EdukLaro, panibagong pamamaraan sa pagtuturo

Ulat ni Jedd Kristoffer Abordo

Sabik ang mga estudyante sa paglalaro sa UPLB Freedom Park.
(Litrato mula sa UP ADS)

Anong nga ba ang mas masaya: ang mag-aral o ang maglaro?

Sa bawat sandali, may umaalab na tensyon bunga ng madugong labanan ng isipan ng mga mag aaral kung sinong mas angat at sinong mas lamang sa dalawang ito. Kasama ang matinding pagninilay-nilay na para bang magdedesisyon kung sino ang maliligtas sa larong The Walking Dead.

Sa Pilipinas, hindi bago ang walang humpay na hiyawan at sigawan sa kalye sa tuwing sasapit ang hapon, na para bang may munting paalala na sa ganitong oras ay may mga batang nagsisigawan at naglalaban, na minsan pa’y umaabot sa pinakatodong lebel ang adrenaline sa tuwing natatanaw na nila ang matamis na tagumpay. 

Para sa kanila, ang kalsada’y tila nagsilbing isang battlefield kung saan sila’y lumalaban para sa trono. Ang lakas maka olympics ng kanilang laban, na sa bawat laro ng tumbang preso, taya-tayaan, at iba pa, ay nakalilikha sila ng mga panibagong estratehiya upang sa dulo ay sila ang mag-wagi. 

Mala-olympics na paligsahan ng mga estudyante sa pagsalo ng itlog (Litrato mula sa UP ADS)

Makikita sa katapusan ng isang paligsahan ang abot matang ngiti ng mga batang nakasungkit ng pinakamatamis at inaasam na pagkapanalo. 

Ngunit para kay Sir Jon Paul Maligalig (Sir JP), isang propesor mula sa College of Education sa University of the Philippines Diliman, ipinagsama niya ang konsepto ng paglalaro sa kanyang mga klase.

Paglalaro at Edukasyon

Tunay ngang masikhay ang mga kabataan sa mga laro. Ang kasikhayan na ito ng mga kabataan ay madalas nang ginagamit sa loob ng silid-aralan.

Ang konsepto ng paglalaro ay unti-unti nang isinasama sa pamamaraan ng mga guro upang mapataas ang motibasyon at mapaunlad pa ang kalidad ng kanilang pagkatuto.

Sinong mag aakala na ang dalawang nagtutunggalian sa atensyon ng mga mag aaral ay mistulang magtutulungan upang mas mapaunlad pa ang isa’t isa. Para bang pagtutulungan nina Luke Skywalker at Darth Vader upang matalo si Emperor sa Star Wars.

Pagpapahayag ni Sir JP na mayroong tatlong paradima sa edukasyon at laro: ang game-based teaching, simulation game-based learning, at gamified learning. 

“Isang motivation, okay? Game-based teaching [yon]. Yung pangalawa, yung game as the learning experience, so simulations game-based learning. Merong gamified learning na you take one or several of the elements, but not all… tapos you make your learning system feel like a game,” pagpapaliwanag niya.

Dulot sa edukasyon

Tulad na lamang ng pagpili ng mga armas sa isang RPG game o kaya naman ang pagpili ng kakampi sa tumbang preso, meron itong katumbas na mga positibo at negatibong epekto sa daloy ng isang laro. Sa kasong ito, epekto sa pagpapaabot ng mga aral sa loob ng silid. Ngunit, nasa sa kamay na ito ng mga tagapangasiwa kung paano nila ito pamamahalaan.

Sa usapin ng electronic learning o e-learning, nakakabit dito ang 21st century learning skills na kolaborasyon, kung saan pinapahalagahan nito ang maayos na diskurso sa loob at labas ng silid.

Ani Sir JP, “So ngayon, kumbaga, sinabi natin kanina ano, kahit saan, kahit anong panahon, diba? Ngayon, meron na ring kahit sino, diba?”

Paglalaro ng political animal gameplay ng mga mag aaral sa kanilang klase. (Litrato ay mula kay Sir JP)

Kaniya ring ipinaliwanag na ito’y isang pamamaraan upang magkaroon ng isang “strategic mindset” ang mga mag aaral.

Aniya, “kunware, dalawa yung trabaho ko today, ano yung ipa-prioritize ko, 100% alin yung ano? That can also come from ano eh, from your experiences in games, how you make those kinds of decisions. ”

Dagdag pa niya na kung ang aralin ay maaaring gawing game-based o gamified, mas mainam kung iaangkop ito. Ngunit kinakailangan nito ang pantay na presensya ng panig ng propesor at ng mag aaral sa pisikal at online platforms. 

Kaakibat ng pantay na presensya ng mga propesor ang pagkabahala ni Lalie Centeno, mag aaral ng BS Development Communication sa Unibersidad ng Pilipinas Los Baños (UPLB). Ipinahayag niya ang maaaring negatibong dulot nito sa pagkakaroon sa pag-aaral ng kanilang mga estudyante.

