Ulat nina Angeline Galacgac, Victor Broz Domingo, at Abby Ordoñez

Nagdagdag ng mga poster at signage ng CLAYGO sa iba’t ibang bahagi ng UPLB campus bilang bahagi ng patuloy na pagpapatupad ng polisiya (Victor Broz Domingo/LB Times)
“Dapat huwag mawala ‘yung CLAYGO na ‘yan, para sa akin. Sana dire-diretso para sa ikauunlad din, sa ikagaganda ng ating unibersidad.”
Ito ang pahayag ni Cesar Atienza, Administrative Aide IV ng College of Development Communication (CDC), na matagal nang saksi sa problema sa basura bago ipatupad ang Clean as You Go (CLAYGO) Policy sa Unibersidad ng Pilipinas Los Baños (UPLB).
Sa kasalukuyan, aniya, “nasa 40% na lang” ang dami ng basura. Ang personal niyang obserbasyon ay tugma sa datos ng unibersidad na bumaba ng humigit-kumulang 70% ang solid waste generation mula noong inilunsad ang polisiya.
Noon at Ngayon
Sa loob ng pitong taon sa CDC, kabisado na ni Atienza ang dating sitwasyon ng basura.
“Noong hindi pa naa-apply ang CLAYGO, parang walang direksyon ‘yung basura. Kung saan na lang maitapon… Kahit puno na ‘yung basurahan, nagpupumilit pa rin na lagyan. Kaya nagagalaw ng mga hayop.”
Kaya’t nang malaman niya noong nakaraang taon na ipatutupad sa buong campus ang CLAYGO, malinaw agad sa kanya ang maaaring idulot nitong pagbabago, hindi lamang sa sistema ng pamamahala ng basura, kundi pati sa paghubog ng disiplina sa komunidad.
“Kung wala silang makikitang basurahan, wala silang choice kundi iuwi ang basura,” wika ni Atienza.
Nang tanungin hinggil sa epekto ng polisiya sa kanyang trabaho, sinabi ni Atienza na mas naging magaan ito dahil mayroon nang mga itinalagang basurahan sa kolehiyo na bawat isa ay may palatandaan para sa tamang uri ng basura.
Mga Rason sa Pagpapatupad ng CLAYGO
Ang CLAYGO ay bahagi ng WASS UP, LB!, isang kampanya sa loob ng unibersidad na naglalayong bawasan ang nalilikhang basura at padaliin ang koleksiyon nito.
Ang WASS o waste-at-source segregation ay ang paghihiwalay ng basura mula sa mismong pinanggagalingan bago pa man kolektahin.
Kabilang sa polisiya ang planadong pagtanggal ng mga basurahan sa labas ng mga gusali at iba pang open areas gaya ng Freedom Park.
Ang CDC ang unang kolehiyo sa UPLB na nagpatupad ng WASS UP, LB! kaya maagang naranasan ni Atienza ang mga epekto nito bago pa man ipinatupad sa buong campus.

Naglagay ng mga basurahang may magkakahiwalay na label para sa iba’t ibang uri ng basura sa mga gusali ng kolehiyo at iba pang bahagi ng kampus upang hikayatin ang wastong waste segregation bilang bahagi ng campus-wide CLAYGO campaign. (Abby Ordoñez/LB Times)
Inilahad ni Engr. Christian Paulo C. Altoveros, Pollution Control Officer sa ilalim ng Office of the Vice Chancellor for Community Affairs (OVCCA), na ang hakbang na ito ay batay sa tatlong pangunahing dahilan na paulit-ulit na lumilitaw sa dating sistema.
Ayon sa kanya, ang unang dahilan sa pagtanggal ng outdoor trash bins ay ang maling paggamit nito bilang tapunan ng malalaking sako ng basura.
Nabanggit niyang maraming beses na nakatanggap ang kanilang opisina ng ulat na may mga sasakyang nag-iiwan ng malalaking black garbage bags sa ibabaw o tabi ng mga basurahan.
“‘Yung trash bin, designed siya for personal waste,” paliwanag niya, “pero ang nangyayari, parang ginagawang tambakan siya ng basura.”
Ikalawang dahilan ang hindi pagiging angkop ng mga outdoor bins sa patakaran ng WASS UP, LB! na itaguyod ang waste-at-source segregation.
Ipinaliwanag ni Engr. Altoveros na dahil single-compartment lamang ang mga dating basurahan na nasa labas, hindi ito nakadisenyo upang maisagawa ang tamang paghihiwalay ng iba’t-ubang uri ng basura.
