Akda ni Jazmine Claire Olorvida
Sa nagdaang buwan ng Marso, paulit-ulit na bumalik ang katanungang “Ano nga ba ang ibinabahagi ng kababaihan sa agrikultura?”
Simpleng katanungan, ngunit tila hindi konkreto ang palaging nakukuhang kasagutan.
Mula sa bungkos ng bulaklak, sa kada lupang dumidikit sa kuko, sa bawat kabuteng masinsinang inaalagaan, sa halimuyak ng sampaguita, sa tamis ng mga tubo, o hanggang sa katahimikan ng hardin na unti-unting nakakapagpagaan ng kalooban… doon unti-unting nabubuo ang sagot.
Ilang beses silang nakikita; sa iba’t ibang anyo, sa iba’t ibang henerasyon. At sa bawat pagkakataon, hindi sila kailanman naging “parte lang.”
Upang mas mapalalim ang pag-unawa sa mga nagbabagong pananaw na ito, nakapanayam ng manunulat ang kabuuang 22 kababaihan mula sa iba’t ibang henerasyon sa Laguna. Hinati sila sa tatlong pangkat ng edad upang mas makita ang pagkakaiba at pagkakapareho ng kanilang mga karanasan at pananaw sa kababaihan sa agrikultura. Mula sa mga panayam, hinugot ang mga namamayaning tema at kolektibong obserbasyon na siyang naging batayan ng artikulong ito.
Pagmulat at pagdama ng mga nakababatang henerasyon

Listahan ng mga namamayaning opinyon ng mga kababaihan sa agrikultura mula sa mga kababaihan na nasa edad 25 pababa. Ipinapakita ng datos na nagkakaiba ang perspektiba batay sa karanasan at antas ng pakikilahok sa agrikultura. | Pinagmulan: panayam at pangangalap ng datos ng manunulat
Para sa mas batang henerasyon na anim na kababaihang nakapanayam sa Los Baños, ang kababaihan sa agrikultura ay isang larawang unti-unti pa lamang lumilinaw. Sa kanilang kolektibong pananaw, nangingibabaw ang pagkilala sa hirap, kung saan inilalarawan nila ang kalagayan ng mga magsasaka, lalo na ng kababaihan, bilang higit na nakakawawa sa mga hamon ng sektor.
Mas nakikita na sila sa social media, dokumentaryo at balita, ngunit nananatiling malayo sa aktwal na karanasan. Dito rin pinapalabas ang dobleng pasanin hindi lamang bilang manggagawa, kundi bilang babae sa isang larangang matagal nang pinangungunahan ng kalalakihan.
Ipinapahayag ng isang kabataang babae na tila mas mabigat ang mga hamon para sa sektor ng kababaihan sa agrikultura, “Parang doble-doble yung dagok… hindi lang dahil sa trabaho, kundi dahil babae ka.”
Tulad ng sinabi ni Adi Diaz, “Nakita ko yung sobrang hirap talaga ng buhay, parang kada taon na nalipas, parang humihirap lang nang humihirap.”
Sa kabila nito, nananatiling matibay ang kanilang paninindigan na kaya rin ng mga babae ang anumang kayang gawin ng mga lalaki, kahit pa may kakulangan sa lupa, oportunidad, at representasyon. Itinuturing ito bilang kolektibong pahayag ng mga kababaihan sa nasabing age group hinggil sa kanilang karanasan at pananaw sa sektor ng agrikultura.
Pagkilala sa kakayahan at ambag ng mga gitnang henerasyon

Listahan ng mga namamayaning opinyon ng mga kababaihan sa agrikultura mula sa mga kababaihan na nasa edad 26-40. Ipinapakita ng datos na nagkakaiba ang perspektiba batay sa karanasan at antas ng pakikilahok sa agrikultura. | Pinagmulan: panayam at pangangalap ng datos ng manunulat
Sa dakong ng pangkat na edad ng 26-40, lumabas mula sa anim na nakapanayam sa Los Baños na mas nagiging personal ang agrikultura. Hindi na ito basta konseptong siyentipiko kundi ito ay kabuhayan, pamilya, at araw-araw na pagpapasiya.
Dito, mas lumalantad ang pagtingin sa kababaihan bilang haligi. “Malaki ang gampanin ng kababaihan sa agrikultura.”
Hindi lamang sa pisikal na paggawa, kundi sa pagdedesisyon sa pamamahala ng ani, puhunan, at kinabukasan ng pamilya. “Madalas, mas maayos pa ang pagtatrabaho ng mga kababaihan pagdating sa pagtatanim.”
Ang pag-aaruga na madalas na ikinakabit bilang “likas” na katangian ng babae ay hindi na nakikita bilang kahinaan. Sa halip, kinikilala na ito bilang isang lakas.
Ika nga ni Aliza Barde mula sa Brgy. Lalakay, “Hindi puwedeng basta putol at ayos lang… kapag kulang sa pag-aalaga, malalanta agad.” Sa ganitong lente, ang tiyaga at malasakit ay nagiging teknikal na kakayahan, isang uri ng kaalamang hindi basta natututuhan kundi hinuhubog ng karanasan. Indikasyon na unti-unti nang nagbabago ang dinamika ng kasarian sa agrikultura.
Pamumuno at pagbabago ng pananaw ng mga nakatatandang henerasyon

