Sulat ni Lou Tan
Noong una akong sumali sa produksyon ng Misis: Ang Vavaihang Musical, mayroong isang tanong na tumatak sa isipan ko: Ano ang esensya ng pagiging babae?
Bilang isang transgender man, madalas akong nasasaklaw sa depinisyon ng mga tao ng pagkababae. Ang karaniwang nasasambit sa usaping ito ay ang pagkakaroon ng mga biyolohikal na katangian tulad ng XX chromosomes, uterus, vagina, at breasts. Dahil ako ay assigned female at birth, hindi naiiba ang mga pisikal kong anyo sa deskripsyon nito.
Subalit, sa kabila ng mga sex characteristics na mayroon ako, ni kailanman ay hindi ko nakita ang sarili bilang isang babae. Kaya noong narinig ko ang kuwento ng Misis, kung saan itinampok ang kuwento ni Venice, isang transgender woman na naghahangad na sumailalim sa bottom surgery upang “makumpleto” ang kanyang pagkababae, agad kong nakita ang kahalagahan ng pagsesentro ng mga kuwento ng transgender individuals sa lumalawak na lipunan.
Ang paggamit ng camp sa pagkukuwento
Ang Misis ay isang teatro-musikal na itinanghal noong Marso 26, 2026 sa D.L. Umali Hall. Ipinakita rito ang kuwento ni Venice at ng kanyang mga kaibigan na hango mula sa araw-araw na karanasan ng mga trans woman, na gaya nila, nakararanas din ng diskriminasyon mula sa mga simpleng bagay tulad ng paggamit ng palikurang pambabae hanggang sa pakikipagrelasyon. Bihira lamang na mabigyang-diin ang mga kuwentong gaya nito, lalo’t higit ang pamamaraan na pinili ng direktor at manunulat na si E. Nadonga, o mas kilala bilang “Tita E.”

Sa pagsasalaysay ni Tita E., nilikha niya ang Misis kasama ang mga kapwa playwright niyang sina Anjo Camacho, Sam Medina, at Ju Rivera bilang tugon sa karaniwang diskurso tuwing National Women’s Month hinggil sa mga trans women.
Saad niya, “Isa sa mga intention ko non kasi ‘yung sumikat na trans fiasco sa noon sa Tiktok na sinasabi nila, kahit hanggang ngayon naman, na ang trans people daw ay hindi dapat mag-celebrate ng Women’s Month. So, isa siya sa mga parang dumurog sa puso ko, kaya sabi ko, “Gawa tayo ng play.””
Para sa kanya, ang mga suliranin ng mga kababaihan ay hindi ang siyang depinisyon ng identidad nila, dahilan upang komedya ang magsilbing pamamaraan sa pagbibigay-buhay niya sa kanilang kuwento. Camp ang nagsilbing behikulo para maipaliwanag ang iba’t ibang aspeto ng buhay ayon sa mga karanasan niya bilang isang trans woman.
“Ang camp, it’s stylized, it’s exaggeration, it has references, and it should be a sensibility. Kaya ko siya ginamit dito sa Misis kasi nga ang transhood, womanhood, at ‘yung trans being part of womanhood is isang malaking taboo pa, in this day and age,” saad ni Tita E. “It’s one way of using fun and comedy as a tool to teach people, entertain people, and at the same time, a creative way to promote trans visibility in general.”
Bilang isang estilo ng direksyon, ginamit niya ang camp sa pagpapakita ng kultura ng LGBTQIA+ community at sa pagpapalitaw ng mahahalagang usapin tungkol sa medical transition..
Medical transitioning at ang epekto ng ‘cisheteronormativity’
Para sa mga transgender na katulad ko, ang pagsailalim sa medical transition ay kalimitang dulot ng gender dysphoria, o ang pagkakaroon ng mga negatibong emosyon dala ng pagkakaiba ng gender identity sa assigned sex at birth. Ang karaniwang porma nito ay ang Hormone Replacement Therapy, o ang paggamit ng estrogen, testosterone, o hormone blockers para mabago ang mga secondary sex characteristics ng tao. Maaari rin itong makita sa pamamagitan ng surgery, o modipikasyon ng ari.
Sa Misis, isinabuhay ito ng karakter ni Venice sa kanyang paghahangad na sumailalim sa bottom surgery. Ito ay buhat sa karanasan ng maraming transgender individuals dahil sa umiiral na cisheteronormativity sa lipunan. Ang cisheternormativity ay ang pananaw na ang mga identidad na labas sa pagiging cisgender at heterosexual ay hindi “normal” kaya dapat itong tutulan. Ito ay kalaunang nagdudulot ng mababang pagtingin sa mga babae o lalaki na iba ang genitalia sa inaasahan.

