Ulat ni Gwen Salespara
Tuwing Linggo ng umaga sa bayan ng Los Baños, Laguna, tila mas lumilitaw ang luntiang kulay mula sa isang maliit na stall sa Elbi Community Market. Sa gitna ng mga nagsasarapang pagkain at mga lokal na produkto, may isang puwestong tahimik na nag-aanyaya sa mga mamimili na subukan ang isang simpleng paraan ng pangangalaga sa kalikasan.
Dito matatagpuan ang GoinGreen.LB, isang stall na nag-aalok ng mga produktong maaaring gamiting alternatibo sa nakasanayang plastik at naglalapit sa ideya ng sustenableng pamumuhay sa pang-araw-araw. Itinatag ito ni Sheila Alano-Tipayno, isang taga-Los Baños na ginawang makabuluhang pagkilos ang isang simpleng problema sa kanyang sariling buhay

Stall ng GoinGreenLB sa Elbi Community Market tuwing Linggo.
Isang Shampoo Bar
Ang kwento ng GoinGreen.LB ay hindi nagsimula sa isang engrandeng environmental campaign kundi sa isang maliit at napaka-praktikal na problema.
“Dati ang hair ko hanggang bewang, so ang lakas ko sa shampoo, lalo conditioner. Tapos namroblema ako noon sa disposal ng products, ng plastic waste,” kuwento ni Sheila. Hindi ang gastos ang nagpabago sa kanya, kundi ang tumpok ng mga plastik na bote na walang maayos na paraan ng pagtatatapon.
“The solution is mag-minimize ng waste,” aniya. Doon siya nagsimulang maghanap ng alternatibo.
Isa sa mga unang nakita niya ay ang shampoo bar, isang solid na shampoo na walang plastik na bote. Sinubukan niya ito. Gumana naman. At higit sa lahat, nagustuhan niya.
Ang personal na problemang iyon ang naging pundasyon ng lahat ng desisyon niya sa negosyo. “Never ako magbebenta ng any product na ako mismo hindi ko gagamitin,” ani Sheila, na magmula noong 2018 ay gumagamit ng shampoo bar.
Mula sa iisang produkto, dahan-dahang lumawak ang kanyang mga inaalok, conditioner bars, bamboo toothbrushes, reusable straws at utensils, loofah bath sponges, washable menstrual pads, at kalaunan ay isang refilling station para sa liquid hand soap, dishwashing liquid, liquid detergent, at ethyl alcohol na maaaring bilhin kada litro o galon. Bawat produktong idinadagdag ay personal niyang nasubukan, at kadalasan ay bunga ng pangangailangan niya o ng mga taong nasa paligid niya.


Ilan sa mga produkto na inaalok ng GoinGreen.LB.
Ngunit hindi lamang basta pagdaragdag ng produkto ang ginagawa ni Sheila. May malinaw din siyang prinispyo sa pagpili kung ano ang dapat mapunta sa kanyang stall.
Hindi ipinapangako ng GoinGreen.LB na lahat ng produkto nito ay organic o all-natural. “Kasi ang main focus ni GoinGreen is just the plastic piece,” paliwanag ni Sheila. Sa panahon na maraming brand ang gumagamit ng salitang green bilang marketing strategy, ang pagiging tapat na ito ay nagiging mahalagang bahagi ng tiwala ng mga customer.
Hindi rin niya nire-rebrand ang mga produktong dala niya. Sa halip, hinahayaan niyang manatili ang sariling identity ng bawat brand, tulad ng Habbe Shop para sa washable pads, Knitty Gritty by Chiara para sa mga loofah, at Kintab para sa toothpaste tablets.
Sa ganitong paraan, nagiging plataporma ang GoinGreen.LB para sa iba’t ibang lokal na sustainable products, habang nananatiling malinaw kung saan nagmula ang bawat isa.
Ang Bayan na Nanguna
Hindi aksidente na dito sa Los Baños umusbong ang isang negosyong tulad ng GoinGreen.LB.
