Ulat nina Margz Liberato, Mishael Defeo, at Joleana Villaflores
Tampok ang data analytics at ang papel nito sa pamamahayag sa Department of Development Journalism (DDJ) Seminar Series 2026 na may temang “Data is the New Beat: Empowering Communicators for the Age of Analytics,” kung saan ibinahagi nina Roby Alampay at Dominick Danao ang kanilang karanasan at pananaw sa paggamit ng datos sa peryodismo. Idinaos ang programa sa Nora C. Quebral (NCQ) Hall Lecture Room 1 at sa Zoom noong Nobyembre 16.
Paggamit at pagsasaayos ng datos
Sinimulan ni PLDT Public Engagement Head Roby Alampay ang programa sa pagbabahagi ng kanilang pagbisita sa Metro Manila Development Authority (MMDA) noong 2011. Sa pagbisitang ito, natuklasan nila ang komplikadong proseso ng pagtatala ng datos tungkol sa daloy ng trapiko sa Metro Manila, na nagbigay-daan sa pagbuo ng isang proyektong naglalayong padaliin ang pangangalap at pagsasaayos ng datos hinggil sa trapiko.
“As long as you have data, so many things are possible. As long as you can capture data, you can structure the data,” ani Alampay, na binigyang-diin ang kahalagahan ng maayos na pag-iistruktura ng datos upang higit itong mapakinabangan.
Binigyang-diin din ni Alampay na hindi dapat basta paniwalaan ang sinumang nagsasabing walang umiiral na datos dahil posibleng hindi lamang ito nakakalap o naisasapubliko.
“Imposibleng walang data. And therein, you may find purpose for the society, for yourself, and for your story,” dagdag niya.
Lagay ng datos noon at ngayon
Sa ikalawang bahagi ng programa, ibinahagi ni Magpie.IM Chief Executive Officer and Founder Dominick Danao ang kanyang karanasan sa pagkuha at paggamit ng datos. Aniya, noong dekada 1990, limitado ang akses sa datos at kadalasan ay tanging mga beteranong mamamahayag na may ilang dekada nang karanasan sa larangan ang nakaaabot dito.
Binigyang-diin ni Danao ang hirap sa pagkuha ng datos noon, na kung minsan ay umaabot ng ilang taon bago magkaroon ng akses dito. Sa kasalukuyan, higit na bukas at madaling ma-access ang maraming datos ng publiko, kasabay ng pag-unlad ng mga teknolohiya tulad ng artificial intelligence (AI) at large language models (LLMs).
“Access to data has now been resolved. Ano ang gagawin natin sa data na iyon at paano natin titingnan? Ito ang mga next stage. [Ang] data ay napakarami, but it needs to be hardened, seen, and heard,” saad ni Danao.
Datos sa panahon ng umuusbong na teknolohiya
Pinalawak pa ni Alampay, na PLDT First Vice President, ang talakayan tungkol sa kung paano napadadali ng makabagong teknolohiya ang pangangalap at pagtatala ng datos. Tinalakay rin niya ang potensiyal ng lokalisadong AI na maaaring higit na umangkop sa konteksto at pangangailangan ng mga gumagamit nito.
“…I cannot wait for AI to be localized at some point in time dahil mag-iiba ang sitwasyon natin… [dahil sa AI] there is no dataset too big for us,” aniya. Kasabay nito, ipinaalala niyang hindi dapat ituring na treasure hunt ang paghahanap ng datos at mahalagang bigyang-pansin ang kalidad ng mga nakalap na impormasyon.
Samantala, naging sentro naman ng open forum ang mga hamon sa beripikasyon ng mga resulta ng data analysis, lalo na sa paggamit ng mga AI tool.
“Mahalaga pa rin ang good old analog sources… Kapag binasa mo ang isang bagay na talagang napakaganda ng pagkasulat, madali kang maloko, because ChatGPT and Claude are confident great bullshitters,” saad ni Danao.
Payo niya sa mga mamamahayag: “Do a smell test if there is something off. AI slop is very easy to detect.”
Sa kabila ng lumalawak na paggamit ng AI, binigyang-diin ni Alampay na nananatiling mahalaga ang kakayahan ng mga mamamahayag na maghatid ng mga kuwentong may malasakit at pag-unawa sa karanasan ng mga tao—mga katangiang hindi basta napapalitan ng teknolohiya.
“If writing is not an important thing for journalism anymore… I’d rather have a journalist na marunong kumausap ng tao and be trained in empathy and understand why people behave. These are the things people are trained for that AI cannot do,” mensahe ni Alampay.
Ang talakayan ay pinangunahan ni Dr. Pamela Joyce M. Eleazar, tagapangulo ng DDJ. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng paggamit ng datos at ebidensya sa paggawa ng mga desisyon sa pamahalaan at politika, gayundin ang pangangailangan para sa mga propesyonal na may sapat na kaalaman at kasanayan sa pagsusuri at interpretasyon ng datos upang makapag-ambag sa mas makabuluhan at batay-sa-ebidensyang pagpapasya.
Samantala, pormal na isinara ang seminar sa pamamagitan ng pangwakas na mensahe ni Dr. Edmund G. Centeno, dekano ng College of Development Communication (CDC).
“So, bringing together discussions on data analytics for evidence-based decision-making and data journalism for good governance responds directly to the ever-evolving demands of our profession and our society,” ani Centeno.
Ipinaalala rin ng dekano na hindi na sapat ang pagiging mahusay na storyteller lamang sa larangan ng komunikasyon at pamamahayag. “Importante po na marunong tayong magbasa, mag-interrogate ng datos,” dagdag niya.
Pinangunahan ni Asst. Prof. Miguel Victor T. Durian, propesor ng DDJ at punong patnugot ng Los Baños Times, ang aktibidad kasama ang kanyang DEVC 127 Section T class (Data Journalism for Development).
Nagsilbing tagapagpadaloy ang dalawa niyang estudyante na sina Jayvee Mhar Villoria at Joseph Calapine.
