Akda nina Aini Santiago at Mishael Defeo
Dalisay. Maputi. Mahalimuyak.
Ito ang mga ideyang kadalasang mailalarawan namin sa tuwing naririnig ang salitang sampaguita. Dalisay dahil sa angkin nitong liit at lambot; maputi dahil sa kaniyang purong kulay; at mahalimuyak dala ng kakaiba at sariwang amoy nito.
Kung ilalarawan din ang nasa aming isipan, hindi rin namin mawari ngunit sadyang babae ang nasa isip namin na nangunguna sa pag-aaruga ng mga sampaguita sa lugar. Sa mabusisi at maingat na proseso ng pangangalaga sa sampaguita, sadyang sa kamay ng kababaihan nakikita naming may kakayahang magpanatili ng mga katangiang ito.
Ito rin ang mga dala naming impresyon sa pagbisita sa San Pedro na tinaguriang Sampaguita Capital of the Philippines. Simula pa noong 1980s, kilala na ang lugar sa mga malawak nitong taniman ng sampaguita kung saan humigit-kumulang 11,262 ektarya ng lupa ang nakalaan noon para sa kanilang ipinagmamalaking bulaklak.
Maliban pa sa mga sariwang ani, patok at inaangkat din sa kanila ang mga garland, sabon, langis, at pabangong hango sa sampaguita. Ang bansag na “Sampaguita Capital” ay hindi lang umiikot sa mga kilo-kilong bulaklak na naani sa lugar; dala rin nila ang pangalang ito dahil sila ang sentrong bagsakan ng mga punla galing sa Department of Agriculture at iba pang mga nagbibigay ng donasyong pananim— lokal man o internasyonal.
Dahil sa mga impormasyong bitbit namin bago pa man bumisita sa San Pedro, dala namin ang mataas na pagtingin at paghanga sa lugar. Kasabay ng mga magagandang impresyon na ito, lubos naming inaasahan na ang mga salitang “dalisay, puti, at halimuyak” ay reyalidad pa rin ng industriya ng sampaguita sa kanilang lungsod.
Ngunit malayo na ang mga ito sa tunay na estado ng mga sampaguitahan sa lugar.

Masayang ikinukuwento ni Nanay Milagros sa kung papaano niya dinidiligan ang kanyang mga sampaguita gamit ang poso na donasyon ng lokal na pamahalaan ng San Pedro. Kuha ni Mishael Defeo
Sa pagtatanong-tanong namin sa mga lokal na residente kung saan kilala ang San Pedro, hindi na sampaguita ang agarang sagot. Umikot ang mga kasagutan sa kaugalian ng mga tao, tindahan at pamilihan ng ibang produkto, at magarbong Paskuhan sa kanila. Napagtanto namin na unti-unti nang kumukupas ang dating maputing kultura ng sampaguita sa lugar.
Dito namin nakilala si Nanay Milagros, 73-taong-gulang, isa sa mga iilang kababaihang patuloy na bumubuhay sa industriya ng sampaguitahan na unti-unti nang nalilimutan. Sa minana niyang maliit na bakuran mula sa kanyang mga magulang, dito namulaklak ang pag-asang bumuhay at pinagkukunan niya ng kabuhayan.
“Walo kami magkakapatid. ‘Yung kuya ko, kaya nakapag-aral ng college [kasi] Sabado-Linggo uuwi ‘yon galing Manila [mamimitas] ng champaka, ylang-ylang. Kami naman [ibang] magkakapatid [mamimitas] ng sampaguita… tsaka kami magtutuhog,” kuwento ni Nanay Milagros.
Bago pa man isabit sa mga santo at sa mga leeg ng mga magsisipagtapos, dumaraan muna ang mga sampaguita sa mga mabusising kamay ng kababaihan katulad ni Nanay Milagros. Mula sa pagtatanim ng sampaguita saplings, pagdidilig, paggagamas, hanggang sa pagpipitas at pagtutuhog nito sa magagandang hulma, malaki ang papel na ginagampanan ng mga kababaihan sa pagpapanatili ng halimuyak ng industriya ng sampaguitahan sa lungsod.
