Bunga ng Tubuhan: Kababaihan at ang Pamana ng Lupa

Akda nina Louis Andrei A. Ferrera at Jazmine Claire Olorvida

Lumaki si Adi Diaz sa isang tubuhan na itinaguyod ng mga kababaihan sa kanilang pamilya, mula sa kaniyang lola hanggang sa kaniyang ina. Habang naglalaro kasabay ang humuhupang init ay natututo na siyang maggapas at magtanim, at unti-unting nakikilala ang hirap at halaga ng buhay sa tubuhan habang tumatanda.

Si Adi Diaz noong bata pa, nakaupo sa gitna ng tubuhan kung saan siya unang natutong makibahagi sa gawain sa bukid at unti-unting nakilala ang buhay at kahalagahan ng pagsasaka sa kanilang pamilya. | Pinagmulan: talaan ni Adi Diaz

Nahubog nito ang kanilang kabuhayan at maski na ang kanyang pagtingin sa kahalagahan ng lupa at buhay. Umiikot ang kanyang paglaki sa pagtulong sa pamilya at sa dahan-dahang pag-unawa sa dugo’t pawis na danas sa pagsasaka. Ngayon, bilang estudyante sa Unibersidad ng Pilipinas Los Baños sa Laguna, bitbit pa rin niya ang mga kuwento mula sa bukid. Sa bawat pagbabalik niya sa tubuhan, sabay niyang dinadala ang paghanga, pagmamalaki sa pinagmulan, at pati ang pait at dismaya sa mga pagbabagong nagdulot ng kawalan ng katiyakan sa kabuhayan ng kanilang pamilya.

“Ito talaga ang pinagkukunan ng means para mabuhay,” sabi ni Adi. “Pero minsan, parang wala kang kontrol. Hindi mo siya binebenta. Sila ang nagpepresyo.”

Ang kwento ni Adi ay kwento ng maraming anak ng magsasaka. Ito ay kwento ng pagkakaugat sa lupa, ng kolektibong paggawa ng pamilya, at ng sistemang matagal na umasa sa isang asukarera na ngayo’y unti-unting nagbabago. Higit sa lahat, ito rin ay kuwento ng kababaihan na matagal nang kumikilos sa likod ng sakahan, nag-oorganisa sa komunidad, at nagpapatuloy kahit humihina ang industriya.

Tunay na buhay sa tubuhan

“Masalimuot.”

Ito ang salitang malinaw na naglalarawan sa buhay sa tubuhan ayon kay Adi na galing sa pamilya ng mga magsasaka. Mula sa pagtatanim at paghihintay ng halos isang taon, hanggang sa pag-ilo o pagpiga ng bawat pirasong tubo, ang pagtingin ng sugar content para malaman kung kailan mas mainam anihin ang mga tubo, at pakikipag-ugnayan sa asukarera, bawat bahagi ay may kasamang problema. Kapag naantala ang pila o bumaba ang kalidad ng tubo, diretsong apektado ang kita ng pamilya.

Isang parte ng tubuhan kung saan ito’y kabilang sa maraming proseso tulad ng pag-ilo, pagtataya ng sugar content, pag-gapas, at iba pa. | Pinagmulan: talaan ni Adi Diaz

Bilang isang estudyante ng Komunikasyong Pangkaunlaran (Development Communication) sa Unibersidad, mas nakikita na niya ngayon kung paano nauugnay ang buhay sa bukid sa kabuhayan, impormasyon, at pagtingin ng lipunan sa agrikultura.

“Dati, parang hindi ko masyadong nakikita yung pag-aaral bilang essential,” aniya. “Sabi ko, parang kaya naman kumita kahit hindi nakakapagtapos.”

Pero habang lumalaki siya at habang mas lumilitaw na sa kaniya ang ang hirap sa bukid, nagbago ang pananaw niya. “Nakita ko yung sobrang hirap talaga ng buhay, parang kada taon na nalipas, parang humihirap lang nang humihirap.”

Dito rin tumibay kay Adi ang pagpapahalaga sa kung anong mayroon sila. Para kay Adi, isa sa pinakamahalagang aral ng pagsasaka ay ang matutong pahalagahan ang lupa, ang trabaho, at ang bawat bagay na pinaghihirapan. “Yung pagpapahalaga sa kung anong meron ka,” sabi niya. Ito ay kita sa pagtingin nila sa pagsasaka na hindi lamang nagsisimula at nagtatapos sa pagtutubo.

