreciate nila ‘yung ganitong integration ng AI pagdating sa mga application na nagagamit natin pang-araw-araw kasi ako araw-araw ko ginagamit ‘yung app,” banggit ni Alex.
Sa kabila ng banta ng teknolohiya tulad ng AI sa mga tao, isang malaking hamon pa rin ang balanseng paggamit nito bilang isang tulong nang hindi inaabuso. Isa ang HEAL-PH sa mga pagpapatunay na maaaring magkaroon ng responsableng paggamit ng AI, kasangga ang kontribusyon ng mga tao, sa patuloy na pagpapaunlad ng ating kaalaman at mas malalim na pag-aaral sa ating kalusugan at kalikasan.