Kasaysayan ng mga natural na kalamidad tinalakay sa UPLB webinar

Ulat nina Hanna Renalen Morales at Christine Joyce Llamelo

Pagtama ng mga bagyo at pagputok ng mga bulkan — ano ang kasaysayan ng mga ito sa Pilipinas?

Ito ang naging talakayan sa sa isang webinar na pinangunahan ng University of the Philippines Los Baños (UPLB) Department of Social Sciences (DSS) katuwang ang UPLB General Education (GE) Council noong ika-25 ng Nobyembre 2024 sa Zoom.

Pinamagatang “UPLB GE Conversation on the History of Disasters in the Philippines,” ang nasabing webinar ay bahagi ng KAS1 (Kasaysayan ng Pilipinas) at HIST1 (Philippine History) na GE courses ng UPLB.

Sinimulan ang talakayan ni Dr. Kerby C. Alvarez mula sa Department of History ng UP Diliman sa kanyang lektura na pinamagatang “Typhoons as subject and object of historical research.” Nilinaw niya rito ang paraan kung paano itinuturo ang kasaysayan sa mga piling textbooks sa paksang Araling Panlipunan (AP) sa mga mag-aaral ng Grade 5 at 6. Tinalakay niya rin konsepto ng “Filipino Resilience” kaugnay ng mga sakuna.

Samantala, binigyang diin naman ni Dr. Ma. Florina Orillos-Juan ng Department of History ng De La Salle University (DLSU) Manila sa kanyang pagtatalakay ng “Disasters have histories: A proposition to integrate the history of volcanic eruption in KAS1/HIST1.” Ayon sa kanya, ang pagputok ng bulkan ay maituturing na pinaka mapaminsalang sakuna na maaaring magdulot ng matinding pagbabago sa lipunan, ekonomiya, at kultura.

Pinangunahan naman ni Dr. Gilbert E. Macarandang ng DSS ang isang malayang talakayan kasama ang mga kalahok at mga tagapagsalita.

Sa pambungad na pananalita ni Dr. April Hope T. Castro, Director ng UPLB GE Program, binigyang diin niya ang importansya ng pag aaral ng historya ng mga sakuna sa bansa at kung paano ito nakakaapekto sa mamamayan.

Nagbigay naman ng mensahe si Dean Dr. Chrysline Margus N. Piñol ng College of Arts and Sciences (CAS) ukol sa kahalagahan ng paksa ng talakayan sa mga susunod na siyentipikong pag-aaral.

Sa mensahe naman ni UPLB Chancellor Jose V. Camacho, Jr., kaniyang ipinahayag ang kagandahan ng aktibidad, na nagkaroon ng pagkakataong tingnan nang mas malalim ang mga pangyayari ng mga natural na sakuna sa pananaw ng mga historyador, at partikular na rin sa mga sakunang naranasan natin kumakailan lamang.

Sa pangwakas na mensahe ni Asst. Prof. Reidan M. Pawilen, tagapangulo ng DSS, nabanggit niya ang ilan sa mga kalamidad na naranasan ng bansa tulad ng pagtama ng Bagyong Kristine at pagputok Bulkang Taal. Lubos siyang nagpasalamat sa mga tagapagsalita at sa lahat ng mga dumalo, at sa mga bumuo ng aktibidad.

Inaasahang ng DSS na magiging face-to-face na ang GE Conversation sa susunod na taon.