Sensitibong diskusyon ang ganitong mga proseso para sa komunidad, sapagkat ang pagiging transgender ay hindi one-size-fits-all. Maaaring maibsan ang gender dysphoria sa tulong ng medical transitioning, habang para sa iba, hindi ito kinakailangan. Ayon kay Tita E, ang desisyon na talakayin ang medical transition sa Misis ay dulot ng kakulangan sa mas malalim na pag-unawa ng mga tao sa prosesong ito.
“The thing with bottom surgery and transitioning in general, ang dami palang may hindi alam sa kanya. That’s one way of saying kung gaano kakaunti ‘yung options. Upon my research, sobrang kaunti lang ng gumagawa [ng bottom surgery], I don’t know nga kung isa lang eh. Isa ‘yun sa mga dahilan kung bakit gusto ko siya isama, isa siyang pagkatok, na sana gawing mas accessible, gawing mas safe,” sambit ni Tita E.
Dagdag pa niya, karaniwang umaasa sa sariling kaalaman ang mga trans individuals dahil sa kakulangan ng abot-kayang serbisyong pangkalusugan. Ayon sa karanasan ni Yuri Naga, aktres na gumanap bilang Venice, nasaksihan niya rin ang pagtutulungan ng mga trans woman sa kanilang komunidad pagdating sa medical transition.
“‘Yung iba naman po… na nakakausap kong mga ibang trans sa ibang lugar, dun sila nagsasabihan anong i-tatake, paano ka magta-transition, ano ‘yung safe steps for transitioning. If wala kasing ganon, kailangan talagang maghanap on your own, kasi delikado. Ika nga don sa play, delikado talagang mag-transition nang basta-basta lang. Kailangan nito ng medical guidance talaga,” pagbabahagi ni Yuri.
Batay sa kanyang pagmamasid, ang ilan sa mga salik na lubhang nakaaapekto sa pagme-medical transition ng mga trans individuals ay 1) pagkaramdam ng takot at hiya dulot ng diskriminasyon; at 2) kakulangan sa salapi upang magkaroon ng karampatang access sa higit pang mga serbisyong medikal.
“Mahal po talaga mag-avail ng mga hormone pills, especially mga surgeries needed, and ‘yung consultation even po. Kaya super important po na makahanap ng community,” saad ni Yuri.
Hindi lamang trans women ang humaharap sa mga suliranin sa pag-access ng hormones. Sa karanasan ko bilang isang trans man, ang testosterone ay hindi natatagpuan sa mga botika. Bilang din sa daliri ang mga ospital na mayroong mga espesyalistang kayang magbigay ng gabay tungkol sa proseso ng pagta-transition. Hindi lang sakit sa bulsa ang dinadanas ng mga tulad ko, kundi pagod sa paghahanap ng mapagkakatiwalaang mga doktor at nagbebenta ng lehitimong hormones.
Bukod sa mga gumagamit ng hormone pills at gel, isang pagkakapareho ng mga trans woman at trans man ay ang pagtuturok ng gamot sa sarili. Dala ng gastos at kakulangan sa mga doktor na maaaring tumulong, kailangan naming matutong magturok ng nakaayon sa inirerekomendang dosage.
Bukod sa accessibility ng healthcare, marami pang dapat isaalang-alang sa pagpapatuloy ng medical transition na binigyang-diin sa Misis. Mayroong mga eksenang inilaan para sa pagpapakita ng mental health assessment na isinasagawa upang matiyak na ang mga motibasyon ng tao ay nakasalalay sa kanyang nararamdaman.
Diskriminasyon sa kasarian
Sa dula, malaki ang papel ng transphobia ng mga tao sa pagpapasya ni Venice. Nakita sa pagtatanghal ang mga halimbawa ng diskriminasyong nararanasan ng mga trans woman.
“Ang Act 1 kasi, it’s a reflection of [different] trans women, from mga matatandang trans woman, batang trans woman, lahat sila nagre-reflect na iba-iba ang struggles namin,” pagpapaliwanag ni Tita E.
Dahil sa kanyang pagiging trans, madalas na natatawag si Venice at ang kanyang mga kaibigan na “Sir.” Tulad ng nangyayari sa totoong buhay, hirap din ang trans individuals na gumamit ng palikurang naaayon sa kanilang identidad, sapagkat hindi sila kinikilala ng lipunan bilang mga “tunay na babae.”