Sa bawat butil ng sampaguitang itinutuhog sa hibla ng abacca, at mga produktong mula sa sampaguita tulad ng mga sabon, oil, pabango at iba pa, bitbit nito ang determinasyon ng mga kababaihan na buhayin, pagyamanin, at ipakilala pa ang kultura sa gitna ng lumalalang industriyalisasyon sa San Pedro.
Sa kabila nito, hindi rin maitago ni Nanay Milagros ang lungkot sa unti-unting paglanta ng
interes ng mga tao sa pagpapatuloy ng industriya. Ang mga dating sakahan ng sampaguita ay napalitan na ng mga subdibisyon. Bilang na tabo o bundle na lang din ang naaani kumpara sa dating masaganang ani nito.
“Parang ako na ang last na mag-aalaga nito… kahit yung iba kong mga kapatid, parang wala na pong sasambot (sasalo)… wala na [ring] matiyaga, hindi na nila namana sa magulang nila. Mahirap kasing hanapbuhay ito kasi manual labor,” ani Nanay Milagros.
Litaw ang ganitong estado ng lungsod dahil tanaw namin mula sa loob ng sasakyan ang nagtatangkarang gusali, magkakasunod na pamilihan, at dumaraming mga kabahayan. Sa kahabaan ng biyahe patungong San Pedro, bihirang madaanan ng aming mga mata ang mga lupang sakahan ng mapuputing sampaguita, malayo sa mundong una naming inilarawan sa isipan bago pa man kami magtungo sa lungsod.
Ayon kay Engr. Enrique Layola, City Agricultural Office (CAO) Head, sa pinakabagong City Land Use Plan (CLUP), mayroon na lamang 0.65 ektaryang natitirang agricultural areas ang lungsod kumpara noong 2014 na mayroon pang 11 ektaryang sakahan. At hindi malayo na sa taong 2027 ay mawala na nang tuluyan ang lupang sakahan ng mga sampaguita bunsod ng lumalalang industriyalisasyon at komersyalisasyon ng lungsod.
“…Talagang halos wala na tayo. Nagtu-turn into build-up areas na ‘yong mga agricultural lands before, kung dati, napakalaki nung agricultural areas natin going back to the 80s. Ngayon, wala na talaga,” paliwanag ni Layola.
Sa mga kwentuhan namin ni Layola at Nanay Milagros, ibinahagi nila ang kasalukuyang estado ng sampaguita sa lungsod. Mula kasi sa lumalalang problema patungkol sa pagkaunti ng lupang nakalaan para sa sampaguita, nahihirapan din ang opisina sa pagbabalanse ng komersiyalisasyon at pagpapatuloy ng pangmalawakang pagbabalik ng mga sampaguita farm sa San Pedro.
Kung dati ay libo-libong ektarya ng lupa ang nakalaang taniman sa San Pedro, ngayon ay posibleng tuluyan na itong mawala kung hindi pa agarang mabibigyang-solusyon sa susunod na taon.
Ikinuwento rin ni Nanay Milagros na mula sa problema sa lupang taniman, hamon din ang nagtataasang presyo ng mga materyales at pasweldo. Kasama pa rito ang bumababang bilang ng mga interesado sa sampaguita na labas na sa teknikal na kakayahan ng opisina.
“…ginawa nilang subdivision yung kanilang taniman [kaya] nawalan po ng lugar. Tapos nga po, yung matatandang matitiyagang mag-alaga, mga nangamatay na, hindi naman po minana ng mga anak,” aniya.
Nakakapagtaka, nakakagulat, at higit sa lahat ay nakakalungkot marinig ang mga suliraning ito sapagkat sa likod ng magarbong titulong “Sampaguita Capital” ay ito ang realidad ng San Pedro: unti-unti nang nawawala ang halimuyak ng dating buhay na kultura ng sampaguita.
Sa kaliwa’t kanang mga problema sa pagapanumbalik ng halimuyak at sigla ng kultura ng sampaguita sa San Pedro, kababaihan din ang nakikita ni Layola na unti-unting bumubuhay at nagtataguyod dito.
“Sila actually yung mamimitas eh. Sila rin yung mga karamihan nagtutuhog. Kung wala na sila no sense na ituloy pa namin yung revival,” wika niya.
