Ulat ni Shaira Grace Desagun
Anong gagawin mo kung manalo ka sa lotto?
Sumentro sa usapin ng kahirapan, pang-aabuso sa bata at kababaihan, at nihilismo ang pelikulang “Moneyslapper” na ipinalabas sa UPLB NCAS Auditorium noong Marso 12 hanggang 13. Ang UPLB unang napuntahan ng campus tour ng pelikula.
Pinagbibidahan ito ni John Lloyd Cruz na nagbigay buhay sa karakter ni Daniel, isang biktima ng child trafficking na nagbago ang buhay mula nang manalo ng 200 bilyong piso sa lotto. Kasama din si Jasmine Curtis-Smith na gumanap naman bilang Jessa, babaeng lumaki sa relihiyosong pamilya na nagnanais ng tunay na paglaya mula sa macho-pyudal na sistema ng lipunan.
Nagkaroon din ng talkback session matapos ipalabas ang pelikula upang makapagpahayag ng repleksyon o makapagtanong ang mga estudyante sa mga taong nasa likod ng pelikula.
Nakadalo sa unang araw ng screening sina Direk Bor Ocampo, Film Cinematographer Larry Manda, at aktor na si Timothy Castillo. Habang si Lloyd naman ay birtwal na dumalo sa Zoom meeting. Sa pangalawang araw naman ay nakadalo pa rin nang birtwal si Direk Bor kasama si Curtis-Smith sa Zoom.
Ang pagtampok sa pelikulang ito ay bahagi ng Take One: Glimpse of Reality, isang inisyatibo ng UP Alliance of Development Communication Students (ADS) na naglalayong maipakita ang husay ng pelikulang Pilipino sa pagsasabuhay ng mga laganap na isyung panlipunan.
“Kayo ang dahilan kung bakit patuloy kaming gumagawa ng pelikula,” pahayag ni Direk Bor.
Ang malilikom na pondo ng UP ADS ay kanila ring gagamitin para sa Communication Students’ Summit, isang nasyonal na pagtitipon upang talakayin ang kontribusyon ng larangan ng komunikasyon sa pag-unlad ng lipunan. Gaganapin ito bago matapos ang semestre.
Pagbuo sa Pelikula
Espesyal kung ituring ni Direk Bor ang pagbuo sa pelikulang ito dahil sa pagkakatulad ng ilang parte ng kwento sa kanyang personal na buhay.
“‘Yong tatay ko kasi, tumataya [siya] palagi [sa lotto]. Tapos ‘yung brother ko ayon ‘yung naging krisis niya. Kaya wala akong takas sa ganitong reyalidad,” saad ni Direk Bor nang tanungin sa kaniyang naging inspirasyon sa pagbuo ng pelikula.
Natalakay din na inabot ng pitong taon ang paglikha sa pelikula. Ikinuwento ni Direk Bor na marami itong napagdaanang hamon katulad ng pagpapalit ng ilang miyembro ng produksyon hanggang sa hirap na inabot nila mula ng magkaron ng pandemya.
Nabanggit din ni Direk Bor ang dalawang beses na pagsubok at pagkabigo na maipasok ito sa Metro Manila Film Festival (MMFF).
“Ayaw kasi ng mga kapitalista sa non-commercial,” saad niya.
Samantala, ikinuwento naman ni Direk Larry ang maingat na paglapat ng sinematograpiya upang mabigyan ng hustisya ang mensahe ng palabas. Ibinida niya ang konsepto ng ambivalence o ang pagpapakita ng kontradiktadong pananaw na teknikal para sa personalidad ng mga karakter.
Reaksyon ng mga manonood
Hayop!, nakakagulantang, unexpected, insane.
Ilan ito sa mga naging reaksyon ng estudyante matapos mapanood ang pelikula.
“Pinakita ng film na ‘to ‘yung nangyayari sa’ting mga Filipino na hindi napapalabas sa mainstream. Kino-commend ko talaga [ito] …kasi importante pa rin para sa kanilang marinig ‘yung boses ng mga tao, lalo na ‘yung mga marginalized,” pahayag ng isang UP student sa isang panayam ng UP ADS.
Kinilala ng mga nanood ang ipinamalas na katapangan ng pelikula upang kumalas sa tradisyunal na tema at magbukas ng bagong mukha para sa pelikulang Pilipino.
“Bihira ang ganitong tema sa sining. Naipakita sa movie ang hindi magandang side na dala ng pera lalo na kung tubo ka rin ng hindi magandang nakaraan,” pahayag naman ni Arelle Flores, isang UPLB student.