“Halos lahat ‘yon, ng nasa Misis, naranasan ko siya,” sabi ni Tita E. “Naranasan ko siya personally. Diary ko siya… at ‘yung iba doon ay kinuha ko sa mga kaibigan ko, sa mga kakilala ko, sa research, at sa anxiety ng kung anong gusto kong mangyari sa akin at ano ‘yung mga nagto-trouble sa akin.”
Ang mga karanasan niya ay ilan lamang sa mga pangunahing dahilan kung bakit may mga trans woman, gaya ni Venice, na naniniwalang magiging kumpleto lamang sila bilang babae kung sila ay magkakaroon ng puke. Sa parehong pamamaraan, ang mga trans man ay karaniwang ‘di kinikilala bilang mga lalaki dahil sa kanilang ari. Sa paggamit ng puke, regla, at uterus sa pagsukat ng pagkababae, lalong nawawalan ng kalayaan ang mga tao na makilala bilang totoo nilang sarili.
Tulad ni Venice, bihira na akong ma-misgender. Sa pang-araw-araw na buhay, nakikita ako ng mga tao bilang lalaki: may bigote, masculine, at malalim na ang boses. Patunay ang pakikitungo sa akin ng tao na wala sa ari ang pagkilala natin sa kasarian. Kahit ipinanganak akong assigned female at birth, ang tunay na identidad ko ay nasa kung sino ako sa sariling pananaw at pagpapakilala. Kung kaya mahalaga ang mensaheng nais ipabatid ng direktor sa pamamagitan ng pagbabagong pananaw ng bida: “Hindi lang naman pekpek ang sukatan ng pagkababae.”
Kung hindi puke, hormones, o chromosomes ang sukatan, paano natin bibigyang-kahulugan ang isang “tunay na babae”?
Esensya ng womanhood
Ayon sa direktor, mahalaga ang papel ng mga trans woman sa pagbali sa karaniwang mga depinisyon sapagkat ang pagsasabuhay nila sa kanilang identidad ay patunay na hindi lamang iisa ang itsura ng pagkababae.
“Walang depinisiyon sa’kin ang pagiging woman… kung anong nararamdaman mo sa sarili mo, at nararamdaman mo na babae ka at doon mo gusto mag-identify, then by all means, do so. Kaya mahirap siyang sagutin, honestly until now, in this day and age, wala akong clear definition ng pagiging babae, kasi wala naman talagang dapat standard definition. Kasi at the end of the day, what you feel is who you are,” sabi ni Tita E.
Kung ako ang tatanungin, ang pagkababae ay matagal kong pilit na isinabuhay. Sinubukan kong maging babae na hindi nagpapakulong sa mga inaasahan sa akin ng lipunan: maging babaeng maikli ang buhok, maskulado, o umiibig sa kapwa babae. Gayunpaman, ang tanging katotohanan ay hindi sa ganitong aspeto matatanaw ang tunay na pagkakakilanlan ng tao. Hindi napunan ng pagiging masculine ang hangad kong mamuhay bilang isang lalaki. Noong napagtanto kong hindi ako babae, do’n ako nakahanap ng tunay na kaligayahan. Gaya ng tinuran ni Tita E, ang pagiging babae, lalaki, o ano pang identidad ay naaayon sa pagpapakahulugan ng taong isinasabuhay nito.
Naghayag din si Yuri ng kanyang depinisyon na lubos kong sinasang-ayunan: “I would define womanhood based on how a person feels. It’s not something na limited to people na pinanganak na may puke, hindi siya limited sa mga taong nabuntis, nanganak, hindi siya limited sa taong may jowa. It really comes from within… it comes from when you think, when you feel: this is who I am. I am a woman.”
Dahil sa pagtatanghal ng Misis: Ang Vavaihang Musical, naipamahagi ang pangunahing mensahe ng kuwento: ang sariling pagkakakilanlan ay hindi dapat naaayon sa ari, estado sa buhay, o kahit ano mang panlabas na salik, sapagkat mayroong kalayaan ang tao na mabuhay ayon sa tunay nilang nararamdaman. Maging anuman ang genitalia mo, mapa-puke man o tite (o pareho!) maaari kang maging totoong ikaw.
