Sulat ni Johnrey Oliver Delos Santos
Kung titingnan ang mapa ng Unibersidad ng Pilipinas Los Baños, madaling maintindihan kung bakit mahalaga ang transportasyon sa mga estudyante at manggagawa rito. Mula sa ibabang bahagi ng pamantasan hanggang sa Kolehiyo ng Panggugubat at Likas na Yaman sa dalisdis ng Bundok Makiling, ang pagitan ng mga gusali ay isang pang-araw-araw na hamon para sa libo-libong tao.
Dahil dito, nagtutulungan ang iba’t ibang uri ng transportasyon sa loob ng pamantasan upang makapagbigay ng angkop na serbisyo sa mga estudyante—mula sa tradisyonal na dyip, habal-habal, at traysikel, hanggang sa ride-hailing apps tulad ng Angkas at Grab, pati na rin ang mga inisyatiba ng UPLB gaya ng eLBeep at Tipaklong.
Ngunit kahit magkakaiba ang kanilang anyo, iisa ang hamong kinahaharap nila ngayon: ang patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina at lumalalang kompetisyon sa pasahero.
MULA HORMUZ HANGGANG LOS BAÑOS
Sa tuwing nagkakaroon ng tensiyon sa mga bansang pangunahing nagluluwas ng langis, agad itong nararamdaman sa pandaigdigang merkado. Kapag tumataas ang presyo ng krudo, karaniwang sumusunod din ang pagtaas ng presyo ng diesel at gasolina sa mga lokal na gasolinahan sa Pilipinas.
Isa sa mga lugar na madalas nababanggit sa usapin ng suplay ng langis ay ang Strait of Hormuz sa Middle East. Dito dumaraan ang halos 20 porsyento ng kabuuang suplay ng langis sa buong mundo. Kapag nagkakaroon ng alitan o banta sa seguridad sa bahaging ito ng mundo, nagiging mas maingat ang mga merkado at maaaring tumaas ang presyo ng langis dahil sa pangambang maantala ang suplay.
Para sa mga bansang tulad ng Pilipinas na nag-aangkat ng malaking bahagi ng kanilang langis, ang mga ganitong pangyayari sa pandaigdigang politika ay may direktang epekto sa lokal na ekonomiya. Ang paggalaw ng presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado ay nagiging batayan sa lingguhang pagbabago ng presyo ng diesel at gasolina sa bansa.
Bagaman tila malayo ang mga pangyayaring ito mula sa pang-araw-araw na buhay sa Los Baños, ang epekto nito ay mabilis na nararamdaman ng mga tsuper ng pampublikong transportasyon. Kada sentimong dagdag sa presyo ng diesel, bumibigat rin ang gastusin na kailangan nilang kitain bago pa man sila makapagsimula ng isang araw na pamamasada.
Para sa mga tsuper na umaasa sa arawang kita, ang bawat dagdag sa presyo ng gasolina ay nangangahulugang mas mahabang oras sa kalsada at mas mahirap na paghahabol sa sapat na kita para sa kanilang pamilya.
12 ORAS AT 21 LITRO
Si Nicanor, 34 taong gulang, ay nagsimulang magmaneho ng dyip halos tatlo hanggang apat na taon na ang nakalipas. Alas singko y medya ng umaga pa lang, naroon na siya sa kaniyang ruta sa Batong Malake. Karaniwang tumatagal ng 12 oras ang kaniyang pamamasada. Dahil dito, apektado ang kaniyang biyahe sa oras ng pagpasok at pag-uwi ng mga estudyante.
“Kapag walang pasok, nagpapahaba na ako ng oras. Hanggang alas nuwebe ng gabi minsan, para lang kumita.”
Kung papalarin sa isang araw na may magandang daloy ng pasahero, nakakakuha siya ng humigit-kumulang 1000 piso. Ngunit hindi lahat ng kitang ito ay sa kaniya napupunta. Malaking bahagi nito ay napupunta sa humigit-kumulang 21 litro ng diesel na kailangan niya araw-araw.
“Pagdating sa diesel, linggo-linggo tumataas. Kaya siguro, yung [11 pesos na] pamasahe, hindi talaga sapat para kumita,” wika niya.
Sa tuwing namamasada siya, ang tanging nasa isip lamang niya ay makapag-uwi ng makakain. “Ang hamon araw-araw, kailangan mahaba ang pasensya mo. Kapag mababa ang kita, lalong pagod. Ramdam na ramdam. Lalo na kapag walang pasok.”
Si Mardy naman ay mas matagal nang nasa industriya ng pamamasada. Nagsimula siya noong taong 2003, nang ang pamasahe ay apat na piso lamang. Sa mga panahong iyon, kahit wala pang sampung oras ang kaniyang trabaho, nakakapag-uwi siya ng 1,500 piso.
“Ngayon, sa diesel na lang halos nauuwi ang kita,” wika niya.