Ipinahayag din sa amin ni Layola na tanging urban agriculture at mga open spaces na lamang ang pinanghahawakan ng lungsod sa pagtatanim muli ng mga sampaguita. Sa tulong ng mga kababaihan, partikular ng mga inang naiiwan sa tahanan, hinihikayat ng lungsod ang aktibong pagtatanim ng sampaguita saplings sa mga bakuran ng mga subdivision sa pagnanais na mapanatiling buhay ang industriya ng sampaguita.
“What we have now is more on urban agriculture, doon ko naman ina-align ang ating sampaguitahan. Sa urban agriculture, mostly yung mga open spaces na lang. Ang mga subdivisions, for example, sa Rosario Complex namin, meron kami nakuha doon 6,500 square meters ng sampaguita na open space at kinonvert ko siya into Sampaguita Park and Nursery ngayon.”
Maliban pa rito, pakikilahok sa mga malikhaing programa ng Sampaguita Festival ang taunang inaabangan ni Nanay Milagros tuwing Mayo kung saan naipagmamalaki niya ang kaniyang talento sa pagtutuhog at pagdidisenyo.
Tampok din sa pagdiriwang ang iba’t ibang programa na naglalayong ibida ang natatanging ganda ng sampaguitang ani ng lungsod. Ilan dito ang mga paligsahang poster-making contest, photography contest, exhibit, creative design contest, at ang parada ng mga magagarbo at malalaking karo ng sampaguita.
Gawa ng di maitagong kasiyahan ni Nanay Milagros, at mga aktibong pamamaraan ng San Pedro, masasabi namin ang Sampaguita Festival ay hindi lamang isang taunang selebrasyon, isa rin itong pagkakataon sa mga malikhaing kababaihan na makilahok sa mga gawaing kultural at agrikultural.
Mula rito, buhay pa rin ang pag-asa ni Nanay Milagros na sa mga susunod pang panahon, manumbalik ang dating sigla ng sampaguitahan sa San Pedro. Mula sa munting hiling ni Nanay Milagros na magkaroon ng kolektibong partisipasyon sa pag-aalaga, umaasa siyang ang hakbang na ito ay magsisilbing tulak pasulong sa gitna ng urbanisasyon sa lungsod.
“Ang huling hiling ko po yung magkaroon ng cooperation sa pag-aalaga. Kasi yung iba ay ayaw, pansin [ko] may [ka]hirapan po sa mag-aalaga,” sambit ni Nanay Milagros.

Kaakibat ng hiling na ito ang pag-asang may magpapatuloy pa ng mga nasimulang hakbang ng mga kababaihan at may magpapanatili sa dalisay na kultura at industriya ng sampaguitahan kasama ang lokal na pamahalaan ng San Pedro.
Sa mga hakbang na inilulunsad ng CAO ng San Pedro, hindi malabong matupad ang hiling ni Nanay Milagros. Mula sa pagbibigay ng libreng saplings sa mga residente, sa aktibong paghahanap ng lugar na puwedeng maging sampaguitahan, hanggang sa pag-eengganyo sa mga residente na magtanim at mag-alaga ng sampaguita kahit sa kani-kanilang mga tahanan, maging ang pagbibigay ng plataporma sa kanila upang maipagmalaki ang kultura at industriya ng sampaguita, tanaw na ng San Pedro ang panunumbalik ng maputing kinabukasan.
Dagdag pa, isa lamang ang kuwento ni Nanay Milagros sa marami pang kuwento sa loob ng sampaguitahan at sa kung paano nila naging katuwang ang mga butil ng sampaguita sa buhay.
Sa biyahe namin pauwi, bagama’t pagod na ang katawan, at malayo man sa una naming impresyon sa reyalidad na danas ng mga taga-San Pedro, bitbit namin ang paghanga, at pag-asang hindi sana masayang ang pagpupursigi at determinasyon ng mga katulad ni Nanay Milagros na patuloy ang pagtutuhog ng mga butil ng sampaguita para mabuo ang magandang hulma at mahalimuyak na kinabukasan ng sampaguitahan sa San Pedro.
Dala-dala pa rin namin ang isang mas malinaw na larawan ng sampaguita hindi na lamang bilang isang bulaklak, kundi bilang simbolo ng pagpupunyagi.