Noong 2008, naging unang munisipalidad sa buong Pilipinas ang Los Baños na nagbawal ng paggamit ng plastik na supot at styrofoam sa pamamagitan ng Municipal Ordinance No. 2008-752, nang si Mayor Caesar Perez ay naghahawak ng kapangyarihan. Ayon sa ulat ng When in Manila at ng pahayagang ito ang Los Baños Times, maraming lungsod at munisipalidad sa buong bansa ang sumunod sa halimbawa ng Los Baños.
Noong 2014, pinalawak pa ang ordinansa sa pamamagitan ng Municipal Ordinance No. 2014-1316 na ipinagbabawal na rin ang single-use plastic straws, plastic cups, plastic plates, at plastic spoon and fork. Bilang isang “Special Science and Nature City of the Philippines,”nagtataglay ang bayan ngpartikular na kamalayan sa kalikasan, at patunay ang GoinGreen.LB na ang ganitong kamalayan ay maaaring lumampas sa mga opisyal na dokumento at maging bahagi ng pang-araw-araw na buhay ng komunidad.
“Tayo yung nagpasimuno,” sabi ni Sheila. “Tayo ang unang naglabas ng ganong ordinance.” Bilang tagapag-organisa rin ng Sunday Market, tinitiyak niya na ang bawat puwesto ay wala o minimal lamang ang gamit ng mga plastik na kagamitan.
Tingi Culture
Matagal nang bahagi ng pang-araw-araw na buhay ng mga Pilipino ang tingi culture, ang pagbili ng produkto sa pinakamaliit na posibleng dami o lagayan. Hindi ito simpleng ugali na nagmula lamang sa kagustuhan, ito ay praktikal na tugon sa reyalidad ng mababang kita limitadong kita at badyet ng maraming pamilya. Kapag hindi kayang bumili ng isang bote ng mantika ang isang pamilya, bibili sila ng tig-sasampung pisong mantika sa sari-sari store, na dating ibinubuhos mula sa malalaking lalagyan sa sariling bote ng mamimili.
Naalala ni Sheila kung paano ito ginagawa noong bata pa siya. “Nung bata pa kami, pag gusto mo ng mantika, ang uso yung may dala kang bote.” May reuse system noon, ang mga mamimili ang nagdadala ng lalagyan.
Ngunit kalaunan, nakita ng mga malalaking kumpanya ang tingi market bilang isang malaking oportunidad. Dito nagsimulang kumalat ang sachets, maliliit na single-use plastic packets ng shampoo, sabon, mantika, at iba pa.
Ayon sa World Bank, umabot na sa 163 milyong piraso ng sachet ang kinukuha ng Pilipinas araw-araw, at 2.7 milyong tonelada ng plastic waste ang nalilikha ng bansa bawat taon, kung saan tinatayang 20 porsyento nito ay napupunta sa karagatan.
Sa katunayan, ang Pilipinas ay kinikilalang isa sa mga pinakamalaking kontribyutor sa ocean plastic pollution sa buong mundo. Sa isang pag-aaral, ang bansa ay responsable sa halos 36% ng global oceanic plastic waste noong 2019, higit sa tatlong beses ng second-highest na India.
Ayon din sa Environmental Management Bureau (EMB) CALABARZON, ang rehiyon ay lumilikha ng 8,453 tonelada ng plastic waste bawat araw. Mula PET bottles, plastic packaging at iba pang plastic residuals batay sa datos ng waste collection mula sa mga lokal na pamahalaan.
Sa kabuuang basrurang ito, tinatayang 3,888 tonelada kada araw ang na-di-divert mula sa sanitary landfills, katumbas ng 46 na porsenytong waste diversion rate. Bahagi ng diverted waste na ito ay ang 136 toneladang plastik na nakokoleta araw-araw at ipinadala sa waste diversion facilities o recyclers.
