Kulturang binurda: Pag mawala na kami, paano na?

Ulat nina Althea Hinojosa at Andi Miranda

Si Ms. Nila Adonna (KALIWA) at si Ms. Gina Domingo (KANAN), mga mambuburda sa bayan ng Lumban, Laguna, na nagbuburda ng calado sa isang apakan at nag didisenyo para sa isang barong. (Althea Hinojosa/LB Times)

“Kasi kapag hindi nag-aral ang mga kabataan at nawala na kami, paano na? Wala nang magbuburda sa bayan ng Lumban,” panawagan ni Gina Domingo, isang 58-anyos na mambuburda mula sa Barangay Concepcion, Lumban.

Bata pa lamang si Domingo ay bahagi na ng kanilang pamilya at komunidad ang pagbuburda. Natutuhan niya ang sining at ipinagpatuloy ito bilang kabuhayan at paraan ng pagpapanatili ng kulturang kaniyang minana.

Ngunit sa pag-usbong ng mga bagong teknolohiya at pagbabago sa interes at kabuhayang pinipili ng mga kabataan, nangangamba siyang unti-unting mabawasan ang mga nagpapatuloy ng burdang Lumban, o burdang kamay. Para kay Domingo, nanganganib ang industriya kung walang susunod na henerasyon ng mga mambuburda.

Ang halaga ng pagbuburda sa Lumban

Malaki ang naging bahagi ng pagbuburda sa buhay at kabuhayan ni Domingo. Lumalahok siya sa mga trade fair at nakikipagnegosyo sa iba’t ibang kliyente. Sa paglipas ng panahon, nakilala ang kaniyang pangalan at mga likha maging sa labas ng Lumban.

Nakatulong din ang social media upang mas madaling maabot ng kaniyang mga produkto ang mga mamimili sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Aniya, ang isang caladong barong na nakasabit lamang sa kaniyang pagawaan isang araw ay maaari nang makarating sa Cagayan Valley kinabukasan at maisuot ng isang politiko. Mula rito, maaari pang makilala ng ibang mamimili ang kaniyang gawa.

Hindi lamang kabuhayan ang pagbuburda sa Lumban. Mahigpit din itong nakaugnay sa kultura at identidad ng bayan. Sa mismong arko sa pagpasok ng Lumban ay makikita ang disenyong hango sa burdang kuwelyo, habang matatagpuan sa iba’t ibang bahagi ng bayan ang mga tindahan at pagawaan ng mga burdado at barong.

Si Jayson M. Lagrada, Head of Lumban History, Arts, Culture and Tourism Office ng pamahalaang bayan. Ang opisina niya ang nangunguna sa mga programa ukol sa kultura ng Lumban, isa na ang Burdang Lumban Festival at mga programang pang edukasyon. (Andi Miranda/LBTimes)

Ayon kay Jayson M. Lagrada, pinuno ng Lumban History, Arts, Culture, and Tourism Office, nananatiling mataas ang demand para sa burdang Lumban, partikular sa mga kawani at opisyal ng pamahalaan. Iniugnay niya ito sa Revised Dress Code for Government Officials and Employees, na humihikayat sa pagsusuot ng mga kasuotang may disenyong Pilipino sa ilang araw ng trabaho.

Para sa mga mambuburda, kaakibat ng pagkilala sa isang magandang barong ang pagkilala rin sa mga kamay na lumikha nito.

Burdang Lumban bilang namanang tradisyon

Ayon sa isang pag-aaral, marami sa mga mambuburda sa Lumban ang hindi dumaan sa pormal na pagsasanay. Sa halip, natutuhan nila ang pagbuburda mula mismo sa kanilang mga pamilya. Marami ring negosyo sa industriya ang pagmamay-ari at pinatatakbo ng mga pamilya, kaya mahalaga ang pagpasa ng kaalaman at kasanayan mula sa isang henerasyon patungo sa susunod.

Ganito natutuhan ni Domingo ang pagbuburda. Labinlimang taong gulang pa lamang siya nang magsimula, matapos itong matutuhan mula sa kaniyang ina at lola. Ipinagpatuloy niya ang pagbuburda hanggang sa magkaroon siya ng sariling pamilya.

Aniya, bago naging laganap ang mga gadget at social media, mas madaling mahikayat ang mga bata sa kanilang komunidad na matutong magburda dahil bahagi ito ng kanilang pang-araw-araw na kapaligiran.

Sa kasalukuyan, nakikita ni Domingo ang iba’t ibang hamon sa pagpasa ng tradisyon. Kabilang dito ang paggamit ng computerized embroidery at ang pagkakaroon ng iba pang mapagpipiliang hanapbuhay at interes ng mga kabataan.

