HINDI TOTOO: Nagdudulot ng arthritis ang pagpapatunog ng daliri

Ang sabi-sabi: Nagdudulot ng arthritis ang pagpapatunog ng daliri
Marka: Hindi Totoo

Ang pag-crack o pagpapatunog ng mga daliri sa kamay o paa, o anumang kasukasuan sa katawan, ay hindi nagdudulot ng arthritis. Ang tunog na naririnig ay bunga ng paglabas ng mga gas molecules gaya ng oxygen, nitrogen, at carbon dioxide mula sa synovial fluid, ang likidong nagsisilbing pampadulas sa pagitan ng mga buto. Kapag hinila o iniunat ang kasukasuan, bumababa ang pressure sa loob nito, dahilan upang mabuo at pumutok ang mga bula ng gas na siya namang pinagmumulan ng tunog.

Karaniwang paniniwala lalo na ng mga nakatatanda na masama ang pagpapatunog ng mga daliri sapagkat nagdudulot ito ng arthritis. Ito ay hindi totoo sapagkat mayroong mga pag-aaral na nagpapatunay na ang pagpapatunog ng daliri ay walang kaugnayan sa pagkakaroon ng arthritis. 

Sa isinagawang clinical trial o true experiment sa isang pag-aaral, pinatunayan na ang palaging pagpapatunog ng mga daliri ay walang relasyon sa pagkakaroon ng osteoarthrosis (isang uri ng arthritis). Inimbestigahan ang mga pasyente, mayroong nagpapatunog ng kanilang dailiri at mayroon ding hindi nagpapatunog nito. Mula sa datos na nakalap, walang nakitang pagtaas ng arthritis sa alinmang grupo. Subalit ang palaging pagpapatunog ng daliri ay maaaring maging sanhi ng pamamaga at paghina ng lakas pagkapit. 

Ipinakita sa isang website na ang pagpapatunog ng daliri ay walang ebidensya upang maging dahilan ng pagkakaroon ng arthritis, pero may ilang ulat ng injury sa ligaments o tendons sa mga kaso ng sobrang pagpapatunog. Ang pagpapatunog din ng daliri sa mga pasyenteng may mahinang joints ay maaring magdulot ng mas madaling pinsala sa ligaments at joints. 

Ayon sa pag-aaral ni Dr. Donald Unger na inilathala noong 1998 sa Arthritis & Rheumatism, walang nakitang koneksyon ang pagpapatunog ng daliri at arthritis. Si Dr. Unger ay araw-araw na nagpatunog ng kanyang mga daliri sa kaliwang kamay nang higit sa 50 taon. Hindi siya nakaranas ng arthritis sa alinmang kamay, at napag-alaman niyang walang pagkakaiba sa kondisyon ng kanyang mga daliri. Bukod kay Dr. Unger na nag-eksperimento sa sarili niyang katawan, mayroon ding iba pang mga pag-aaral na nagpapatibay sa kanyang konklusyon, tulad ng isinagawang pag-aaral ni Dr. Robert Swezey noong 1975 at iba pang mga pagsusuri na hindi nakakita ng koneksyon sa pagitan ng pagpapatunog ng daliri at arthritis.

@news5everywhere

Marami sa atin ang nagpapatunog ng daliri kapag kinakabahan o nase-stretching. Pero may ilang nagsasabing nagdudulot ito ng arthritis. Narito ang sabi ni Dok #DexMacalintal tungkol diyan. #GudMorningKapatid #News5 #NewsPH #SocialNewsPH #GuMKSabiNiDok

♬ original sound – News5 – News5

Base rin sa pag-aaral, ang ‘tunog’ na naririnig ay dahil sa pagbuo at pagputok ng gas bubbles sa synovial fluid, isang pampadulas na likido sa mga joints. Kapag nagpapatunog ng daliri, maaring lumabas ang mga hangin katulad ng oxygen, nitrogen, at carbon dioxide. Dagdag pa sa pagsusuri ng University of Alberta, nagkakaroon ng pagtunog mula biglaang pagbuo ng gas-filled cavity sa loob ng joints at hindi mula sa pagkasira ng buto o anumang nakasasamang epekto.

Ang paniniwalang ito ay natalakay na rin ng iba’t-ibang fact-checks kagaya ng mga sumusunod:

Mga Sanggunian:

Castellanos, J., & Axelrod, D. (1990). Effect of habitual knuckle cracking on hand function. Annals of the Rheumatic Diseases, 49(5), 308–309. https://doi.org/10.1136/ard.49.5.308

DWIZ 882. (2024, May 3). #LETSPROVEIT | Pagpapalagutok ng mga daliri, nakakadulot nga ba ng arthritis? [Video]. YouTube. https://www.youtube.com/watch?v=8a1T7hyQDV0

Mirsky, S. (2009, December 1). Crack research: Good news about knuckle cracking. Scientific American. https://www.scientificamerican.com/article/crack-research/

News5Everywhere. (2024, May 17). Sabi ni Dok: Pagpapatunog ng daliri | Gud Morning Kapatid [Video]. YouTube. https://www.youtube.com/watch?v=tH6SjSk5spI

News-Medical.net. (2025, February 24). MythBusting: Does Knuckle Cracking Really Lead to Arthritis? Retrieved April 25, 2025, from https://www.news-medical.net/health/MythBusting-Does-Knuckle-Cracking-Really-Lead-to-Arthritis.aspx

Nichols, H. (2023, April 25). Does cracking your knuckles cause arthritis? Medical News Today. https://www.medicalnewstoday.com/articles/259603

Pappas, D. (2007, September 10). Knuckle Cracking Q&A. Johns Hopkins Arthritis Center. https://www.hopkinsarthritis.org/arthritis-news/knuckle-cracking-q-a-from/

– Hannah Lyn N. Rivero/LB Times

PAUNAWA: Ang layunin ng fact-check na ito ay magbigay ng impormasyon at hindi ito dapat ituring bilang medikal na payo o kapalit ng propesyonal na pagsusuri. Para sa wastong diagnosis at paggamot ng anumang karamdaman, kumunsulta sa isang doktor o lisensyadong propesyonal sa kalusugan. Dagdag dito, ang mga ebidensyang nabanggit sa fact-check na ito ay base sa mga kasalukuyang datos nang ito ay mailathala. Maaaring mag-iba ang mga ito kapag may panibagong mga ebidensyang lumabas sa hinaharap.

 May nakita ka bang kahina-hinalang sabi-sabi sa social media tungkol sa kalusugan na nais mong mabigyang-linaw? Ipadala ang screenshot o link ng naturang post sa [email protected] o sa opisyal na Facebook page ng LB Times.