Ikatlong dahilan naman, ani niya, ang pagkalat ng mga basura kapag naaabot at nagagalaw ng mga stray animals.
Pinatotohanan din ang mga rasong ito ng karanasan ni Atienza, na nagbahagi na “Noong hindi pa naa-apply ang CLAYGO, parang walang direksyon ‘yung basura. Kung saan na lang maitapon… Kahit puno na ‘yung basurahan, nagpupumilit pa rin na lagyan. Kaya nagagalaw ng mga hayop.”
Pagbaba ng Basura at Gastos: Ang Datos
Ipinapakita ng datos mula sa OVCCA na malaki ang ibinaba ng solid waste generation ng UPLB at malaking pagtitipid ang naidulot nito simula nang ipatupad ang CLAYGO noong Abril 2024.
Bago ang implementasyon, nakapagtala ang unibersidad ng humigit-kumulang 375 hanggang 425 cubic meters (m³) ng basura kada buwan mula Enero hanggang Marso 2024.
Pagdating ng Abril, nang simulan ang CLAYGO, bumaba ang monthly waste generation sa humigit-kumulang 140 cubic meters (m³), at nanatiling nasa 93 hanggang 127 cubic meters (m³) sa mga sumunod na buwan.
Sa kabuuan ng 2024, ang dating average na 397 cubic meters (m³) kada buwan bago ang CLAYGO ay bumagsak sa humigit-kumulang 110 cubic meters (m³), na katumbas ng mahigit 70% na pagbaba.
Tumutugma ang datos na ito sa obserbasyon ni Atienza na nakapansin na nasa “40% na lang” ang dami ng basura. Nang nabanggit niya ito, hindi pa niya alam ang aktwal na waste data.
Hindi natapos noong 2024 ang positibong pagbabago sa dami ng basura dahil nanatiling kontrolado ang solid waste generation ng UPLB hanggang 2025.
Sa una hanggang ikatlong quarter ng 2025, nanatili sa humigit-kumulang 100 hanggang 108 cubic meters (m³) kada buwan ang basura, na nagpapakitang epektibo ang CLAYGO sa pagpapanatili ng mababang waste volume sa kampus.
Bukod sa pagbaba ng dami ng basura, malaki rin ang naging epekto nito sa gastusin ng unibersidad.
“Makikita mo talaga ‘yung improvement… So, doon pa lang, malaki na siyang panalo for us kasi it means savings,” ani ni Engr. Altoveros.
Ipinaliwanag niya na ang pagbaba ng basura ay nagreresulta sa mas mababang tipping fees o ang bayad ng unibersidad sa bawat cubic meter ng basurang dinadala sa disposal facility.
Mas kaunti rin ang konsumo ng krudo at biyahe ng mga truck na nangongolekta ng basura kung kaya’t nababawasan ang gastos sa operasyon.
Bago ang CLAYGO, umaabot sa humigit-kumulang PHP 17 milyon sa isang taon (o halos PHP 1.4 milyon bawat buwan) ang ginagastos ng unibersidad sa waste hauling, batay sa standard rate na PHP 1,300 kada cubic meter at sa dating average na halos 400 cubic meters (m³) ng basurang kada buwan.
Matapos ang pagpapatupad ng CLAYGO, bumaba ang solid waste generation sa humigit-kumulang 100 cubic meters (m³) bawat buwan, na nagresulta sa mas mababang gastos na nasa PHP 500,000 hanggang PHP 600,000 bawat buwan depende sa aktwal na volume.
Sa ganitong pagbaba, umabot na lamang sa humigit-kumulang PHP 8 milyon ang taunang hauling cost ng unibersidad, na katumbas ng higit kalahati ng dating gastusin.
Inisyal na Reaksyon ng Komunidad
Kasabay ng pag-alis ng mga basurahan sa labas ang pag-usbong ng iba’t ibang reaksyon mula sa komunidad ng UPLB.
Marami sa mga diskusyong ito ay lumitaw sa mga social media platforms, kabilang na ang mga freedom wall pages, kung saan malaya ang lahat na magpahayag ng kanilang saloobin nang hindi nakikilala.
May ilang komentaryo na pumabor sa polisiya at sinubukang ipaliwanag ang rasyonal nito batay sa kanilang pagkaunawa, tulad ng pangangailangan ng disiplina at maayos na pagtatapon ng basura.
Gayunpaman, mas marami ang naghayag ng pagtutol at pagkadismaya sa polisiya.