Listahan ng mga namamayaning opinyon ng mga kababaihan sa agrikultura mula sa mga kababaihan na nasa edad 41 pataas. Ipinapakita ng datos na nagkakaiba ang perspektiba batay sa karanasan at antas ng pakikilahok sa agrikultura. | Pinagmulan: panayam at pangangalap ng datos ng manunulat
Para sa mas nakatatandang henerasyon naman, ang agrikultura ay hindi lamang lupa; ito ay isang malawak na sistema na hinuhubog ng karanasan at ugnayan ng tao sa komunidad.
Sa sampung nakapanayam sa pangkat ng edad 41 pataas sa Laguna, tukoy na nila ang mas malalim na pagtingin sa agrikultura bilang kabuhayan at pamana na hindi madaling ihiwalay sa kanilang identidad.
Ito ang perspektibong malinaw na binibigyang-diin ni Lorna Sister, isang mananaliksik sa University of the Philippines Los Baños, na may malawak na karanasan sa participatory at community-based agricultural research. Bago pumasok sa akademya, higit isang dekada siyang nagtrabaho sa International Potato Center, kung saan hinubog ang kanyang pananaw na mahalagang isama ang boses ng mga magsasaka sa pananaliksik. Sa kasalukuyan, nakatuon ang kanyang trabaho sa action research na naglalayong magdulot ng konkretong pagbabago sa mga komunidad.
Maliwanag ang pagbabago para sa kanya. “Mas marami nang kababaihan ngayon sa agrikultura at hindi na hadlang ang kasarian sa kakayahan,” giit niya. Sa larangan ng research at development, ang kababaihan ay hindi na lamang kalahok; sila ay nangunguna.
Ngunit sa kabila ng pag-usad, nananatili ang mga hadlang. “Malaki pa rin ang kakulangan sa recognition at suporta lalo na mula sa mga institusyon,” ani niya.

Sa kanyang pananaw, higit pa sa simbolo ang pahayag na “Kababaihan ang may hawak ng binhi ng kinabukasan.” Ang binhi ay kumakatawan sa kakayahang pumili, magpasya, at magtakda ng direksyon— mga desisyong may direktang epekto sa susunod na henerasyon. Kung ano ang itinatanim ngayon, iyon din ang huhubog sa kinabukasan.
Dito nagiging mahalaga ang matagal na nating pinaglalaban, ang ating agency o ang kalayaan magdesisyon, kumilos, at manguna. Para sa kanya, hindi sapat ang presensya ng kababaihan; kailangan ang tunay na kapangyarihan.
“Walang rason para hindi isama ang kababaihan sa lahat ng larangan ng agrikultura,” saad niya.
Sa kasalukuyang panahon, payo ni Dr. Susan Aquino-Ong na “Dapat marunong kayong mag-assert kung ano ang kakayahan ninyo. You do not have to define yourself [as] a female by doing female jobs only.”
Ipinapakita ng nakatatandang henerasyon na ang tunay na pagbabago ay hindi lamang nakikita sa dami ng kababaihan sa sektor, kundi sa lawak ng kanilang impluwensya mula sa lupa hanggang sa mga desisyong humuhubog sa kinabukasan ng agrikultura.
Higit pa sa pag-aaruga
Namamayani na sa iba’t ibang henerasyon ang pagbabago ng pananaw mula sa pagtingin sa kababaihan bilang biktima ng sistema, patungo sa pagkilala sa kanila bilang haligi, hanggang sa pagiging pinuno at tagapagbago nito.
Gayunpaman, may isang katangiang nananatiling sentral sa kanilang papel: ang pag-aaruga.
Matagal na itong ikinahon bilang kahinaan, isang bagay na naglilimita sa kababaihan.
Ngunit sa agrikultura, ito ang nagpapanatili, ito ang binabalik-balikan, at ito ang nagpapapalakas sa sektor.
Ang pag-aaruga sa lupa.
Ang pag-aaruga sa pananim.
Ang pag-aaruga sa pamilya at komunidad.
Hindi ito simpleng emosyonal na gawain; isa itong anyo ng kaalaman na hinuhubog ng karanasan, disiplina na pinagtibay ng panahon, at kapangyarihang nakaugat sa kakayahang magpanatili at magpalago ng buhay. Ito ay isang mahalagang kasanayan na matagal nang nagbibigay-buhay sa agrikultura.
Sa pagtatapos ng Buwan ng Kababaihan ngayong taon, mas tiyak na hindi rito nagtatapos ang usapan.
Sa halip, mas nagiging malinaw ang panawagan na ang agrikultura ay hindi lamang tungkol sa ani; ito ay tungkol sa pagkilala sa mga kamay na matagal nang nag-aalaga nito, mga kamay na madalas hindi nakikita, ngunit hindi kailanman nawala.
Darating ang panahon na hindi na malilimitahan ng mga itinakdang papel ng kasarian. Hindi na mamaliitin ang sariling kakayahan. Hindi na basta babae “lang.” Bagkus, kinikilala na may lakas sa pagmamahal, sa pag-aaruga, sa malasakit, at sa likas na kakayahang mag-alaga at umunawa, mga katangiang madalas ipinagkakamalang kahinaan, ngunit sa totoo ay pinagmumulan ng tibay at katatagan.
Ang pagiging babae ay hindi hadlang, kundi patunay ng isang uri ng lakas na marunong kumalinga, marunong makiramdam, at marunong tumindig para sa iba. Oras na para ariin ito, ipaglaban, at ipaalala sa mundo na ang lahat ng ito ay dapat na ipinagmamalaki.
Dahil sa bawat henerasyon ng kababaihan, lagi’t laging may naiiwang aral na ang lupa ay hindi lamang binubungkal; ito ay pinangangalagaan, pinapalago, at patuloy na ipinapamana.