Mahalaga rin para sa kaniya ang usapin ng kabataan at agrikultura. Para kay Adi, hindi madaling yakapin ng marami ang pagsasaka dahil madalas itong tingnan bilang trabahong mabigat ngunit kulang sa katiyakan. Ngunit sa aktuwal na buhay ng mga magsasaka, malinaw sa kaniya na may lalim at talino ang gawaing ito. Kailangan itong aralin, pag-isipan, at suportahan.

Sa ganitong karanasan siya mas lalong naniniwala na mahalagang makilala ng kabataan ang agrikultura hindi bilang hanapbuhay na walang kumpiyansa, kundi bilang isang larangang may pangmatagalang saysay.

Sa huli, ang kaniyang pagtingin sa tubuhan ay hindi pagtingin ng pagod lamang, kundi ng pag-asa na may kasamang pag-unawa. Mula sa bukid hanggang sa pag-aaral sa UPLB, dala niya ang isang mas malawak na pagtanaw sa buhay ng mga magsasaka at sa halaga ng patuloy na pagkapit sa lupa kahit mahirap ang panahon.

Ang mga kababaihan sa komunidad ng tubuhan

Hindi simpleng katuwang sa bakuran ang kababaihan sa tubuhan. Sa pamilya ni Adi, sila ang tumatayo bilang sentro ng araw-araw na buhay at ng mahahalagang desisyon.

Female-centered talaga yung pamilya namin,” ulat niya. “Mula sa lola ko hanggang sa nanay ko hanggang sa amin, naranasan namin. Simula pa noon, parang pagsasaka talaga yung pinagkukunan ng means para mabuhay.”

Para kay Adi, malinaw ito hindi lang sa bahay kundi pati sa komunidad. Ang mga babae ang nag-aayos ng gawain, dumidiskarte kung kailan magtatanim ng gulay bilang alternatibo, at nag-oorganisa ng mga pulong kapag kailangan ng sama-samang pasya.

“Yung mga babae talaga yung nag-iikot; sila yung kumukuha ng mga leadership roles,” saad niya. Sa kaniya, hindi ito usapin ng kakulangan sa lalaki, kundi ng kakayahan ng kababaihan na magbuklod ng, at para sa pamilya at komunidad.

Mula rin sa kanyang pamilya nanggagaling ang lakas ni Adi. Ang lola niya ang naglatag ng pundasyon ng kanilang sakahan sa kabila ng matinding kahirapan, habang ang kaniyang ina ang nagsikap na panatilihin at palaguin ito upang mapag-aral ang mga anak. Sa kanilang mga kamay, ang tubuhan ay naging higit pa sa kabuhayan, ito ay naging pamana.

Kaya para sa kaniya, ang lupa ay hindi lamang pinagkukunan ng kabuhayan. “Ang lupa, panghabang buhay yan,” sabi niya.

Ngayon, bilang isang mag-aaral, mas malinaw kay Adi kung paano konektado ang mga karanasang ito sa mas malawak na sistema. Para sa kaniya, ang mga desisyon sa presyo, akses sa asukarera, at suporta sa magsasaka ay hindi hiwalay sa usapin ng komunikasyon at kapangyarihan. “Hindi mo siya binebenta. Sila ang nagpepresyo,” aniya bilang isang obserbasyon na nagpapakita kung paano naiiwan ang magsasaka sa dulo ng proseso.

Sa ganitong pagtingin, mas nakikita ni Adi na ang pamumuno ng kababaihan sa komunidad ay hindi lamang nakikita sa antas ng pamilya, kundi pati sa kung paano nila hinaharap ang mga sistematikong hamon sa agrikultura—mula sa pakikipag-ugnayan sa asukarera hanggang sa pag-oorganisa ng kolektibong aksyon at paggawa ng mga desisyong humuhubog sa kanilang kabuhayan, lalo na sa pagharap sa mga pagbabagong dala ng industriya ng asukal.