Sa ganitong sitwasyon, mahirap sisihin ang mga mamimili. Kapag limitado ang badyet, kadalasan ang pinakamurang opsyon ang pipiliin, kahit na ibig sabihin nito ay mas maraming plastic na basura.
Ngunit kung tutuusin, matagal nang may sariling anyo ng sustainability ang mga pamilyang Pilipino: paggamit muli ng mga lalagyan, pagbili lamang ng sapat sa pangangailangan, at pagsisigurong walang nasasayang sa bahay.
Ang problemang kinakaharap ngayon sa pagdami ng plastik na basura ay hindi kakulangan ng pagpapahalaga sa kalikasan, kundi pagdami ng sistemang nagtutulak sa overconsumption. Mula sa sachet economy na inumpisahan ng mga malalaking korporasyon hanggang sa online shopping na balot sa ilang bulto ng bubble wrap at plastik.
Ang Pagbabalik ng Refill
Sa maraming paraan, ang refilling station ng GoinGreen.LB ay pagbabalik lamang sa isang lumang kasanayan, ang pagbili ng mga produkto gamit ang sariling lalagyan.

Refilling station ng iba’t ibang produkto tulad ng liquid hand soap, dishwashing liquid, liquid detergent, at ethyl alcohol.
Nagdadala ang mga customer ng bote o container at doon ipapasok ang kanilang bibilihing liquid soap, dishwashing liquid, detergent, o alcohol. Bukod sa mas kaunting plastik, mas mura rin ito kumpara sa branded products. Ang ethyl alcohol ay ₱130 bawat litro. Ang dishwashing liquid ay ₱42 bawat litro lamang.
Hindi lamang mga indibidwal ang kumukuha dito. May mga negosyo na ring umaasa sa kanila para sa supply. Isa sa mga ito ay ang Meister’s Uncorked, kung saan idinaraos ang Sunday Market. Bultuhan silang bumibili ng dishwashing liquid, hand wash, at alcohol mula sa GoinGreen.LB. Maliit man itong halimbawa, ipinapakita nito na ang sustenableng sistema ay maaaring gumana hindi lamang para sa mga indibidwal, kundi para sa mga negosyo rin.
Gawa ng Kababaihan, Para sa Kababaihan
Isa sa mga produktong makikita sa stall ng GoinGreen.LB ay ang mga washable menstrual pad at pantyliner mula sa Habbe Shop. Hindi ito tulad ng karaniwang reusable pads, may ergonomic na hugis ang mga ito at may removable inserts na nagpapadali sa paglalaba at pagpapatuyo. Sa mas magaan na araw, isa lang na insert ang sapat; sa mas mabigat, dalawa.
Natuklasan ni Sheila ang Habbe Shop habang naghahanap siya ng alternatibo sa disposable pads. Una niyang sinubukan ang pantyliners. Nang magustuhan niya ang produkto, kinausap niya ang gumawa kung maaari itong ibenta sa kanyang stall. Kalaunan ay naging magkaibigan sila, at hanggang ngayon ay bahagi pa rin ng kanyang tindahan ang brand.
Karaniwang naririnig ni Sheila ang parehong pagtutol: “Hassle siya. Ayaw nilang maglaba.” Naiintindihan niya ito. Ngunit para sa kanya, hindi kailangang perpekto agad ang pagbabago. “Kung nasa bahay ka lang, you can start with pantyliners.” Para sa iba, washable pads sa bahay at disposable kapag nasa labas. Ang mahalaga ay mabawasan ang basura, kahit paunti-unti. Sa pangmatagalan, hindi na bumibili si Sheila ng disposable pads mula pa noong 2019.
Pisikal na Akses
Noong nagsimula si Sheila noong 2019, karamihan sa green lifestyle products sa Pilipinas ay makikita lamang sa Metro Manila o online. Para sa mga taga-Los Baños na gustong magbawas ng plastik, hindi ito praktikal. Kapag bumili ka ng zero-waste product online, kadalasan ay darating ito sa balot na sang-katerbang bubble wrap at plastik tape.