Sa halip na tuluyang alisin ang mga basurahan sa labas, ang suhestiyon ng iba ay ang paglaan ng unibersidad ng sapat na pondo para sa waste collection at pagdagdag lalo ng mga basurahang mas angkop at mas maayos ang disenyo.
Batid daw ng OVCCA, ayon kay Engr. Altoveros, ang mga puna at tanong na lumalabas online mula nang ipatupad ang CLAYGO.
Bilang tugon sa mga puna at usapin online, sinabi ni Altoveros na patuloy nilang isinusulong ang polisiya sa pamamagitan ng WASS UP, LB! campaign, na kinabibilangan ng iba’t ibang inisyatiba upang ipaliwanag ang layunin at benepisyo nito.
Sa kanyang pananaw, nagbago rin ang feedback sa paglipas ng panahon, at mas dumarami ang nagiging bukas sa polisiya lalo na “Kapag naipaliwanag mo sa kanila nang maayos, I think they are more willing to accept it.”
Dagdag niya, mas mainam na idulog ang mga tanong at reklamo sa tamang tanggapan, partikular na sa OVCCA, upang matiyak na tama, kumpleto, at mapagkakatiwalaan ang impormasyong natatanggap ng komunidad.
Iba Pang Hamon
Sa kabila ng mga positibong pagbabago, may mga ilang hamon pa ring kinakaharap ang sistema, lalo na sa operasyon nito.
Isa sa pangunahing hamon na binanggit ni Engr. Altoveros ay ang kalagayan ng ilang truck ng University Planning and Maintenance Office (UPMO) na kasalukuyang may sira o nasa ilalim ng maintenance, na nagiging dahilan kung bakit minsan ay napupuno ang basura sa ilang kolehiyo bago makolekta.
“Mahirap magpatupad ng policies kung ang instruments mo ay hindi nagwo-work properly,” ani niya.
Dagdag pa niya na ang waste-at-source segregation policy ng unibersidad ay naka-angkla rin sa takbo ng waste-to-energy facility, na kasalukuyang hindi gumagana dahil under maintenance rin ito.
Ang waste-to-energy facility na ito ay ang nagko-convert ng basura, tulad ng mga plastic at papel, sa kuryente sa pamamagitan ng combustion process.
Dahil nakahinto ang operasyon ng pasilidad, dinadala muna sa isang landfill site ang mga nakokolektang basura kaya hindi ito nare-recycle o nako-convert sa enerhiya.
Binanggit din niya na wala pang konkretong monitoring instrument upang matukoy ang antas ng pagsunod ng bawat kolehiyo sa tamang segregation, kaya limitado ang kanilang kakayahang masuri ang antas ng pagsunod sa buong kampus.
“Sa ngayon, hinihintay lang natin na maayos ‘yung mga instruments natin. Mahirap kasing magpatupad ng policy kapag ang instruments mo ay hindi gumagana.”
Para sa Hinaharap
Ang magiging direksyon ng CLAYGO at WASS UP, LB! sa mga darating na taon, para kina Engr. Altoveros at Atienza, ay nakasandig sa tatlong haligi: ang disiplina ng bawat indibidwal, ang tuloy-tuloy na pagsunod ng komunidad, at ang pagkakaroon ng maayos na sistemang teknikal na susuporta sa araw-araw na pamamahala ng basura.
Naniniwala si Atienzana kahit gaano pa ka-strikto ang pagpapatupad ng polisiya, “kung wala namang disiplina ang tao sa pagtatapon ng basura, walang patutunguhan.”
Para naman kay Engr. Altoveros, mahalagang magpatuloy ang positibong pagbabago dahil, aniya, hindi sapat ang siglang nakita noong una kung hindi mapapanatili o higit pang mapapababa ang solid waste generation habang nagpapatuloy ang implementasyon.
Sa usapin ng mga sistemang teknikal, binigyang-diin ni Engr. Altoveros ang kahalagahan ng contingency plan o ang pagkakaroon ng malinaw na plano kung ano ang gagawin kapag nagkaaberya upang hindi maputol ang operasyon, lalo na kung may masirang truck o biglaang kakulangan sa kagamitan na kinakailangan para sa pangongolekta ng basura.
Samantala, panawagan naman ni Atienza ang patuloy na koleksyon ng basura sa mga kolehiyo araw-araw upang hindi maipon ang basura at mapanatiling maayos ang paligid.
Sa huli, ayon sa kanilang pananaw, nag-uugat ang lahat ng pagsisikap na ito sa mas malawak na hangaring mapangalagaan ang kampus bilang isang pampublikong espasyo at mapanatili itong maayos para sa mga susunod pang henerasyon.