Kahalagahan ng trans visibility sa entablado
Bihira akong makakita ng mga pagtatanghal na sumasalamin sa mga sarili kong karanasan. Kaya sa bawat pagbitaw ni Venice ng linya, dama ko ang kanyang mga suliranin: ang anxiety sa pagtutuloy ng mga medical procedures, ang paghahangad ng pagtanggap mula sa mga mahal sa buhay, at ang pagkuwestiyon sa sarili dahil sa societal pressure. Sa kanyang paglalakbay tungo sa tunay na pagmamahal sa kanyang identidad, nakita ko ang sarili ko, sapagkat hindi limitado sa pagkababae ang diskusyon ng Misis. Sa pagbali ng depinisyon ng kasarian, nabigyan din ng espasyo ang mga transgender man at iba pang mga identidad na makita sa pantay na pamamaraan.
Mahalaga rin ang pagkakaroon ng trans people sa likod ng produksyon dahil sa ganitong paraan nakikita ang kapasidad ng mga marhinalisadong identidad.
“From way, way before, ang tingin sa mga trans ay flawed. May kapansanan, may disorder, o may sakit… throughout the times na-prove naman nang kaya gawing ng mga trans ang kayang gawin ng [ ba],” sabi ni Yuri.
“They’re just normal people, they just want to be treated as women, as men. Na-eemphasize din [dapat] na there are trans people who are participating in this production, because they are also human who are capable of doing this.”
Malalim na admirasyon ang nararamdaman ko bilang isang musikero para kay Tita E. at Yuri, na niyakap ang kanilang mga sarili ng buong-buo upang makapagbahagi ng mga kuwentong mahirap ilahad sa entablado.
Patuloy ang pagkukuwento niya, sapagkat para kay Tita E., ang trans visibility sa paglikha ay malaking aspeto ng paglaban para sa komunidad.
“Kapag wala ang presensya natin sa space, nabubura ‘yung existence natin. ‘Yung pag-fight natin for acceptance at inclusivity starts from being who we are, starts from accepting who we are, and existing for who we are. Kasi ‘yun ‘yung pinakaimportante nating gawin, na mag-exist tayo para hindi tayo mabura. Paano magkakaroon ng isang trans na direktor kung hindi mo sisimulan, kung ‘di ka pupunta sa espasyo at irereclaim ang space na para sa’yo? Paano magkakaroon ng trans characters kung ‘di ka mag-aaudition as a trans man or woman? Paano magkakaroon ng trans man sa banda kung hindi ka tutugtog? Exist. We need to exist.”
Bago maging bahagi ng dula, malimit kong inihihiwalay ang paglikha ng sining sa pagiging trans. Nais kong patunayan na bukod sa pagiging trans, kaya kong lumikha ng mga tula at kantang magugustuhan ng mga tao. Sa paghahangad kong matanggap, isinantabi ko ang aking identidad. Hinayaan kong mahiwalay ako sa mga kapwa kong trans man dahil ayaw kong “malimitahan.” Subalit, dahil sa komunidad na aking nakilala sa Misis, nasaksihan ko ang pangangailangan ng mga katulad ko na kayang magsalaysay ng aming mga karanasan.

Ang kabuluhan ng Misis ay hindi lamang matatagpuan sa lakas ng halakhak ng mga manonood o sa dami ng mga upuang napunan sa DL Umali, kundi sa pagkakabuklod-buklod ng mga tao para sa mga kababaihan at sa transgender community. Sa mga susunod na taon, nawa’y lalo pang dumami ang mga kuwentong katulad nito, nang sa gayon ay patuloy nating mabali ang mga depinisyon na noo’y naglilimita sa ating mga pagkatao.
Sabi nga ni Tita E., “As trans people, naranasan natin maging Miss, at naranasan natin maging Mister, so let’s reclaim our Misis. Let’s reclaim our very own space.”
Para sa trans community, nawa’y ipagpatuloy natin ang pagsasalaysay sa mga kuwento natin. Hindi sa ating sarili natatapos ang pagbabago, kundi sa pagbabago ng lipunan hanggang sa hindi na kakailanganin pang ipaglaban ang ating pagkakakilanlan.
Mga Sanggunian:
Fraser, L. (2015). Gender dysphoria: definition and evolution through the years. In Management of Gender Dysphoria: A Multidisciplinary Approach (pp. 19-31). Milano: Springer Milan.
Radix, A. E. (2016). Medical transition for transgender individuals. In Lesbian, gay, bisexual, and transgender healthcare: A clinical guide to preventive, primary, and specialist care (pp. 351-361). Cham: Springer International Publishing.
Zaino, K. (2021). Queer worldmaking. Encyclopedia of queer studies in education, 4, 578-82.