CSS 2026: Kabataan at komunikasyong pangkaunlaran

Sa panahong mas mabilis ang daloy ng impormasyon at impluwensiya, mahalagang maunawaan ng kabataan kung paano hinuhubog ng komunikasyon ang pananaw, desisyon, at direksyon ng lipunan. Bilang tugon dito, ilulunsad ang Communication Students Summit 2026 (CSS 2026) sa ika-7 ng Marso 2026 sa D.L. Umali Hall, University of the Philippines Los Baños (UPLB). Magrehistro dito upang lumahok: tinyurl.com/RegCSS2026.

Sa temang “COMMFLUENCE: Communicating Influence,” itatampok ng summit kung paano nagiging makapangyarihang kasangkapan ang komunikasyon sa paghubog ng realidad at pagsusulong ng panlipunang pagbabago. Bibigyang-diin din ng programa ang pagsasanib ng iba’t ibang larangan sa loob ng disiplina ng komunikasyon at ang papel nito sa paglikha ng makabuluhang impluwensiya sa iba’t ibang sektor.

Inaasahang tatalakayin ng mga panauhing tagapagsalita ang mahahalagang paksa tulad ng Digital Reportage, Advocacy Communication, at Public Affairs, pati na ang mas malalim na usapin hinggil sa papel ng kabataan sa panlipunang pagbabago at ang ugnayan ng Development Communication at kabataan. Layunin ng summit na magbukas ng espasyo para sa diskurso, kolaborasyon, at kritikal na pagninilay sa responsibilidad ng mga kabataang komunikador sa gitna ng mabilis na pagbabago ng media at lipunan.

Sa pamamagitan ng Communication Students Summit 2026, hinihikayat ang mga mag-aaral at kabataang lider na maging mas mapanuri, mapanagot, at makabuluhang tagapaghatid ng mensahe, hindi lamang bilang mga tagamasid, kundi bilang aktibong katuwang sa paghubog ng mas makatarungan at inklusibong hinaharap.

Ang Communication Students Summit 2026 ay inihahandog ng UP Alliance of Development Communication Students Inc. (UP ADS).