Pagpasa ng tradisyon sa labas ng pamilya

Para kay Domingo, hindi dapat manatili lamang sa loob ng pamilya ng mga mambuburda ang pagpasa ng kaalaman.

“Para hindi mawala ‘yung […] tradisyon, lalo na ‘yung mga anak-anak ng mambuburda dito sa bayan ng Lumban, ay dapat din maturuan […] dapat […] makagawa sila ng proyekto na ituro ito,” ani Domingo.

Nais niyang magkaroon ng mas pormal na pagsasanay sa pagbuburda na may suporta at pondo mula sa pamahalaan. Sa ganitong paraan, maaari ring matuto ang mga out-of-school youth at iba pang kabataang interesado sa sining kahit hindi sila nagmula sa pamilya ng mga mambuburda.

Ayon kay Lagrada, nakikipag-ugnayan ang lokal na pamahalaan ng Lumban sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para sa sertipikasyon sa pagbuburda, kung saan maaaring magsilbing tagapagsanay ang mga master embroiderer mula mismo sa bayan.

Nakikipag-ugnayan din ang lokal na pamahalaan sa mga programang tulad ng Lakbay-Aral upang maipakilala sa mga kabataan mula sa Maynila at iba pang lugar ang kasaysayan ng Lumban at ang kahalagahan ng pagbuburda sa kultura ng bayan.

Hindi lamang pormal na pagsasanay ang ginagamit upang hikayatin ang kabataan.

“Para mahikayat mo sila sumali, [aalamin] mo ang mga kagustuhan nila […] para alam nila kailangan sila sa programa,” ani Lagrada.

Sa pamamagitan ng mga kompetisyon at aktibidad para sa kabataan sa Burdang Lumban Festival, layon ng lokal na pamahalaan na mapanatili ang interes ng bagong henerasyon sa tradisyon.

Ngunit para kay Domingo, hindi dapat matapos sa isang taunang pagdiriwang ang pagpapahalaga at pagtuturo ng pagbuburda. Kailangan aniyang patuloy na hikayatin at sanayin ang mga kabataan upang maipasa sa kanila ang tradisyon.

Kabataan at kinabukasan ng Burdang Lumban

Isa sa mga kabataang nagpapatuloy ng tradisyon si Ashley, isang 17-anyos na senior high school student sa Laguna.

Hindi agad naging interesado si Ashley sa pagbuburda noong bata pa siya. Ngunit nang magsimula siyang tumulong sa negosyo ng kaniyang mga magulang, unti-unti niyang nakita ang halaga ng sining at kabuhayang matagal nang bahagi ng kanilang pamilya.

Si Ashley, isang estudyante ng Laguna Senior High School na pinagmanahan din ang pagbuburda sa kanyang pamilya at pinagpapatuloy rin ang paghasa ng kakayahang ito sa bayan ng Lumban. (Althea Hinojosa/LBTimes)

Naalala rin niyang sabik na lumalahok ang kaniyang mga kapwa kabataan sa mga programa ng Burdang Lumban Festival. Ikinatuwa rin niya ang posibilidad na magkaroon ng programang para sa senior high school students na may kaugnayan sa pagbuburda.

Matapos ang pandemya noong 2020, napansin ni Ashley ang pagdami ng mga bahay at establisimyentong may nakasabit na mga burda at produkto sa labas. Para sa kaniya, senyales ito ng patuloy na sigla ng industriya at naging dahilan upang lalo niyang pahalagahan ang kasanayang minana niya sa kaniyang pamilya.

“Sana mas tangkilikin natin at mas ma-improve natin ang production, mga design […] kailangan mas maging boom siya sa loob para mas maging maganda siya sa labas,” ani Ashley.

Marami nang nagbago mula nang unang humawak ng karayom si Domingo sa edad na 15. Nagbago ang paraan ng pagbebenta, dumating ang social media, at lumaganap ang mga makabagong makina at computerized na paraan ng pagbuburda. Sa panahong ito rin lumalaki ang isang bagong henerasyon tulad ni Ashley, na maaaring magpatuloy sa tradisyong minana ng kanilang mga pamilya.

Sa Lumban, nananatiling buhay ang industriya at demand para sa burda. Ngunit para sa mga mambuburda tulad ni Domingo, ang hamon ay hindi lamang kung may bibili pa ng kanilang mga likha, kundi kung may mga kamay pa ring matututong gumawa ng mga ito sa mga susunod na henerasyon.