Mga tao na bumibisita o namimili sa GoinGreen stall.
“Nagbawas ka nga ng pang-shampoo, tapos nadagdagan ka naman ng bubble[wrap].” Dahil dito, mas pinipili ni Sheila ang magkaroon ng physical presence kaysa umasa sa online selling. Bukod dito, may isa pang mahalagang rason ang pagkakaroon ng pisikal na stall: nakikita ng mga tao ang produkto.
“Ayoko mang aminin, niche pa rin yung market na sine-serve niya. (19:33) Kasi, not everyone is into green living or sustainable living. Kaya nga, kahit pataas ang foot traffic ng market, hindi sumasabay ang sales ng stall, ng GoinGreen, kasi yan, niche siya… Pag hindi mo nakita, hindi ka aware,” ani Sheila.
Sa Sunday Market, may mga taong dumadaan lamang para bumili ng gulay ngunit napapahinto kapag nakakita ng kakaibang loofah sponge, bamboo toothbrush, o shampoo bar. Doon nagsisimula ang usapan, at minsan, ang pagbabago ng gawi.
“Maganda talaga siya na physically nakikita [ang mga produkto at tindahan]. Kasi, yung mga curious, madali silang i-convince to buy kasi nakikita nila, tapos, puwede na [paliwanagan] din sila,” dagdag ni Sheila.
Isang Tindahan para sa Lahat
May nosyon tungkol sa sustainable living bilang mahal at para lamang sa iilan. Hindi rin ito ganap na mali – mas madali nga namang sundin ang zero-waste lifestyle kung may sapat na pera at oras. Hindi kayang baguhin ng isang maliit na stall ang buong sistemang ito. Ngunit sinusubukan ng GoinGreen.LB na gawing mas abot-kaya at mas praktikal ang mga alternatibo.
Pinapanatiling mababa ang presyo ng mga produkto. Ibinabalik ng refilling station ang sistemang matagal nang pamilyar sa mga Pilipino. At ang mga produktong ibinebenta ay nasubukan sa isang tunay na buhay, ng isang taong nagsimula sa maliit na kapital at dahan-dahang pinalago ang kanyang negosyo.
Sa isang bayang nanguna sa pagbawal ng plastik sa buong bansa, ang GoinGreen.LB ang nagbibigay ng katuparan sa pangako ng Los Baños: hindi lamang pag-alis ng plastik sa papel, kundi pagbibigay ng tunay at abot-kayang alternatibo sa mga kamay ng bawat residente.
Ang pangarap ni Sheila para sa GoinGreen.LB ay simple ngunit mahalaga, isang permanenteng tindahan na bukas hindi lamang tuwing Linggo.
At nananatiling matatag ang pangarap na ito: na sana’y hindi na lamang tuwing Linggo lumilitaw ang luntiang kulay ng pag-asa para sa kalikasan, mula sa paanan ng Bundok Makiling.
Mga Sanggunian
Earth.org. (2023). Plastic pollution in the Philippines: Causes and solutions. https://earth.org/philippines-plastic/
Heinrich Böll Foundation Southeast Asia. (2024, Oktubre 21). From sachets to marine litter: Why do plastics end up in the ocean? https://th.boell.org/en/2024/10/21/sachets-plastics-ocean
When In Manila. (2018, Hunyo 16). Los Baños banned plastic 10 years ago — here’s what we can learn from them. https://www.wheninmanila.com/los-banos-banned-plastic-10-years-ago-heres-what-we-can-learn-from-them/
rbvillar. (2016, March 2). A Plastic Story. Los Baños Times. https://lbtimes.ph/a-plastic-story/
World Bank. (2021). Market study for Philippines: Plastics circularity opportunities and barriers. https://www.worldbank.org/en/country/philippines/publication/market-study-for-philippines-plastics-circularity-opportunities-and-barriers-report-landing-page