Para kay Mardy, dalawa ang pangunahing sakit ng ulo: ang trapiko, at ang boundary. Ang boundary ay ang halagang binabayad ng isang tsuper sa may-ari ng sasakyan bilang kapalit ng karapatang gamitin ito. Sa mga araw na walang klase o trabaho sa UPLB, kapag mababa ang bilang ng pasahero, nananatiling dapat bayaran ito.
Higit pa rito, nakabitin sa kanilang mga balikat ang usapin ng PUV Modernization Program. Kahit pansamantalang naantala ang phase out ng mga tradisyonal na dyip, alam ng mga tsuper na hindi ito permanente. Nananatili itong agam-agam. Ang kanilang mga sasakyan na kanilang tanging kabuhayan ay nananatiling nasa bingit ng pagkawala.
SERBISYO SA GILID NG BATAS
Bago pa dumating ang Angkas at Grab, may mga grupo na ng mga tsuper na handang humarap sa daan kahit sa gabi at kahit sa matatarik na ruta. Sila ang mga tsuper ng habal-habal.
Si Kuya Angel ay isang habal-habal driver na unang nagserbisyo noong taong 2006. Ayon sa kaniya, nagsimula siya sa ruta ng Jamboree at ng Upper Campus. “Nakita ko kasi na may pangangailangan ng serbisyo sa pamamasada.”
Noong 2007, nabuo ang kanilang samahan na “Safety Drivers”. Mula sa apat na miyembro, lumago ito hanggang walo. Ngunit kahit lumago ang bilang, hindi gaanong lumago ang kita.
“Pero hindi ganoon kalaki ang kita namin. Basta hindi bababa ng 500. Iyong 200 diyan pang-gasolina pa.”
Ang kanilang serbisyo ay may kakaibang diwa. Dahil para sa kaniya, hindi lamang ito negosyo. “Sa amin kasi, hindi lang kami para kumita. Iniisip din namin na makapag serbisyo kami nang tama… hindi natin made-deny ang pangangailangan sa ganitong klase ng pamumuhay.”
Ngunit ang kanilang pagbibigay-serbisyo ay napapalibutan ng mga hadlang. Sa ilalim ng Republic Act 4136 o Land Transportation and Traffic Code, ang habal-habal ay nananatiling iligal. Mayroon ding Office of the Chancellor (OC) Memo no. 065 s. 2008 at OC Memo no. 023 s. 2013 na nagbabawal sa kanilang bumiyahe sa loob ng pamantasan.
Kaya naman sa pagdating ng Angkas at iba pang ride-hailing apps, unti-unti nang nawala ang kanilang samahan. Ngayong taon, mailap na silang makitang nag-aabang sa kahabaan ng Lopez.
KUNG HINDI TATAAS
Si Kuya Buboy ay nagmamaneho ng traysikel mula pa noong 2022. Sa isang karaniwang araw, kumikita siya ng 700 piso, kung saan ang 200 piso dito ay napupunta sa gasolina.
Mayroon siyang mapait na katotohanan na gustong ibahagi: “Kapag tumaas ang presyo ng gasolina, hindi naman ako pwedeng magtaas lang basta ng pamasahe.”
Ayon sa kaniya, kailangan pa rin niyang hintayin ang anunsyo ng Tricycle Operators and Drivers’ Association (TODA). Gaano man ito katagal at gaano man sila kalugi. Kaya raw ang iilan, pinipili na lang na hindi pumasada. At kapag dumami sa kanila ang hindi namamasada, nahihirapan din ang mga estudyante na makapasok at makauwi.
Higit pa rito, may isa pang problemang kinahaharap si Kuya Buboy. Ang mga traysikel daw na nanggaling sa labas ng kanilang itinalagang lugar, na pumapasok sa Brgy. Batong Malake ay isang mahigpit na kompetisyon. Ito ay dagdag pasanin para sa kaniya upang mag-uwi ng nakabubuhay na kita.
BIYAHE SA ISANG TAP
Para kay Arwen, isang estudyante sa Kolehiyo ng Komunikasyong Pangkaunlaran na nakatira sa upper campus, ang Angkas ay isang pangangailangan lalo na kung may hinahabol na mga gawain.
“Bilang isang devcom student na sa upper campus nakatira, madalas ko talagang kinakailangang gumamit ng Angkas. Most of the time ay para makauwi sa dorm, especially kung may mga late akong class o kaya naman ay meeting. Dahil around 8:00 PM o minsan nga ay mas maaga pa ay wala na ring mga dyip na bumabyahe paakyat.”
Ang kaniyang ruta ay mula sa loob ng pamantasan o hindi kaya ay sa Grove, patungo sa kaniyang dormitoryo sa forestry.
“Mga around 10:00 PM ko rin talaga madalas nagagamit yung services nila.”
