Pagbaba ng poverty incidence sa CALABARZON, kailangang mapanatili — DEPDev 4A Director

Ulat ni Gweneth Dizon

Inihayag ng Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev) Regional Office IV-A ang pangangailangang palakasin ang mga programang nakatuon sa mga komunidad na nananatiling bulnerable sa kahirapan, sa kabila ng pagbaba ng poverty incidence sa CALABARZON sa 2.7 porsiyento noong 2025 mula sa 5.3 porsiyento noong 2023.

Binigyang-diin ni DEPDev Regional Office IV-A Director Carmel P. Matabang na bagama’t nagpapakita ng progreso ang pagbaba ng antas ng kahirapan, nananatili ang mga hamong maaaring makaapekto sa pagpapatuloy nito, kabilang ang pagtaas ng gastusin sa pamumuhay, underemployment, pagkakaiba-iba ng kalagayan ng mga lalawigan, at panganib mula sa mga kalamidad na dulot ng climate change.

“The story of CALABARZON’s poverty reduction between 2023 and 2025 is one of proven resilience, effective policy execution, and tangible progress. We have demonstrated that when industrial growth, targeted social protection, and strategic infrastructure align, hundreds of thousands of lives improve,” pahayag ni Matabang.

Ayon sa kanya, mahalagang palakasin ang mga programang nakatuon sa mga komunidad sa kanayunan at mga lugar na higit na bulnerable sa kahirapan. Kabilang din sa mga kinakailangang hakbang ang pagpapahusay ng disaster resilience, pagsusulong ng transparent governance, at paggamit ng datos bilang batayan sa pagpaplano upang matiyak na nagdudulot ng konkretong pagbuti sa kita at kapakanan ng mga pamilya ang mga programa ng pamahalaan.

Binigyang-diin din ni Matabang na hindi lamang pagbaba ng poverty incidence ang dapat maging sukatan ng tagumpay sa pag-unlad. “True victory over poverty means reaching a state where no family in Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, or Quezon lives in fear of hunger, medical bankruptcy, or disaster-induced destitution,” aniya.

Batay sa pinakahuling datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), bumaba sa 2.7 porsiyento ang poverty incidence sa mga pamilya sa CALABARZON noong 2025, mula sa 5.3 porsiyento noong 2023 at 7.2 porsiyento noong 2021.

Ayon sa 2025 Full-Year Official Poverty Statistics ng PSA Regional Statistical Services Office IV-A, tinatayang 127,410 pamilya sa rehiyon ang hindi nakatugon sa pinakamababang pangangailangan sa pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan batay sa itinakdang poverty threshold. Mas mababa ito kumpara sa tinatayang 226,670 mahihirap na pamilya noong 2023 at 295,640 noong 2021.

Sa limang lalawigan ng CALABARZON, nagtala ang Batangas ng pinakamababang poverty incidence sa mga pamilya sa 0.9 porsiyento, sinundan ng Cavite sa 1.2 porsiyento at Rizal sa 2.7 porsiyento. Samantala, umabot sa 3.1 porsiyento ang poverty incidence sa Laguna, habang pinakamataas naman ito sa Quezon sa 8.0 porsiyento.

Naitala rin sa Quezon ang pinakamataas na bilang ng mahihirap na pamilya sa rehiyon, na tinatayang nasa 47,300 noong 2025.

Sa kabila ng pagbaba ng poverty incidence, tumaas naman ang poverty threshold para sa isang pamilyang may limang miyembro. Umabot ito sa tinatayang ₱16,324 kada buwan noong 2025, mas mataas nang 5.6 porsiyento kumpara sa ₱15,457 noong 2023.

Tumutukoy ang poverty threshold sa pinakamababang halagang kinakailangan upang matugunan ng isang pamilya ang mga pangunahing pangangailangan nito sa pagkain at iba pang gastusin.

Bagama’t nagpapakita ng pag-unlad ang pagbaba ng poverty incidence sa CALABARZON, ipinakikita rin ng datos na hindi magkakapantay ang kalagayan ng mga pamilya sa bawat lalawigan. Nanatiling mas mataas ang antas ng kahirapan sa Quezon kumpara sa iba pang lalawigan, habang mahigit 127,000 pamilya sa buong rehiyon ang patuloy na nabibilang sa mga pamilyang mahirap.

Mga Sanggunian:

Department of Economy, Planning, and Development Regional Office IV-A. (2026, October 30). CALABARZON poverty incidence drops to record low. https://calabarzon.depdev.gov.ph/2026/10/30/calabarzon-poverty-incidence-drops-to-record-low/

Philippine Information Agency. (2026). CALABARZON poverty incidence drops to 2.7 percent in 2025—PSA. https://pia.gov.ph/news/luzon/calabarzon-poverty-incidence-drops-to-2-7-percent-in-2025-psa/

Philippine Statistics Authority Regional Statistical Services Office IV-A. (2026). Antas ng kahirapan ng mga pamilya sa CALABARZON, bumaba sa 2.7 porsiyento noong 2025. https://rsso04a.psa.gov.ph/content/antas-ng-kahirapan-ng-mga-pamilya-sa-calabarzon-bumaba-sa-27-porsiyento-noong-2025