Sa panahon ng krisis, lalo ring nakita ang ganitong uri ng pamumuno. Ang mga kababaihan ang unang tumatanggap at nagpapamigay ng ayuda mula sa mga NGO tulad ng Sugarfolks’ Unity for Genuine Agricultural Reform. Sila rin ang madalas na nangunguna sa pag-aayos ng iskedyul sa pag-gapas at iba pang gawain sa bukid. Sa tubuhan, malinaw kay Adi na ang mga babae ay hindi pasibo. Sila ang matiyagang nagtataguyod ng gawain, diskarte, at pagpapatuloy ng pamilya.

Ang paghinto sa pinagkukunan ng kabuhayan

Noong 2022, nagsara ang pinakamalaking asukarera sa Nasugbu, Batangas, ang Central Azucarera Don Pedro, Inc. at nagdulot ito pang-araw-araw na krisis sa buhay ng mga umaasa sa pangkabuhay sa pagtutubo.

Naging sanhi ang pagsara ng mill sa paghaba ng proseso ng pag-ilo at sa pagbaba ng sugar content kapag naantala, kaya bumaba rin ang kita. “Dati dapat November na nagsisimula ang pila. Ngayon, February pa lang kami nakapagparehistro ulit sa Balayan,” kuwento ni Adi, na tumutukoy sa mga unang taon matapos magsara ang asukarera. Sa mga sumunod na taon, unti-unti ring naka-recover ang cycle ng pagtutubo, ngunit nananatili ang epekto ng pagkaantala at kompetisyon sa iisang mill sa kita ng mga magsasaka.

Ang pagsasara ng isang asukarera ay may sunod-sunod na epekto. Kasama rito ang pagtaas ng gastos sa hauling o ang paglipat ng mga naani na tubo sa pinakamalapit na asukarera, mahabang pila, at pagbaba ng presyo dahil sa mas maraming tubo na kinokompete sa iisang mill. “Sila ang nagpepresyo,” ang sabi ni Adi tungkol sa mga pribadong korporasyon na nagdidikta ng kita.

Nang hindi na sapat ang lokal na kapasidad, inirekomenda sa mga magsasaka na magdala ng tubo sa mas malalayong asukarera, kabilang ang pagdadala sa Tarlac na dagdag gastusin at dagdag pagkawala ang dinulot sa kanilang normal na magsasaka.

Ang konteksto na ito ay pinagtibay din ng pananaw ni Antonio Lalusin, isang registered plant breeder sa National Seed Industry Council na kapag nawala ang lokal na asukarera, napipilitang maghanap ng alternatibong pag-iiluhan ang mga magsasaka.

Bilang halimbawa, isang operator na naitala sa pag-aaral ng Lalusin ang nag-ulat ng malalaking pagkalugi, o halos PhP 5 milyon na kabawasan dahil sa paglipat at pagkaantala ng pagpoproseso. Apektado nito hindi lang ang isang taong nawalan ng kita, kundi ang buong komunidad ay kasama ring lalo pang magdusa.

Mayroon ding mga teknikal at sistemikong problema. Luma ang mga variety ng tubo sa maraming sakahan, mataas ang posibilidad ng pandaraya sa timbang at sa sugar content testing, at ang pagmamay-ari ng mga mill ng pribadong korporasyon ay nag-iiwan ng limitadong proteksyon para sa magsasaka.

Sa madaling salita, ang pagkawala ng asukarera sa kanilang lugar ay hindi simpleng pagkawala ng isang imprastraktura, ito ay pag-alis sa isang buong sistemang nag-uugnay ng tanim, transportasyon, pagproseso, at presyo na bumubuhay sa daan-daang tao, kabilang ang pamilya nina Adi.

Ang mga danas sa tubuhan 

Mayroon din mga panibagong hamon mula sa land conversion at malalaking infrastructure projects. Kasama rito ang Nasugbu-Bauan Expressway (NBEx), isang malawakang expressway project na pinamumunuan ng San Miguel Corporation at opisyal na inaprubahan sa mga nagdaang taon bilang bahagi ng pagpapalawig ng network ng tollways sa Batangas.

Ang pagdaan ng NBEx sa paligid ng tubuhan ay may dalawang epekto para sa mga magsasaka: ang potensyal na pagtaas ng access sa merkado at sabay nitong posibilidad na bawasan ang porsyento ng lupang pang-agrikultura.

Ayon kay Adi, dumadaan sa kanya ang katotohanang “binibili sa amin yung per square meter ng lupa namin na ₱200,” alok na labis na mababa kumpara sa panghabang-buhay na halaga ng lupa para sa pamilya.