Sa mas mabigat na bahagi ng semestre, lalo na tuwing sunod-sunod ang mga pagsusulit, halos araw-araw siyang gumagamit ng Angkas. Pero sa pangkaraniwan, dalawang beses sa isang linggo niya ito ginagamit, tinatayang 130 pesos ang inaabot sa kada biyahe.
Kinikilala ni Arwen na mas mahal ang serbisyo ng Angkas kumpara sa tradisyonal na habal-habal. Gayunpaman, ang presyo nito ay may katumbas na kaginhawahan para sa kaniya.
“Iba-iba siya depende rin kung nasaang context na tayo ng sem, kasi mas usual talaga akong nag-Aangkas kapag hell week na, kapag marami pang kailangang tiyakin sa lower campus even late at night.”
Si Nine naman, isa ring BS Development Communication student, ay gumagamit ng Grab para sa ibang layunin. Madalas, para sa mga lakad sa pagitan ng Los Baños at Calamba.
“Usually, I use this to casually travel from Los Baños to Calamba to run errands and for personal use. Madalas nagagamit ko siya because of high heat or pag in a rush na ako.”
Sa isang biyahe, ang gastos niya ay 300 hanggang 400 pesos — isang halaga na hindi niya itinuturing na makatarungan.
“…masyado siyang mataas compared sa Grab in Manila na mas further pa yung places na tinatravel ko.”
Gayunpaman, nananatili siyang gumagamit ng serbisyo dahil sa kaginhawaan at bilis nito. Ang hamon lang para sa kaniya ay ang pagkansela ng mga tsuper sa kalagitnaan ng kaniyang paghihintay.
BAGONG BYAHE NG UPLB
Noong Nobyembre 27, 2024, bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-17 Global Warming and Climate Change Consciousness Week, opisyal na inilunsad ng UPLB ang Electric Light Bus for the Environment and Economy Partnership (eLBeep). Ang mga electric microbuses na ito, na binili ng SNODLOB Transport Service and Multi-purpose Cooperative mula sa isang vehicle assembler sa Laguna, ay tumatakbo sa dalawang ruta: ang UPLB Loop at ang UPLB-UPRHS-Jubileeville, sa pamamagitan ng solar energy.
Para kay Callile, isang estudyante ng Kolehiyo ng Medisinang Pambeterinaryo, ang eLBeep ay praktikal na solusyon.
“Gusto ko rin dito sa eLBeep kasi nahahatid niya ako sa loob mismo ng college ko sa vetmed.”
Para sa kaniya, maganda rin na ang pamasahe ay nanatiling 11 pesos lamang, maihahalintulad niya ito sa pamasahe ng dyip.
Samantala, ang Tipaklong Mobility Sharing Project naman ay mga e-bike, manual bikes, at e-scooters na maaaring rentahan ng mga estudyante at bisita sa pamamagitan ng isang mobile app. Inilunsad noong unang Hunyo sa kaparehong taon. Ito ay idineklara ng administrasyon bilang isang hakbang tungo sa pagbabawas ng carbon emissions sa pamantasan.
Ang eLBeep at Tipaklong ay iniluwal mula sa mas malawak na ambisyon: ang Green Mobility Initiative ng UPLB, na naglalayong iayon ang transportasyon ng kampus sa UN Sustainable Development Goals, partikular ang SDG 11: Sustainable Cities and Communities, at ang SDG 13: Climate Action.
SA DULO NG RUTA
Sa dulo ng araw, ang lahat ng ito ay nagtatagpo sa iisang katotohanan na ang transportasyon sa UPLB ay isang salamin ng mas malaking digmaan — ang digmaan para sa mapagkalingang kabuhayan sa gitna ng patuloy na tumataas na gastos ng pamumuhay.
Ang tsuper ng dyip na inaabot pasado 9:00 PM ng gabi para lang may maiuwing sapat na kita pangkain. Ang mga traysikel na naghihintay sa anunsyo ng TODA bago maiakyat ang pamasahe upang mapantayan ang araw-araw na gastos. Ang mga habal-habal na laging sinasalubong ng iba’t ibang hamon sa daan. At ang lahat ng tsuper na ang gusto lang ay magkaroon ng nakabubuhay na kita sa gitna ng lumalalang kompetisyon.
Lahat sila ay nakikipagsapalaran. Lahat sila, kabilang ang mga komyuter, ay may iisang laban: ang lumalalang presyo ng gasolina na tumataas sa bawat pagbagsak ng bomba sa mga naglalakihang bansa.
Habang nagaganap ang geopolitikal na tunggalian para sa kontrol ng likas na yaman, ang mga katulad nina Nicanor, Mardy, Kuya Angel, at Kuya Buboy ay nagiging tahimik na haligi ng araw-araw na paggalaw ng komunidad ng pamantasan—mga tsuper na nagsisikap sa kanilang sariling laban upang maihatid ang mga estudyante sa kanilang mga klase habang naghahanap ng sapat na kita para sa kanilang pamilya.