Mula naman kay Franz Llagas, mag aaral ng BS Development Communication sa UPLB, ang  isa sa mga maaaring setbacks nito ay ang kakulangan sa mga updated gadgets ng mga estudyante, na siyang maaaring makaapekto sa pag access nito sa mga materyales. 

Mga Pala-palagay

Sa usapin ng gamified learning, tila may kakulangan pa sa experience points ang mga mag aaral pagdating sa mga konseptong ganito. Sa panayam sa ilang mga estudyante ng College of Development Communication (CDC) ng UPLB, marami sa kanila ang bago sa pandinig ang konseptong ito.

Ngunit, dahil nga bago ito para sa nakararami, maaari itong magdulot ng mga maling pala-palagay. 

Ayon kay Sir JP, ang isa sa mga maling hinala rito ay ang ideya na ang paglalagay ng mga laro sa leksyon ay nagpapasaya sa mga estudyante. Iginiit niya na mula sa kaniyang karanasan bilang guro, ang nagpapasaya sa mga estudyante ay ang mga aral na kanilang napupulot, at hindi ang mga larong inihahalo sa mga modyuls.

“I’m thinking kasi na we are hard, people are hard-wired to learn, it’s an evolutionary response. So, I think yung fun, yung pleasure, na nakukuha natin, can also come from learning… I’m learning something, itutuloy ko lang siya, na-e-enjoy ko siya kasi natututo ako, diba,“ pagpapaliwanag niya.

Ang paglalagay ng laro sa leksyon ay isang palamuti lamang upang mas mapaunlad ang pagpapadaloy ng mga aralin, at upang sila ay hindi lamang maging isang passive listeners, bagkus sila’y active listeners din.

Pagpapaliwanag niya, “Gusto natin two-way pero sometimes, ‘di nag pa-participate yung iyong receiver kasi, bakit? Kasi gusto ko naka-set up lang yung system mo ng communication na ikaw lang eh, diba? So what we are doing in introducing games is to really get that active response from them (students) kasi no learning [will] happen if hindi sila kikilos, diba?”

Kaniya ring iginiit na ang pagkakaroon ng e-learning sa pamamaraan ng pagtuturo ay hindi nangangahulugang high-tech dapat ang mga mag aaral at ang mga guro. Aniya, maaari pa rin tayong gumamit ng mga flipchart at diorama bilang mga midyum. 

Dagdag pa niya na maaari rin gamitin ang mga board games at card games sa pag aaral, kinakailangan lamang na mai-ugnay ito nang maayos sa learning objectives. 

Paggamit ng mga offline na midyum sa isang sa DEVC 40 class noong 2014. (Litrato ay mula kay Sir JP)

Mga pagpapaunlad

Ang pagkakaroon ng e-learning, lalo na ang gamified learning, sa mga diskurso sa loob ng silid-aralan ay siyang nakatutulong upang mas mapaunlad ang kalidad ng edukasyon sa Pilipinas. 

Nagpaabot ng payo si Sir JP sa mga gurong nais mag-integrate ng laro sa kanilang pagtuturo. Aniya, maglaro lamang kayo ng kahit na ano. 

“Just play games, kahit uno lang yan, kahit tongits. You develop this game mindset na nag-iisip ako ng strategy, how I should win or should I win right now kasi isa din yan eh,” dagdag niya.

Bukod pa rito, sa kasalukuyan ay wala pang masyadong mga batas at mga polisiya na nakatuon sa e-learning. 

Kaya naman, isa sa mga hiling ni Sir JP para sa pagpapaunlad ng sektor ng edukasyon ay magkaroon ng batas na magbibigay ng kalayaan sa mga guro na makapaglungsad ng sarili nilang pamamaraan sa pagtuturo. 

“The way things are, there are teachers who want to innovate pero they can’t kasi tali yung kamay nila na pag sinabi ng DepEd or ng CHED, ayun yung masusunod…” pagpapaliwanag niya.

Dagdag pa sa kaniyang mga nais ay kung sakaling swak ang kurso sa e-learning, magkaroon sana ito ng “mandatory Learning Management System (LMS)” sapagkat nakatutulong ito sa pagpapadali ng grading, pag aayos ng mga management tasks, at nagiging available online ang mga materyales. 

Bukod pa rito, lumikha rin siya ng isang policy paper kung saan kinakailangan pantay ang presensya ng mga guro at estudyante sa pisikal at online na pagtuturo. Para ito gawing accessible ang mga bagay na maaari namang gawing online.

Aniya, “So we should really explore that and be open-minded about it kasi ang dami nating ma-iinclude na excluded sa education if something like that takes place na may LMS na tapos parehas lang yung turing sayo kung physical or virtual lang yung presence mo. ‘Yung mga taong taga malayo suddenly accessible ang education sa mga centro.”

Mula sa katanungan, maaari nating pagsamahin pa ang paglalaro at pag-aaral  upang mas mapaunlad pa natin ang karanasan ng mga bata sa loob ng isang silid-aralan at ang kalidad ng edukasyon sa Pilipinas. 

Pahayag nga ni Sir JP, “may mga ganon kasing considerations na we should really think about in the 21st century Philippines kung gusto nating umasenso talaga, simulan natin dun sa mindset.”